Dali-dali itong nilapitan ni Heidi para sikmuraan bilang tugon. Dahil sa pagkabigla ay hindi na nakailag ang lalaki at ngayon ay namimilipit na lamang sa sakit habang nakahawak sa tiyan.
Itinulak ni Heidi ang lalaki pahiga, saka naman ito nagsalita nang may pagbabanta, "Kahit maaksidente ka, kahit madala ka sa ICU, dapat nandoon ka pa rin, ha?" bulalas nitong tumayo nang maayos at muling humarap sa buong klase. "Dahil may surprise akong inihanda para sa lahat!"
Nang dumating ang kanilang guro, nag-iba na ang atmospera at kanya-kanya nang nagsibalik sa upuan ang lahat ng estudyante, na para bang mababait ang mga ito. Pero, si Angelica ay sinadya pa talagang tapakan ang nakalabas niyang paa.
Tahimik niyang ininda ang sakit, at ni hindi na niya ito tiningnan pa.
***
Mabilis ang pag-uunahan ng paa ni Nica habang naglalakad patungo sa likod ng kanilang unibersidad. Nakisabay na nga siya sa ibang estudyanteng nagmamadali rin sa uwian. Palingon-lingon siya sa kahabaan ng koridor para tingnan ang paligid. Baka mamaya, nakasunod na pala sa kaniya ang mga taong ayaw niyang makita.
Kung maaari lamang siyang lumaban ay ginawa na niya. Pero, ayaw niyang makarating sa kapatid ang balitang napasali siya sa isang gulo. Hanggang ngayon ay naaalala pa rin niya ang kakaibang tingin nito sa kanya, dahil sa bagay na nagawa niya noon, ilang taon na rin ang nakararaan. Ang kakaibang tingin nito ay tila tumagos sa kanyang buong pagkatao. Dahil doon, kahit papaano ay nagising siya sa katotohanan. Mahalaga sa kaniya ang kaniyang kapatid kaya kung maaari lamang, ayaw niya itong mawala sa kaniya.
Kaya, ayaw na niyang tingnan ulit siya nito nang may pagkamuhi. Baka ikamatay na niya.
Mas nagiging okay na nga siya dahil nakokontrol na niya ang kanyang sarili.
Ngayon, kahit inaaraw-araw siyang huthutan ng pera ng grupo nina Angelika, wala pa namang nangyayaring hindi maganda.
Siguro, kahit papaano ay umeepekto na ang session niya kay Mama Fat.
Nakalabas na siya ng university building at papaliko na sana, saka naman niya naramdaman ang pag-vibrate ng phone na nasa bulsa. Minsan lang 'yon tumunog, at 'yon ay kapag tumatawag ang ate niya. Kinuha niya ito at agad inilagay sa tainga.
"Hello?" sagot niyang nakaabang ang mata sa dinaraanan.
"Hi! Nica? Everything okay?"
Kinukumusta siya ng kapatid. Agad niyang na-imagine ang maamo nitong mukha na nakangiti kung nasaan man ito ngayon.
"Ate, okay lang naman ako," tugon niya na agad gumanda ang pakiramdam.
"I have a surprise for you!" pahayag nitong mahahalata ang tuwa sa tinig. "I will be visiting this coming weekend. I'm just preparing some things, but the next day, I will be there and when I get there, I will tell you my surprise!"
Bigla naman siyang nanabik dahil sa narinig. "Talaga, Ate? Hindi pa ba 'yon ang surprise mo?"
"Ah-huh, no. I think, mas magugustuhan mo 'yon kaysa sa pag-uwi ko," sagot nito sa malambing na boses.
"Ate, wala na akong ibang gugustuhin kung hindi makita ka ngayon. Alam ko na masyado kang busy kaya minsan mo lang ako matawagan. Pero, okay lang. At least, uuwi ka para madalaw ako," sabi niyang medyo nalungkot.
"Bakit, Nica? May problema ba?" tanong nito.
