Ikaanim na basket

2807
DINAMPOT ni Ricky ang bola at pagkatapos ay pinagmasdan ng binata ang ring. Mula sa kanyang pwesto ay nagpakawala siya ng isang malayong tira na naging dahilan upang mapatuon ang atensyon ng lahat sa kanya nang mga sandaling iyon. Ang bola nga ay umarko at akala ng lahat ay papasok iyon, subalit, hindi iyon umabot sa ring na naging dahilan upang mapatawa ang binata. Natatawa siyang bumalik sa pwesto ng kanyang mga kasama. Nang mga sandaling iyon naman ay nakita ito ni Romeo at bumalik sa alaala niya ang sandaling nakilala niya ito. Ka-barangay niya ito at madalas ay nakikita niya itong nag-aabang ng masasakyan para pumasok sa CISA. “CISA, winless team...” sabi na nga lang ni Romeo habang naglalakad papunta sa paaralan sa kanilang barangay. Hindi ang binata ang una niyang napansin kundi ang logo sa uniporme nito. Third year highschool siya noon at madalas nga niyang nakikita ito sa malapit sa barangay hall kapag pumapasok sa bayan. Wala siyang pakialam sa binatang iyon dahil hindi naman talaga niya ito kilala. Nagkakataon nga lang na palagi niyang nakikita ito sa may kalsada kapag siya ay naglalakad. Minsan nga ay napapapunta siya sa barangay court para maglaro na kasama ang kanyang mga kaibigang sina Jun. Tipikal na mga sandali lamang iyon para sa kanya hanggang sa dumating na ang last year niya sa sekondarya. “Isang taon na lang! Pagkatapos nito... sa school na pwede kong makalaban si Rommel Alfante ang aking papasukan,” sabi ni Romeo sa kasamang si Jun na kasalukuyang umiinom ng softdrinks na nasa plastic. “Malaki talaga ang inis mo sa player na iyon? Hindi ba siya ang idol mo sa CBL?” sabi naman ni Jun na tumalon mula sa inuupuang bubong ng tricycle na nasa tapat ng kanilang tambayan. “Oo Jun... Masyado palang mayabang ang isang iyon. Ngayong taon, ipapakita ko na sa lahat ang bunga ng aking practice. Hindi ako magpapatalo pa.” Nakangiti si Romeo habang sinasabi iyon at napatingin dito si Jun na makikita sa kaibigan ang pagbabago matapos ang nakaraang bakasyon. Nagkalaman ang mga bisig at binti nito at makikitang lumapad nang bahagya ang katawan nito dahil sa pagpapalakas sa stamina nito. Isa pa, alam din niya na ito ay nag-practice ng shooting at dribbling. Alam niyang pinaghandaan ng kanyang kaibigan ang huling taon niya sa high school para magawa na niyang makapagpanalo ng team. Ang CNHS ay ang winless high school sa Calapan at ngayong taon ay susubukan niyang baguhin iyon. Nais ni Baltazar na baguhin ang taon-taong pangyayari sa basketball team ng kanilang paaralan. “Susuportahan kita Romeo. Ikaw ang sa opensa at ako naman sa depensa?” sambit ni Jun habang binubuhol ang nilapirot niyang plastic na may straw na kanyang pinag-inuman ng softdrinks. Isang umaga ay napabangon si Romeo at napabukas ng bintana. Maaga pa para siya ay maghanda sa pagpasok. Dahil nga may second floor ang kanilang bahay ay makikita niya ang kalsada sa labas, sa tapat ng kanilang bahay. Humihikab pa siya nang buksan nang kaunti ang bintana at nakakita siya ng isang lalaking tumatakbo sa ibaba. Noong una ay hindi niya nakilala ito pero habang lumilipas ang araw ay napapansin niyang walang palya ito sa pagtakbo nang ganoong oras. Naisipan nga niyang abangan ito upang makita kung sino. Ginagawa rin kasi niya