Prologue[Part 1.2]: Nica

1034
'"Yon din ang buong akala ko, eh," wika ni Lolly habang pinapanood ang pakikipag-agawan niya kay Kyle. Bigla na lamang siyang inakbayan ni Heidi na para bang malapit sila sa isa't isa. "Ibigay mo sa akin ang PIN number nito at iimbitahan kita sa birthday party ko!" "Oo nga! Dali na, huwag kang KJ!" bulalas ni Angelica na muling napahagalpak ng tawa. "Advance birthday gift mo sa kanya," sabi pa ng matabang kaklase nila na kinindatan pa siya. "Sige na, kung ayaw mong banatan ka namin ulit ngayon, dito mismo," pagbabanta ng babaeng nakaakbay sa kanya. '"Saka, ayaw mo n'on? Ii-invite ka niya sa party niya. Guest of honor ka pa, gusto mo? Hindi ka pa na-iinvite sa party, 'di ba?" pangungumbinsi naman ni Kyle na marahan pa siyang siniko. Nakakabahala ang pagbabait-baitan ng mga ito ngayong nakita ang ATM niya. Pero, sa lahat ng sinabi ng mga ito, wala siyang maisagot at wala na rin siyang nagawa. Hanggang sa makarating na sila sa ATM machine na nasa cafeteria mismo. Nakangiti ang mga estudyanteng kasama niya para hindi mapaghalataang may ginagawa itong kung anong kabalbalan sa kanya. Sa totoo lang ay nagtitimpi lamang siya. Wala siyang ibang mapagpilian sa ngayon dahil ang gusto niya, matupad niya ang kaniyang pangako sa kaniyang kapatid at sa babaeng umampon sa kaniya, matapos siyang abandunahin ng kaniyang ina. Ang tanging itinatak lamang niya sa kaniyang isipan ay makaka-graduate siya ng matiwasay sa university na ito. Ang problema, ngayon pa pumalya ang kaniyang memorya. Nakalimutan kasi niya ang bagong PIN na kaniyang ipinalit kahapon. Nagkamali kasi siya sa una niyang pagpindot. Pasimple tuloy ang naririnig niyang mga pagbabanta mula sa mga babaeng kasama niya. Inuumahan pa nga siya ng kamao ng mga ito, habang nasa harap siya ng ATM machine. "Ano ba? Nananadya ka ba?" tanong ng pinakaboss ng mga ito sa mahinang tinig at tinititigan pa siya nang masama. "Kapag na-block 'yan, tatamaan ka talaga sa amin!" Muling sinubukan ni Nica ang pagpindot doon, pero hayun at nagkamali na naman siya. Lalo tuloy nainis ang babae, at kapag magkamali pa raw ulit siya, makakatikim na siya mamayang uwian. Sa ikatlong pagkakataon ay muli na naman niyang sinubukan, pero bago pa niya mapindot ang enter ay may lumapit na sa kanila. "Anong ginagawa n'yo?" tanong ni Aimee, ang class president nila na nakangiti ngayon habang tinititigan sila isa-isa. Kaagad sumagot ang lider ng grupo. "Ah, wala! Si Nica kasi, nagpapaturo kung paano mag-withdraw sa amin," tugon ni Angelika na animo'y anghel ang pagkakangiti. "Oo nga, 'di ba, Nica?" wika pa sa kanya ng matabang babaeng tiningnan siya nang may pagbabanta. Tumango-tango na lamang siya bilang pagsang-ayon sa mga ito. "Ah, gano'n ba?" sagot ni Aimee. "Sige, ako na ang bahalang magturo sa kanya. Hinahanap kasi kayo ni Teacher Suarez. Kayong apat, mukhang may ginawa na naman kayong kalokohan, ah?" tanong nitong napahalukipkip. "Sige na, nando'n lang siya sa faculty room." Dismayadong umalis ang mga ito at walang magawa kundi ang titigan lang siya nang masama. Hindi niya alam kung dapat na ba siyang makahinga nang maluwang. Bumaling sa kanya si Aimee, at batid niya na