Project APWHAEM

2054
NAGISING na lang ang magkapatid nang gisingin sila ng kanilang papa. Nakabukas na ang pinto ng kanilang sasakyan at nang imulat ni Saint ang kanyang mata ay parang sinaktan siya ng ulo dahil parang gumagalaw ang paligid.   “Tara na sa taas. Nasa barko na tayo,” wika ng kanyang papa na kaagad na kinarga si Grace sa paglabas nito ng kanilang sasakyan. Titingin-tingin nga ang dalawa sa mga sasakyan na naka-park sa loob, kasama ang kanilang sasakyan.   “Papa nasa boat na ba tayo papunta kina Lola?” wika ni Grace na manghang-mangha sa iba’t ibang sasakyan na nakikita niya sa paligid. May mga malalaking trucks, may mga kotse, may mga bus at may mga motor din.   “Oo Grace,” wika ng papa nila at naglakad na ito para umakyat. Si Saint ay napalabas na rin mula sa kanilang sasakyan at sa pagdating nila sa itaas ay namangha sila sandali sa kanilang nakita. Natatanaw nila ang kalawakan ng Batangas Pier, nakikita rin nila ang mga malalaking barko na naka-ankla sa baybay nito.   Maya-maya pa ay umugong na ang barko, at nagsimula na rin itong umalis mula sa pier. Hapon na noon at maganda ang panahon. Ang dagat ay kalmadong-kalmado at binaybay nila ito nang tahimik at banayad.   Natulog ang papa nila at sina Saint at Grace ay nagpunta sa parte ng barko na makikita ang dagat. Masayang-masaya ang kanyang bunso sa nakikitang ganda ng dagat, may nakita rin silang isla at panay ang tanong nito tungkol sa mga iyon.   “May dolphins ba rito kuya?”   “May mga sharks ba?”   “May mermaids kaya?”   “Ano’ng name ng island na iyon kuya?”   “Mga ilang oras kaya bago tayo makarating kina lola?”   Sinagot lahat iyon ni Saint, at kahit hindi niya alam ang ilan nitong tanong ay nag-imbento na lang siya ng mga isasagot dito.   Makalipas ang dalawang oras ay nag-anunsyo na ang kapitan ng barko ng kanilang pagdaong sa Calapan Pier. Gising na rin ang kanilang papa noon at sinabihan na niya ang dalawa na sila ay babalik na sa kanilang sasakyan.   Habang nagbubukas ang tarangkahan ng barko ay nakatingin naman dito ang magkapatid. Titig na titig doon ang batang si Grace. “Papa, kina lola na ba tayo?”   “Oo, mga wala ng 1 hour na byahe,” wika ng kanilang papa na nagsimula nang magmaneho palabas ng barko.   Napatingin sa labas ng kanilang sasakyan si Saint, hindi na niya maalala kung ganito ba dati ang itsura ng Calapan noong huli siyang makarating dito. Pakiramdam niya ay napakalaki na ng pagbabago rito. Marami nang mga gusali at may mga malls na rin dito na hindi naman ganoon kalakihan.   “May internet naman siguro rito,” sabi niya sa kanyang sarili. Naalala nga niya na ang bahay ng lola nila ay may malawak na palayan sa likod, at iilan pa lang ang kapitbahay noon.   Nag-iba na ang paligid sa paglabas nila sa sentro ng Calapan City, naging mga malalawak na palayan na ito at mga bahayan na. Mga ilang minuto pa ay bumagal na ang pag-andar ng kanilang sasakyan. Pumasok na sila sa isang maliit na kalsada at sa pagdating nila sa tapat ng isang bahay na may gate ay dito na huminto ang kanilang sasakyan.   Bumusina ang sinasakyan nila at maya-maya pa ay may isang dalaga ang nagbukas noon. Dito ay pumasok na ang sasakyan nila at ibinaba na ng papa ng dalawa ang bintana sa tapat niya.   “Nanjan ba si Mama?” tanong nito sa anak ng kasambahay nilang si Aling Lita.   “Opo si-sir... este tito Mike,” nakangiting wika ng dalaga na may halong kaba. Ngayon lang kasi niya uli nakita ang anak ng kanilang amo. Isang taon na rin nang huli niya itong nakita. Kasama nga palagi nito ang panganay na anak nitong si Clyde, na crush niya.   “Sige, salamat Leona, pasara na lang ng gate.”   “Sino iyon papa?” tanong ng batang si Grace.   “Anak siya ng long time kasambahay naming si Aling Lita, Leona ang name niya. Halos same age lang sila ng mga kuya mo,” ani ng kanilang papa at natuwa si Grace. Gusto raw niya itong maging kaibigan at kalaro sa paglagi nila rito ng kanilang kuya.   