ito, ngunit sa loob lang ng bahay dahil may treadmill naman siya at isa pa, sa likuran ay may half-court din siya na maari niyang paglaruan ng basketball. Sa estado ng kanyang pamumuhay ay maaari siyang mag-aral sa mga pribadong paaralan sa bayan, kaso mas pinili niya ang mas malapit. Nag-kape siya sa may terasa nila para abangan ang lalaking araw-araw na tumatakbo sa umaga at naalala niya kung sino ito. Ito ay ang madalas niyang nakikitang nag-aabang ng masasakyan papasok sa CISA. Alam niyang sa CNHS din ito pumasok at sa pagkakaalam niya ay ito ang naging valedictorian nang taon nito. Ang hindi niya maisip ay kung ano ang nilalaruan nitong sports. Sa bawat umaga nga siyang gigising ay nakikita niya ito. Para bang walang palya ito sa pagpa-practice sa kung anumang nais nitong laruing sports. Ang pasukan ay nagpatuloy sa pagsisimula ng liga para sa sekondarya sa Calapan ay ginulat ng koponan niya ang lahat nang ang CNHS ay makatikim na ng unang panalo makalipas ang maraming taon. Pinangunahan niya ito. Dahil sa kanyang araw-araw na pagpa-practice ay naging malakas siyang manlalaro at kahit nga ang pinakamalakas na manlalaro sa ibang paaralan ay nagawa niyang mailampaso. Hindi nga lang sila pinalad na makuha ang kampeonato, ngunit ang nagawa niya nang huling taon niya ay nagmarka dahil sa kanya. Siya ang naging MVP at ginulat nito ang lahat ng mga highschool students. Sadyang nararapat nga lang na mapunta sa kanya iyon dahil nakapagtala siya ng 27 points per game at 8 assists kada laro. Sila rin ay nakarating sa Top 4 na sa kasamaang-palad ay nalaglag dahil nabigo silang matalo ang defending-champion. Labis ang panghihinayang niya nang mga sandaling iyon pero masaya na rin siya, sila sa kanilang narating. Ilang araw matapos ang liga nila ay narinig niya na may laro ang CU laban sa CISA. Alam na niya ang nangyari sa binansagang winless team sa CBL, tulad nila, nagsimula na rin itong manalo. Dito nga ay naisipan niyang manood ng laro nito na gaganapin sa Calapan University. Nagsimula ang laro at dahil nga wala na siyang pakialam sa CBL magmula nang yabangin siya ni Alfante ay hindi niya alam na isa palang taga-Canubing 1 ang kasali sa CISA. “Imposible,” ito na lamang ang kanyang nasambit nang makita ang player na may numero tres sa likod ng jersey. Ang laro nito ang biglang nagparamdam sa kanya kung gaano kasayang maglaro ng basketball. Isa pa, nang makita niya ang hustle plays nito, ang depensa at ang walang pagsukong paghabol sa bola... Dito niya nasabi sa kanyang sarili na ang dahilan pala ng araw-araw na pagtakbo nito nang maaga ay para pala sa larong ito. Isa siya sa mga napatayo nang magpakawala ng tres si Mendez sa huling segundo ng laro. Akala niya ay mananalo na ang mga ito para dungisan ang record ng CU pero hindi pa rin ito nangyari. Nakita niya pareho ang dalawang manlalaro na kilala niya sa magkabilang koponan. Si Alfante na nakita niyang frustrated habang si Mendez na nalungkot sa naging resulta ng laro. Dalawang malalakas na manlalaro na para sa kanya ay may isang gusto niyang talunin at ang isa ay nais niyang maging kakampi. Ang larong iyon ang nagbigay sa kanya ng desisyon na sa CISA pumasok. Nitong summer nga ay nasa Manila siya kaya hindi niya nalaman na si Mendez pala ay kasali sa barangay team. Sinabi