may kakaiba sa pagkakangiti nito. Saka ito nagsalita, "Hindi ako naniniwalang nagpapaturo ka sa kanila, hindi ako tanga," pahayag ng babae na nagtungo sa tapat ng ATM machine. "Kasalanan mo rin naman kasi ayaw mong lumaban. Pero, bilang pasasalamat, pautangin mo ako ng five thousand. Mayaman ka naman, 'di ba? Maliit na bagay lang 'yon sa 'yo," wika nitong mabilis na nag-enter ng amount sa machine. Sabi na nga ba, alam niya. Si Aimee, hindi rin ito naiiba. *** Sa loob ng classroom, mahinahong naghintay si Nica sa susunod nilang subject. Nakaupo siya bandang gitna, sa ikatlong row at tahimik na nagbubuklat ng libro. Kagaya ng madalas ay maiingay ang mga kaklase nila, lalo na at wala pa silang teacher. Kalat-kalat ang mga ito. Kanya-kanyang kuwentuhan at kulitan. May iba na abala sa pagre-review para sa quiz nila sa Math, habang 'yong iba naman ay nagpapalipad ng eroplano na parang bata. Grade twelve student na sila, pero karamihan ng mga kaklase niya ay immature pa rin. Naka-enroll siya ngayon sa Horizon University, isang kilalang pamantasan kung saan pinilit ng kinikilala niyang ina na siya'y makapag-enroll. Maganda raw kasi ang curiculum dito kaya mula noong grade seven ay dito na siya nag-aral. Eni-expect kasi ni Mama Fat na kapag nakatapos siya ng senior highschool, kukunin na siya ng kaniyang ate na nasa California nakabase. Nang muli kasing mag-asawa ang kanilang totoong ina, ang ate lamang niya ang tinanggap na anak ng kanilang stepdad. Kaya naiwan siya sa Pilipinas. Sobrang sumama man ang kaniyang loob, tiniis niya iyon dahil alam niyang may dahilan ang mga ito. Noon, hindi pa niya tanggap sa kaniyang sarili, ngunit ngayon, nababatid na niyang may kasalanan din siya. Laking pasasalamat pa rin ni Nica, na hindi naman pinutol ng kapatid ang kanilang komunikasyon. Sa totoo lang ay palagi pa rin siya nitong tinatawagan at kinukumusta. Ayaw man niyang umasa na kunin siya nito, ngunit ang kaloob-looban niya, iyon ang matagal nang hinahangad. Batid naman nilang pareho na hindi siya basta-basta magiging maayos mula sa kanyang kondisyon. Mahusay lang talaga siyang magtago, at ngayon, kahit ang kanyang sarili ay nagagawa na rin niyang lokohin. Natigilan na lamang siya sa malalim na pag-iisip dahil sa malakas na paghampas ng kamay sa kaniyang desk. Pero kataka-takang ngayon, ito rin ang umaaray at makailang ulit na ipinapaypay ang sariling kamay. Si Heidi 'yon na may inilapag sa mesa niya. Pinagtatawanan na nga ito ng mga kaibigan nito. "Boplax ka talaga!" turan ni Kyle na humagalpak ng tawa. Siya naman ay nagpatingin sa inilapag ng babae sa desk niya. Birthday invitation ba 'yon? "Pumunta ka, pasalamat ka, inimbita kita," wika nitong nakakairita na naman siyang tiningnan. Saka namn ito bumaling sa ibang kaklase nila, "Gusto kong ang lahat ng classmate ko nandoon," pahayag nito na tumingin pa sa lahat nang may pagbabanta. "Patay kayo sa akin, kapag ni isa sa inyo ay wala roon," sabi pa nitong napahalukipkip. Isa naman sa mga kaklase nilang lalaki na nasa unahan ang nagtanong, "Ano naman ang gagawin mo sa amin?" Tatawa-tawa pa ito habang nakaupo sa ibabaw ng mesa.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작