Ikatlong Basket

2184
LUMABAS si Ricky mula sa campus na humahangos pero natatawa. Bago siya makalabas ay nakilala niya ang isang freshmen na nagngangalang Jin. Isang lalaking gustong makapasok sa varsity team dahil sa gusto nitong babae. Hindi niya alam kung nagkataon lang ba, pero, ito siya noong isang taon. Nag-basketball hindi dahil sa kagustuhan sa larong ito, kundi dahil sa isang babae.   Isang ngiti na nga lang ang kanyang naibigay sa lalaking iyon bago siya lumabas. Pagkatapos ay sinabi niya ang tanging tip na kanyang maiibigay rito.   “Bukas, sa try-out, galingan mo sa depensa. Kung sinuman ang sumubok na pumuntos sa harapan mo, pigilan mo lang ito. Gamitin mo ang tangkad at lakas na mayroon ka.”   Napangiti si Jin sa kanya at ang nakakatakot nitong imahe ay parang nabawasan. Inakbayan siya nito na naging dahilan para mapangiwi siya dahil sa bigat noon.   “Salamat, Ricky Mendez... Sana maging kaibigan kita kapag napunta ako sa team ninyo,” wika ni Jin at si Ricky ay mabilis na lumayo rito. Nagpaalam na siya sa tatlo dahil may pupuntahan daw siya. May sinabi pa ang mga iyon kay Mendez, pero sa pagmamadali ng binata ay hindi na niya iyon narinig.   “Yes!” bulalas ni Jin at ang dalawa nitong kabarkada ay napangiti dahil doon. “Kapag nakasali ako sa team... Makikipagkilala ako sa kanya!”   Mula sa imahinasyon ng higanteng si Jin, isang maamong imahe niya ang kanyang nakikita. Nasa harapan niya ang isang munting babae na hanggang balikat ang buhok at nakasuot ng uniporme ng CISA. Nasa kamay niya ang isang maliit na boquet ng mga rosas. Siya nga ay nakasuot ng jersey at iniisip niyang kakatapos lang niyang maglaro.   “Hi! Ako si Jin... Isang basketball player ng CISA!” winika niya at isang maamong mukha ang ipinakita niya sa kanyang kaharap na babae. Ngiting-ngiti siya sa kanyang imaginations na sinira naman ng dalawa niyang kaibigang sina Gil at Henry.   “Nag-i-imagine ka na naman Boss, pero kapag nandoon ka na, nahihiya ka na at nauutal,” biro ni Gil na naglakad na nga rin palabas ng school habang nasa unahan si Jin.   Seryoso namang napatingin si Jin dito na parang nagagalit, pero ito talaga ang itsura nito. Parang galit, at parang hindi maayos kausap. Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya ay nakakatakot, pero sa loob-loob ng higanteng tao na ito ay isa siyang malumanay na lalaki at mahiyain pagdating sa babae. Ang lakas ng loob para manligaw at makipagkilala sa babae ay dumaraan pa sa matagal na pagpilit sa sarili. Sa huli nga ay mare-reject din siya dahil sa natatakot sa kanya ang kanyang nagugustuhan kapag napapatingin sa kanyang mukha.   “Mamasyal na lang muna tayo sa Xentro Mall bago tayo umuwi. Mag-arcade tayo!” wika naman ni Henry at si Jin naman ay sumang-ayon sa sinabi nito.   Napatingin si Jin sa malayo, pumasok sa isip niya ang babaeng gusto niyang makilala siya. Basketball. Kailangan daw niyang makapasok sa CISA para sa dalaga. Baka kapag nakasuot na siya ng jersey, ay makilala siya nito dahil sa kanyang pagiging manlalaro.   “Kaya ko ito!” bulalas ni Jin na ikinagulat nina Henry at Gil dahil nakakasindak ang boses nito. Ang mga nasa paligid nga nila ay ganoon din at nagmadaling lumayo sa tatlo. Napahiya naman nga si Jin dahil doon at ang makapal niyang mga kilay ang nagsalubong, kasabay ng mga tingin niyang tila manginginain ng buhay.   *****   NAPANGITI si Ricky nang makita sa labas ng CISA ang isang babaeng nakasuot ng blouse na red at naka-fitted pants na tinernohan ng puting sapatos. Napatingin siya sa maamo nitong mukha at makikita ang nakangiti nitong labi pagkakita sa kanya. Maayos ding nakapuyod ang buhok nito at naka-pony tail. Hawak ng dalaga ang kanyang phone at nakasukbit sa kanan niyang balikat ang bag nito.   Nakita ni Andrea ang paglabas ni Ricky ay nakita niyang nakatitig ito sa kanya.   “Gandang-ganda ka na naman sa akin?” ani Andrea na inilagay sa bulsa ang kanyang phone at lumapit kay Ricky.   “Mendez, don’t stare at me!” ani pa ng dalaga at tinakpan niya ang mga mata ni Ricky gamit ang kanan niyang kamay.   Si Ricky ay napatawa nang bahagya at inalis ang kamay ng dalaga sa mukha niya. Hinawakan niya iyon at nagsimula na silang maglakad. Sa araw na ito, pupunta sila ng ukayan, sa bilihan ng sapatos.   “Ako ang pipili ng shoes mo,” wika ni Andrea at napangiti si Ricky dahil naaalala niya na ito rin ang pumili ng sapatos na binili niya noong isang taon.   Narating ng dalawa ang ukayan at nang makita sila ng tindero ay napangiti ito dahil nakilala niya kaagad si Andrea.   “Long time no see suki?” ani manong tindero at ngiti naman ang unang itinugon ni Andrea sa pagpasok nila ni Ricky sa loob.   “Oo nga manong, okay pa kasi ang sapatos ko. Tsaka ipipili ko lang itong boyfriend ko ng new shoes,” ani Andrea sabay pakita kay Ricky na nasa kanyang likuran. Si Manong ay napangiti muli dahil nakikilala niya ang binata. Bukod sa ito rin ang kasama ng dalaga dati, napanood niya rin ito sa inter-barangay at maganda ang ipinakita nito.   “Ricky Mendez, ang galing mo utoy maglaro. Napanood kita, taga-Canubing ka pala,” sabi nga ni Manong na bahagyang lumibot ang tingin sa kanyang tindahan dahil may ilang mga namimili rin ng mga ukay ngunit dekalidad niyang mga sapatos.   “O-opo, napanood pala ninyo ako. Talo nga lang kami,” ani Ricky na bahagyang natawa sa huling sinabi. Naalala tuloy niya ang pagmintis ng kanyang last shot noong laban nila sa Camilmil. Napansin naman ni Andrea ang pagtahimik ni Ricky kaya hinila niya ito at sinabing maghanap na sila ng sapatos.   “Manong magtitingin na kami. Pengeng discount ah... Magaling na player itong magsusuot!” nakangiting wika ni Andrea at si Manong ay napakamot na lamang sa ulo habang pinagmamasdan ang dalawa.   Inisa-isa ni Andrea ang mga sapatos na magustuhan niya para sa binata. Masusi rin niyang tinitingnan ang mga bahagi nito kung ayos pa ba o may sira. Habang ginagawa naman iyon ng dalaga ay tahimik naman siyang pinagmamasdan ni Ricky. Masaya siyang nagkabalikan nga sila muli, at nangako siya sa kanyang sarili na pagbubutihin ang pagiging boyfriend dito.   Wala na siyang mahihiling pa. Okay na siya sa basketball, sa pag-aaral, at sa kanyang buhay pag-ibig. Hindi niya akalaing magiging masaya ang kanyang lovelife dahil sa sports na lalaruin niya.   “Ito, mukhang okay ito Mendez?” tanong ni Andrea na hawak ang isang black na may stripes na puti. Makikita nga rin ang malaking logo ng brand nito sa gilid na Nike.   “Mukhang okay nga ang isang iyan,” ani naman ni Ricky na nakita rin na may mga butil ng pawis ang dalaga sa noo nito. Kinuha nga kaagad niya ang kanyang panyo mula sa bulsa at pinunasan ang basang parte ng mukha ng dalaga.   Napaatras pa nga si Andrea pero napatigil siya nang maramdaman niyang pinupunasan siya nito ng pawis. “Sweet ka na niyan?” nakangiting tanong ng dalaga at biglang pinisil ni Ricky ang kanyang ilong na bigla niyang ikinainis. Tinawanan naman siya ng binata na mabilis na lumayo sa kasama.   “Sira-ulo ka Mendez!” ani Andrea at nakita niya ang pag-upo ni Ricky sa isang upuan sa gilid. Lumapit na nga siya rito at nakita niyang nagtatanggal na ng sapatos ang binata. Nang maiabot niya rito ang sapatos na hawak ay pasimple niyang pinagmasdan ang kanyang boyfriend.   Masaya si Andrea na naging okay na muli sila ng binata. Mas masusuportahan na niya ito lalo’t makakasama niya ito. Manalo man o matalo, gusto niyang maging numero unong fan ng binata. Kagaya ng sinabi niya noon, nang unang beses niya itong mapanood sa practice game ng CISA at Southwestern College.   “Papanoorin ko ang bawat laro mo Ricky!”   Nagsisimula muli silang bumuo ng mga magagandang memories at pinangako ni Andrea sa sarili na aalagaan ang binata kahit ano ang mangyari. Susuportahan niya ito at palaging nasa likuran para rito. Kung malulungkot ang binata dahil sa pagkatalo, papasayahin niya ito. Kung manalo naman ay sasamahan niya lalo ito. Gusto niyang makita palagi ang ngiti nito. Gusto niyang iparamdam na mahalaga ito para sa kanya. Hindi man niya alam kung hanggang saan sila, hangga’t sila, hindi siya bibitaw sa pagmamahal dito.   “Okay ba?” tanong ni Ricky na tumayo mula sa pagkakaupo. Suot na nito ang sapatos at tumalon-talon nang bahagya para pakiramdaman iyon. Hindi naman nagsalita si Andrea kaya napatingin sa kanya si Ricky. Napatawa ang binata dahil nakatitig sa kanya ang dalaga.   “Poging-pogi ka na naman ba sa akin?” biro ni Ricky at isang manipis na kurot sa tagiliran ang tinanggap niya mula sa dalaga.   “Presko mo ah. May I see iyong sapatos,” ani Andrea na bahagyang pinamulahan.   “Komportable ka?” dagdag pa nito at tumango si Ricky.   “Magaan pero magandang ilakad,” ani naman ng binata na nag-thumbs-up sa dalaga. Hinubad na muli ni Ricky ang sapatos, at hiningi naman iyon ni Andrea para dalhin kay Manong. Kumuha naman ang kanyang boyfriend ng pambayad mula sa kanyang bulsa.   Bahagyang naiwan si Ricky at sa paglakad niya ay isang babae ang nakasalubong niya. Nakasuot ito ng reading glasses at kulot ang buhok. Kung titingnan ay nasa 4’9 ang height nito, hindi nga napansin ito ng binata, pero ang dalagang iyon ay kanina pang nakatingin sa kanya habang nasa loob ng tindahan. Lumabas nga ang dalaga mula sa ukayan at sa kanyang paglabas ay siya namang biglaang paghinto ng isang lalaking matangkad na may kasamang dalawang kalalakihan.   “J-jin? H-hindi ba... I-iyan siya?” mahinang tanong ni Henry sa kasamang higante.   “J-jin, lakasan mo ang loob mo! Makipagkilala ka... alam ko na, sabihin mo, gustong-gusto mo ang basketball...” mahina namang winika ni Gil sa likod ng kaibigan na nararamdaman niyang kinakabahan.   