sa kanya ni Jun na hinahanap daw siya ni Kap, ngunit dahil nga wala siya ay hindi na siya nakasali sa koponan. Nanghinayang siya nang bahagya sa sandaling iyon, pero alam naman niyang magiging kakampi niya pa rin ito dahil iisa na lang ang paaralan nilang papasukan. “Sasali tayo sa CISA varsity!” wika niya kay Jun na kasama rin ang tatlo pa niyang mga tropa sa CNHS na kapwa rin mga manlalaro ng basketball ng paaralan. ***** DAHAN-DAHANG napailing si Romeo nang makita si Mendez na nakangiting dumaan sa kanyang harapan. Bakit daw ba siya magmamadaling matalo si Alfante? Freshman pa lamang siya at ang player na nais niyang pataubin ay isa nang batikan sa college games. Isa pa, nakalimutan na niya ang kanyang motto na dinadala sa sarili. Dahil kay Mendez ay naisip niyang maglaro nang masaya, manalo man o matalo. “Jun, masaya bang maglaro ng basketball?” tanong ni Romeo at si Jun at binagsakan ng towel sa ulo ang kaibigan. “Tinatanong pa ba iyan? S'yempre oo... Dahil sa basketball kaya dumami ang kaibigan ko,” sagot ni Salvador na marahang inayos ang kanyang sintas sa sapatos at pagkatapos ay pumasok na sila sa loob ng court. Si Romeo ay isa-isa pang tinapik sa balikat ang mga kasama, ang kanyang mga kaibigan. “Jun, Harvey, Ryan at Gil... Game na! Isipin nating ice tubig ang pustahan dito,” sabi ni Romeo at napatawa nang bahagya ang mga kasama niya. Madalas silang nakikipaglaban sa mga kapwa nila highschool dati para makipagpustahan. Para saan? Para sa tigpi-pisong malamig na tubig. Nagpatuloy ang laro at ginulat muli ni Alfante ang grupo ni Baltazar matapos niyang maagaw mula sa kanila ang possession ng bola. Mabilis na bumalik sa side nila si Rommel at nang harapan na siya ni Baltazar ay dito na niya ito kinausap habang pinapatalbog ang bola. “Tanggap mo na bang mas magaling ako sa iyo?” wika ni Alfante na dahan-dahang bumibilis ang pag-dribble sa bola. Nakita nga niyang papalapit na rin sa kanya si Salvador na hinahabol ng kanyang kakampi. Mula sa seryosong tingin ay naging isang masayang ngiti ang sumilay sa labi ni Romeo habang nakatingin sa manlalarong nasa kanyang harapan. “Sa ngayon mas magaling ka sa akin. Pero sa oras na kaya na kitang ilampaso ay hahamunin kita ng one-vs-one. Okay lang ba sa iyo iyon, Rommel Alfante?” nakangiting tanong ni Romeo at nang oras na iyon ay bahagyang natigilan si Rommel sapagkat isang pamilyar na pakiramdam ang dumaloy sa kanya matapos iyon. Akala niya ay si Ricky Mendez ito. Dahil nga doon ay nakasungkit sa bola si Jun na nasa kaliwa na pala nito. Ang bola ay tumalbog palabas at nabigla na lamang ang lahat nang makitang kumaripas ng takbo si Baltazar. Hahabulin nito ang bola na mapupunta sa labas ng guhit. Nilampasan niya si Alfante at si Salvador ay mabilis na tumakbo rin para subukan ding mahabol ang bola. Ang atensyon ng lahat ay napatuon sa dalawa at habang ginagawa iyon ng dalawa ay mabilis namang tumakbo sa side nila ang mga kakampi nila habang ang mga kalaban ay umaasang hindi na maiisalba ang bola. Sa pwesto ni Ricky pupunta ang bola kaso malayo naman iyon para matamaan siya lalo na kung maiisalba ito ng dalawang nakapula. Nang mga sandaling iyon ay kitang-kita niya ang mukha ng dalawa sa pagtalon nila mula sa loob ng guhit. Parehong nakangiti sina Jun at Romeo na