Pagbaba ni Saint ng kanilang sasakyan ay parang nanibago siya. Iba ang hangin sa probinsya, malinis ito at masarap sa pakiramdam kumpara sa Maynila. Napatingin pa nga siya sa paligid at nakakita siya ng malalaking puno ng manga na may mga bunga na. Natatanaw rin niya sa likuran ng puting bahay ng kanilang lola, ang palayan nito.   Kinuha niya ang kanyang phone at napahinga siya nang maluwag dahil may signal ito. Nag-try rin siyang mag-browse sa net at maayos din naman ang bilis noon. Inalala pa nga niya ang mga lugar na malapit sa bahay ng kanyang lola, ilang lakad lang ay mararating na niya ang sentro ng barangay kung saan ay maraming mga tindahan na rin doon. Sa pagkakaalam nga niya ay may bigasan doon ang kanyang magulang.   “Siguro naman, may computer shops doon. O kahit mga arcades,” sabi na lang niya na dumiretso na sa loob ng bahay ng kanyang lola.   “Apo! Ikaw ba iyan Saint? Ang laki mo na! Mabuti at ikaw ay sumama na sa iyong papa!” Ito ang bumungad sa binata pagpasok niya sa pinto ng bahay. Ang kanyang lola Aurelia na nakasuot ng paborito nitong floral na duster. Nasa edad 70 na ito pero malakas pa rin. Puti na ang buhok nito at hindi naman kapayatan ang katawan kumpara sa iba.   Niyakap niya ang binata sapagkat matagal na niya itong gustong makita. Ito kasi ang apo niyang bihirang sumama sa kanyang mama at papa kapag umuuwi rito. Naalala pa nga niya na sinasabi ng kanyang anak na ang apo niyang ito ay adik sa computer games kaya hindi sumasama sa kanila. Pero wala siyang pakialam doon dahil ang gusto niya ay maging masaya ang apo niyang ito. Siya pa nga ang dumidepensa rito sa kanyang anak.   Walang nagawa si Saint sa ginawa ng kanyang lola. Pagkabitaw nga nito sa kanya ay nagmano siya rito. Hindi siya nagsalita at nagbigay na lang siya ng kaunting ngiti sa matanda. Naaalala niya ang kanyang lola, masarap itong magluto at ginagawan pa sila nito ng tsamporado na ang ginagamit na tsokolate ay iyong mga tableyang ginawa mula sa mga pinatuyong buto ng cacao. May mga puno kasi ang mga ito ng cacao sa likod-bahay.   “Lola!” Isa namang masiglang tawag mula kay Grace ang narinig nila. Nakangiti ito at nagtatakbo patungo sa matanda.   “A-ang cute kong apo!” bulalas ni Lola at nagpaalala naman ang anak nito na huwag nang magbalak na buhatin si Grace dahil ito ay mabigat na.   Si Saint naman ay naglakad na papunta sa kwarto niya. Kaso, hindi niya naitanong kung saan iyon.   “Ikaw ba iyan Saint?” Napatingin naman ang binata nang may sumalubong sa kanyang babae. Sa pagkakaalala niya ay ito ang nagbukas ng gate kanina sa pagdating nila. Alam niya, kalaro nila ito noon ni Clyde nang nagpunta sila rito noong bata pa siya.   Tiningnan lang niya ito at pagkatapos ay hindi ito pinansin.   “H-hindi diyan ang room ninyo,” ani ni Leona at napahinto ang binata sa paglalakad.   “Saan ba? Nakalimutan ko na,” munting sagot ni Saint at pagkatapos ay napangiti naman ang dalaga sa kanya.   “Sumunod ka sa akin, sa second floor mandin ang room ninyo,” ani ng dalaga at naisipan din niyang itanong kung nasaan si Clyde, kaso, hindi siya sinagot ng binata. Nang marating nila ang room ay mabilis na pumasok sa loob Saint at isinara kaagad ang pinto. Pagkabihis pa lang ng damit ni Saint ay agad siyang nagbukas ng kanyang phone at naglaro ng isang online game doon.   Napakuyom naman ng kamao si Leona sa inasal ng binata. “Ibang-iba talaga si Clyde sa iyo Saint. Suplado!” Naalala pa nga niya noong mga bata pa sila, hindi rin siya pinapansin nito kapag naglalaro sila at mabuti na lang at friendly ang kuya nito kaya ito ang kanyang naging kaibigan.   Ang unang gabi ni Saint sa probinsya ay lumipas. Kasabay ng gabing iyon, may mga lalaking nakasuot ng itim na shirt naman ang nagsimula nang mamigay ng flyers sa mga nakikita nilang kabataan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.   “Baka interesado ka sa aming one-week workshop?” ani ng isang lalaking kanina pang nakatayo sa labas ng isang computer shop sa barangay Canubing.   “W-work shop?” ani naman ng isang lalaki na kaagad binasa iyon.   “Gaming workshop?”   “Oo! Maganda iyan, may ituturo kami sa inyong bagong game. Sigurado kaming magugustuhan ninyo ito.”   Ngiting-ngiti ang lalaki habang sinasabi iyon at tuwang-tuwa naman ang pinagbigyan niya nito. Sino ba namang kabataan ang hindi magiging interesado sa ganitong klaseng workshop?   “Sir, naipamigay na po namin ang mga flyers,” wika naman ng isang lalaking nakasumbrerong kasalukuyang nag-aabang ng masasakyan pabalik ng bayan.   “Okay na iyan, hintayin na lang natin sa mismong date kung sino ang mga pupunta,” wika naman ng lalaking nasa kabilang linya. Siya ang magma-manage sa isang game na hindi aakalain ng marami na magkakaroon. Sa antas ng teknolohiyang mayroon ang Pilipinas, iisiping napakaimposible nito. Subalit sa tulong ng ibang foreign game creators at developers... ang matagal nang nais ng karamihan na pagkakaroon ng isang game na kayang dalhin ang senses ng player sa mismong loob ng game, ay naging posible.   Hindi pa nila alam kung ito ba ay talagang successful, kaya nga magka-conduct sila ng isang lihim na beta testing sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang kunwaring workshop, pero ang totoo... sa oras na magpunta ang mga interesadong kabataan sa venues na nakalagay sa mga flyers nila, isang examination ang kaagad na magaganap.   Dito ay tutukuyin ang maging powerful at weak players. Ang mga makakakuha ng mataas na scores ay magiging high ranking players at magkakaroon ng elemental ability na magagamit sa laro, habang ang mga babagsak ay mapapabilang naman sa low rankings players na mapupunta naman sa zone na may mahihirap na quests at malalakas na monsters.   Hindi pa malinaw ang tunay na mission sa loob ng game. Tanging ang pinaka-main creators at ang mga umi-sponsor dito ang nakakaalam noon. Maraming mayayamang tao rin mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang naglaan ng malaking pera para sa project na ito.   Pinili nila ang Pilipinas dahil mas madaling gawin dito ito dahil kaya nilang tapalan ng pera ang sinumang pwedeng magsiwalat nito. Sa kasalukuyan, ang proyektong ito ay ilang taon nang inihanda at ngayong taong 2030, ang lahat ay handang-handa na.   Isang libong beta testers mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang naisip nilang gamitin para rito. Kukuha sila ng mga gamers, at kukuha rin sila ng mga hindi. Ang mga ito ang susubok kung magiging successful ba ito, at kung sakaling magka-aberya, agad nilang ititigil ang operasyon. Kung may hindi man magandang mangyari sa mga nakuha nilang aplikante para rito, wala na silang magiging pakialam sa mga ito. Iiwanan nila ito na parang wala lang, sapagkat nakahanda na ang kanilang pantapal kung sakaling mangyari ang isang hindi inaasahan dito.   Kinabukasan, naisipan ni Saint na pumunta sa may kalsada at napatingin siya bigla sa isang papel na kasalukuyang nasa kanyang harapan. Isa iyong flyer ng kung anong bagay.   “Virtual Reality Massive Multiplayer Online Role Playing Game (VRMMORPG).”   “Are you interested in this kind of game? A game where you can go to the actual game.”   “Join our one week workshop and be the one of our Beta Testers for this soon to be GAME of the FUTURE!”   Ito ang nakalagay roon. Naroon din ang address at kung anong araw iyon mangyayari. Napaseryoso nga kaagad si Saint nang mabasa iyon. Alam niya kung anong klaseng game ang ganito, at sa pagkakaalam niya ay wala pang ganitong klaseng technology ang may kakayahang gawin ito.   “Gusto kong pumunta rito,” wika niya sa kanyang sarili. Gusto kasi niyang malaman kung totoo ito, at kung ito ay tunay... gusto niyang malaman kung siya ba ay matutuwa sa ganitong klaseng game.   “Virtual Reality.”   Sa ibabang bahagi ng papel, naroon ang maliit na mga salitang hindi kaagad mapapansin.   “Project APWHAEM.”
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작