Si Lianne Hidalgo, isang freshmen sa CISA at ito ay ang babaeng gustong makilala ni Jin. Nagsimula ang pagkagusto niya rito noong highschool siya. Isa itong transferee sa kanilang school sa huling taon niya. Palagi niya itong nakikitang nagbabasa sa ilalim ng puno at sa library. Pero ang hindi niya malilimutan ay ang palagi nitong panonood ng basketball. Minsan nga nang mapatayo siya sa likuran nito at kasama nito ang isang kaibigan ay aksidente niyang napakinggan ang sinabi nito.   “Sana makakilala ako ng isang basketball player na hindi ako i-ignore,” wika ng dalaga na napayuko na lamang dahil wala siyang kompyansa sa sarili. Maraming beses na siyang nagkaroon ng hinahangaang manlalaro sa school at ganoon din sa ibang paaralan. Sinubukan niyang makipagkilala sa kanyang matitipuhan, pero wala ni isa ang nagkainteres sa kanya.   “Tapos, magkukwentuhan kami ng mga bagay na tungkol dito... Hindi ba ang cute noon?” ani pa nito sa kaibigan na nakitili na nga lang dahil nakapuntos na naman ang sinusubaybayan niyang manlalaro sa kanilang paaralan. Isa ring manlalaro na hindi interesado sa tulad niyang hindi maganda sa paningin ng mga nakakakita.   “L-lianne Hidalgo! A-ako si Jin, basketball player!” lakas-loob na winika ni Jin kaso, napatapik na lang sa likod niya ang dalawa niyang kaibigan.   “Ang tagal mo kasing magsalita, nakatawid na siya Boss,” ani Gil at nakitang sumakay na ng tricycle ang babaeng nakita nila.   “Bakit kasi hindi ka kaagad nagsalita?” tanong naman ni Henry at napabuntong-hininga naman si Jin dahil natorpe na naman siya. Ang bagal kasi niyang magsalita, kaya wala na namang nangyari.   “Marami pang nextime!” malakas na sabi ni Jin at ang mga naglalakad sa tabi nila ay nagulat na lang. Akala nila ay nagwawala ang binata kaya napabilis sila ng lakad. Sina Henry at Gil naman ay napayuko dahil pinagtinginan sila ng ilan.   “Hinaan mo kaya ang boses mo Boss?” ani Gil na nahihiya na nga sa mga dumaraan. Si Jin ay nagsalubong muli ang makapal na kilay at isang nakakatakot na tingin na naman ang makikita sa mga mata nito.   “Kailangan kong maging basketbolista!” dagdag pa nito at may kalakasan na naman iyon na naging dahilan para mapatakip na lang sa mukha ang dalawa niyang kaibigan. Ang mga malapit sa kanila ay napahawak na nga lang sa kanilang dibdib dahil sa kaba. Sino ba namang hindi kakabahan, bigla na lang kasing nagsalita nang malakas ang malaking lalaking may kasamang dalawa pa?   “Ang ingay yata sa labas?” tanong naman ni Ricky na napapasilip sa may labas, pero hindi na niya nakita ang paglakad nina Jin palayo sa harapan ng ukayan. Si Andrea naman nang oras na iyon ay nakikipatawaran pa kay Manong. Kahit nga okay na sa binata ang presyo ay nagpupumilit pa rin ang dalaga sa discount na gusto nito.   “Manong naman, next week bibili ako ng sapatos sa inyo, babaan pa ninyo ang price niyang pinili ko para kay Mendez.”   Hindi malaman ni Ricky kung matatawa ba siya o hindi sa ginagawa ng dalaga. Basta ang sigurado niya, ay masaya siya na nakakasama niya ito sa mga oras na ito.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작