sabayang hinabol ang bola. Wala silang pakialam kung magdagasa sila o masaktan dahil ito ang basketball. Ang sports na kailanman ay hindi sila malulungkot. Si Coach Erik ay may isang manlalarong naalala nang makita ang ginawa ng dalawang iyon. Ganoon nga rin si Kier at ang mga kasamahan niya. Noong isang taon ay may isang player din na katulad ng dalawang ito ang ginawa na nagpabago sa imahe ng CISA Flamers. Nahawakan nina Romeo at Jun ang bola at bago pa man sila bumagsak sa sahig ay buong-lakas nilang ibinato ito pabalik sa loob ng court. Hindi sila nabigo at ang bola ay naibalik nila sa loob. Kasunod noon ay ang pagbagsak nila nang pasudsod sa harapan ni Mendez. Kaso, si Alfante ang nakasambot ng bolang pumasok sa loob. Nagdidilim ang paningin niya nang mga oras na iyon dahil ang ginawa ng dalawa ay malinaw na malinaw na isang player ang sumasagi sa kanyang isipan. Mabilis na tinakbo ni Rommel ang bola at nagbitaw kaagad ng isang libreng lay-up dahil ang mga kakampi ng kalaban ay huli na para siya ay madepensahan. 15-10 ang naging score matapos iyon at napasigaw pa nang bahagya si Alfante matapos iyon. Alam niyang hindi na sila matatalo at natuwa naman ang kanyang mga kakampi dahil sa team nito sila pumunta. Sure win na kumbaga para sa kanila, kaso ang hindi nila alam ay makakaapekto sa performance nila ang ginawa nila lalo't hindi naman sila makahawak ng bola sa kanilang grupo. Sa kabilang-banda, kahit na ang laro ay pumapabor na sa grupo ni Alfante ay ang team ng CISA ay sa mga nakapula nakatingin. Nakita nila ang pagbuhat ng tatlo pang mga kasamahan sa nakabulagta nilang kasamahang sina Baltazar at Salvador. Walang pagkadismaya sa mukha ng mga ito kahit na sila ay naagawan ng bola. Makikitang nagtatawanan pa sila habang inaalalayan ang kanilang dalawang kasama na nagkaroon ng sugat sa kanilang mga braso. “Nang napanood ko ang laro ng Canubing High School...” sambit ni Kier sa sarili na sa isip-isip ay masaya sa nakikita dahil ganitong-ganito na ang kanilang koponan sa mga oras na ito. Manalo man o matalo... Ngingiti't ngiti pa rin sila. Tatawa at tawa pa rin... Dahil gustong-gusto nila ang basketball! Natapos ang laro at nagwagi ang koponan nina Rommel Alfante sa score na 21-14. Masayang-masaya ang kanyang mga kasamahan at marami ring mga manonood ang natuwa sa naging resulta. Nakita nilang malakas nga talaga ang player na nagmula sa CU at hindi pa ito kaya ng isang freshmen na magaling din naman. Nagkataon nga lang isang magaling manlalaro ang natapatan nito. Sa gitna ay makikitang nagkakamayan ang magkabilang grupo at parang hindi nagustuhan ni Rommel ang kanyang nakikita. Para kasing hindi natalo ang mga nakapula na masaya silang binata pagkatapos. “Maraming salamat sa magandang laban!” bulalas nina Romeo at nang magkaharap sila ni Alfante ay seryoso muna nilang pinagmasdan ang isa't isa. “Sa oras na kaya na kitang talunin. Labanan mo ako!” sambit ni Romeo na makikita sa mga mata ang pagiging determinado. Desidido siya na matatalo si Rommel sa tamang panahon. Umismid na lang si Alfante at tinalikuran ang mga kalaban. Para sa kanya, ang talunan ay talunan at ngayong narito na siya sa CISA, siya na ngayon ang magiging star player dito. “Hindi ikaw Cunanan... Lalong hindi rin ikaw Mendez!” sabi ni Alfante sa