Prologue
NAGKUKUMPULAN sa isang laboratory room ang ilang kalalakihang estudyante. Bagaman hindi sila maingay, mapapansin na nagkakatuwaan ang mga ito. Ang dalawang lalaki na nasa bungad ng pintuan ay nag-uusap habang nakahawak ng kani-kanilang cellphone. May mga ilan na nakaupo sa mga stool at nagkukuwentuhan. Samantalang ang iba’y nakaupo sa ibabaw ng mesa at nagtatawanan. Sa gitna ng kuwarto ay may limang kalalakihan na paikot na nakaupo sa sahig.
“Henrich ipaikot mo na iyang bote nang masimulan na natin ang paghuhusga,” tumatawang sabi ni Wayne.
Ibinaba ni Henrich ang hawak nitong bote sa sahig saka ito ipinaikot. Nang huminto ang bote ay tumapat ang bunganga nito kay Achilles. Nagsigawan ang lahat maliban kay Achilles.
“Ang ingay ninyo!” sigaw ng estudyanteng nakatayo malapit sa pintuan.
Biglang natahimik ang grupo ni Wayne. “Okay. Paaminin na natin ito,” mahinang sabi nito sa mga kasama. Binalingan nito si Ulysses. “Brod, ikaw na ang unang magtanong.” Tinapik siya nito sa balikat.
Hindi agad nakapagsalita si Ulysses. Sandali siyang nag-isip. “Naniniwala ka ba sa first love?”
“Oo siyempre. Lahat tayo may first love, hindi ba?”
Napangisi si Wayne sa sagot ni Achilles. “Sino ang first love mo?” ang nakangiting tanong nito.
Biglang sumeryoso ang mukha ni Achilles. “Kailangan ko bang sagutin ang tanong na iyan?”
“Naman pare! Ang usapan natin lahat ng tanong ay sasagutin natin ng katotohanan. Maliwanag na usapan iyon, hindi ba?” seryosong sabi ni Wayne.
“Oo na. Sasabihin ko na,” naiiritang sabi ni Achilles. “Si Penelope ang first love ko.”
“Sino si Penelope? Taga-SMU ba iyon?” ang mausisang tanong ni Henrich.
“Wala siya dito. Kababata ko iyon.”
“Nasabi mo na ba sa kanya ang nararamdaman mo? Ibig kong sabihin, niligawan mo na ba siya?” tanong naman ni Miguel.
“Hindi pa nga, eh. Naghahanap pa lang ako ng magandang tiyempo. Bata pa kasi siya.”
“Okay. Tama na iyang tanong. Ngayon alam na natin na hindi taga-SMU ang mahal ni Achilles. Paikutin na iyang bote,” sabi ni Wayne.
Pinaikot ni Achilles ang bote. Nang huminto ito ay tumapat kay Ulysses.
Tinapik ni Wayne ang kamay ni Henrich. “Brod, sa iyo ang unang tanong,” sabi nito.
“Sige,” sabi ni Henrich. Binalingan nito si Ulysses. ”Nagkaroon ka na ba ng seryosong relasyon sa isang babae?”
Hindi na kailangan ni Ulysses na mag-isip ng matagal dahil alam na niya ang sagot sa tanong nito. “Wala pa. Hindi ko pa kasi natatagpuan ang babaeng mamahalin ko nang lubusan.”
“Bakit ano ba ang tipo mong babae?’ Si Achilles naman ang nagtanong.
Pero hindi na niya nasagot ang tanong nito. Biglang nagkagulo ang lahat dahil dumating na ang hinihintay nila, si Prof. De Vera.