Kaagad naman siyang sumagot, "Wala, Ate. Nami-miss lang kita."
Narinig niya ang pagngiti nito. "Gano'n ba? Ako rin naman, namimiss na kita kaya nga gusto kong umuwi para makita ka." Bahagya naman itong natigilan at narinig niya sa background na may kumakausap dito. "Ah, sige, Nica, tatawag na lang ulit ako, ha?" wika nitong bigla ng nagpaalam sa kanya, samantalang, wala pa yatang isang minuto ang naging pag-uusap nila.
"Opo, Ate," wika ni Nica na kahit alam niyang ibinaba na nito ang phone, pinakikinggan niya pa rin ang tunog sa kabilang line.
Talagang abala nga ito palagi. Hindi naman niya ito masisisi. Napakarami nitong pinagkakaabalahan doon. Ipinagsasabay kasi nito ang pag-aaral at pagtatrabaho kaya nga sobra siyang humahanga rito.
Naalarma naman siya nang may biglang umakbay sa kanya. Kaagad ngang lumundag ang kaniyang puso.
"Uy, Nica? Huwag mong sabihing pauwi ka na?" tanong ng nakangising si Angelica.
Taliwas sa pangalan nito, kapag nakikita niya ang babae, pakiramdam niya ay nakakakita siya ng demonyo kasama ang mga kampon nito.
"Hindi pa puwede, kailangan nating mag-practice," wika naman ni Heidi na malawak din ang pagkakangiti.
Kuwestyunable naman siyang tumingin pabalik sa mga ito. Pero, hindi siya nakapalag nang sumimple na ang dalawa sa mga ito na hawakan siya sa magkabilang braso. Naglakad sila patungo sa likod ng unibersidad kung saan may pader na may maliit na siwang sa ibaba, at natatakpan lamang ng mga halaman.
Dinala siya ng mga ito sa bahay ni Heidi, na malapit lang din sa unibersidad. Ilang bloke lamang ang kanilang nilakad para makarating doon. Bantay-sarado naman siya ng magkakabarkada nagtatawanan pa at nagagawang makipagbiruan sa isa't isa.
Nang makarating sila roon, napatingala siya sa may tatlong palapag na tahanan. Malawak ang labas nito. May nadaanan pa nga silang napakagandang halamanan papasok dito. Malaki rin ang loob ng tahanan at napakaaliwalas dahil sa malalaking bintanang salamin.
Mukhang may kaya ang pamilya ni Heidi kaya hindi niya maintindihan kung bakit nakikisali ito para kuhaan siya ng pera.
"Sandali, ihahanda ko lang ang maiinom n'yo," wika ni Heidi pagkapasok nila. "Wala kasi si Manang Aida at nag-grocery. Mabuti nga 'yon dahil napakasumbungera ng matandang 'yon," sabi pa nitong naglakad na.
"Tulungan na kita," wika ni Lolly na sumunod kay Heidi patungo sa kusina.
Naiwan si Nica sa living room kasama sina Angelica at Kyle na agad sumalampak sa sofa. Malamang hindi ito ang unang beses na nakapunta ang mga 'yon sa bahay ng babae.
"Maupo ka, nakakahiya naman sa'yo! Mukha kang tanga riyan!" pahayag ni Angelica sa kanya na hawak ang remote at binuksan ang TV.
Naupo naman siya sa kabilang sofa.
"Ano bang balak ni Heidi?" usisa ni Kyle na tiningnan siya nang pailalim. "Anong surprise ang sinasabi n'on at bakit kailangan pa nating isama ang babaeng yan?"
"Ewan ko hindi ko alam!" inis na sagot ni Angelika na lumukot na ang mukha. "Bakit mga korning drama ang palabas? Heidi! Wala na ba kayong cable?"
Wala namang sumagot sa kanila. Nagkatinginan tuloy sina Angelika at Kyle na parehong bumakas sa mukha ang pagtataka.
"Heidi!" pag-uulit ni Angelika na mas nilakasan ang boses.