sarili at naglakad na siya papunta sa kanyang gamit para magbihis. Nagpaalam na rin siya sa coach na si Erik na sabihan na lamang kung kailan magsisimula ang practice ng team. Alam na kasi niyang mapipili siya. Kanya-kanya na ng pagpapahinga ang bawat isang naglaro at ang sunod na grupo naman ang nagsimula nang magsipaghanda sa magiging laro nila. Kapansin-pansin sa kabilang koponan ang isang 7-footer na lalaki. Tinitingala nga ito ng mga kasamahan nila at napag-usapan na kaagad nila na ito na ang pupuntos sa kanila. “P-pwede bang ikaw na boss ang pumuntos? I-ipapasa namin sa iyo ang bola palagi?” parang kinakabahang winika ng isa sa mga kakampi ni Jin na mahahalatang natatakot sa kanya. Sinamaan nga niya ito ng tingin kaya napaatras ang kanyang mga kakampi. Wala na silang mapagpilian kundi magsama-sama dahil wala naman na silang mapupuntahang kasama kundi sila lang. “Sa kanya na lang natin lagi ipasa ang bola. Nakakatakot,” bulong pa ng isa, sa isa rin nilang kasama. Nakatalikod sila at pinagmamasdan naman sila ng kabilang koponan. “Tingnan mo Larry iyong isa nilang kasama, ang tangkad.” Napaismid naman ang lalaking kausap ng isang 6'2 na nakasuot ng putting shirt at shorts. Nasa 6'5 ang height naman nito na mapapansing medyo hugis mangga ang mukha kapag naka-side view. “Tss. Matangkad lang iyan. Isa pa, kilala ko iyan. Hindi naman siya naglalaro ng basketball,” winika ni Larry Dizon, isang third year student ng CISA. Sa tagal na niyang nag-aaral dito ay ngayon lang niya naisipang mag-try-out. Kung kailan ang Flamers ay lumakas na. Kumbaga, hindi siya sasali kung winless team pa rin ang koponan noong isang taon. Nagkaharap-harap na nga ang mga maglalaro. Kanya-kanya na rin sila ng babantayan at ang lahat ay kay Jin nakatuon ang paningin dahil nangingibabaw talaga ang height nito sa lahat. “Ang tangkad. Maganda kung mapapasama natin sa team ang isang iyan captain,” sabi ni Rodel na nakatayo sa tabi ni Kier. Si Ricky naman ay napatingin kay Jin. Naaalala niya ito. Alam niyang mapipili ito basta gawin lang nito ang kanyang sinabi rito kahapon. Napangiti na nga lang siyang muli nang maalala ang dahilan ng pagsali nito sa team. “I'm sure. Sa huli, mare-realize mo rin kung gaano kasayang maglaro ng basketball,” wika ni Ricky sa sarili. Tumunog na nga ang silbato ng referee na si Coach Erik at ibinato na nga niya paitaas ang bola para sa isang jumpball. Ang lahat ay ginulat ni Jin nang bigla itong tumalon. Napakataas noon at kahit na 7-footer ito ay mararamdaman sa pag-leap nito ang pagiging athletic. Kaso, ang sunod nitong ginawa ay ang mas lalong nagpabigla sa lahat. Buong-lakas niyang hinampas pauna ang bola dahil hindi alam ni Jin ang jump ball... At ang isang pangyayari pang hindi inaasahan ay dumiretso ito sa mukha ni Larry Dizon. Malakas iyon at ang imagination ni Larry na magiging susunod na Macky Romero ay naglaho nang sinalo ng kanyang mala-half-moon na mukha ang bola. Ang mga chix, at ang mga fans na isinisigaw ang kanyang pangalan habang dinadala sa kampeonato ang CISA ay naglaho at napalitan ng mga nagliliparang bituin sa kanyang pagbagsak sa sahig ng kanilang pinaglalaruan.  “H-hindi ito volleyball...” nasambit na nga lang ni Kier matapos masaksihan iyon.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작