Chapter 4

1074
"Huwag mong iwawala 'yan, kukunin ko 'yan sa ‘yo, someday," paniniguro ni Jonas. May kinuha mula sa dalang bag ang batang si Jackie at ibinigay rin kay Jonas. "Dahil lahat naman ng bagay ay may kapalit, hayan. Wedding ring 'yan ng mama ko. Huwag mo rin 'yang iwawala, ha? Mahalaga rin sa akin 'yan." "4EVER URS, ARIEL," pagbasa ni Jonas sa nakasulat sa loob ng gintong wedding band. "Pangalan 'yan ng papa ko. At ako naman, hindi Jackie ang pangalan ko," pahayag ng batang babae. Muling nanagunot ang noo ni Jonas. "Kung ganoon, anong tunay mong pangalan?" "Ja—" *** [Makalipas ang labing-limang taon...] Napamulat si Nathan nang marinig mula sa speaker ang boses ng flight attendant na ina-announce ang kanilang pagdating. Inalis niya ang eye mask na nasa mata at napatingin sa paligid. Nakaupo siya sa VIP seat ng eroplano at nang mapansing nakatingin ang magandang babaeng may mapang-akit na ngiti, ibinaling niya ang mukha sa gilid para magsuot ng itim na face mask at cap. Naririnig niya ang mga pagbubulungan ng mga kapareho niyang pasahero habang naglalakad siya palabas ng eroplano. Sa totoo lang, wala na sigurong tao sa Pilipinas ang hindi nakakakilala sa kaniya, sa dami ba naman ng nagawa niyang pelikula, serye at patalastas. Sanay naman na siya sa atensyon pero ang ayaw lang niya sa lahat ay ang dinudumog siya. Kagagaling lamang niya sa Japan kung saan kinunan ang huling seryeng kaniyang pinagbidahan. Kagaya ni Abby ay pinasok niya rin ang mundo ng pag-aartista. Hindi niya alam kung bakit. Siguro, gusto niya lang maging pasaway na apo kay Mama Francia. "Jonas!" pagtawag ng pamilyar na tinig nang makalabas siya sa malaking pintong salamin. Napailing naman siya dahil sa pagkainis. Ayaw na ayaw na kasi niyang tinatawag sa kaniyang palayaw. Siya na kasi si Nathan De Guzman ngayon. Nasumpungan niya ang manager niyang si Noel na hayun at nakasakay sa kaniyang kotse at nakaupo sa... Passenger seat? Dali-dali siyang humakbang palapit sa asul na sasakyan at inis itong tinanong, "Bakit nariyan ka? Sinong magda-drive? Ako?" Gumuhit naman ang pagmamakaawa sa maputlang mukha nito. "Alam mo bang kalalabas ko lang ng ospital? Kagagaling ko lang sa sakit, tapos sa akin ka pa nagpasundo! Kumuha nga lang ako ng designated driver, eh," pagda-drama ni Noel. Minsan talaga ay mas magaling itong aktor kaysa sa kaniya. Napasilip naman siya sa loob ng sasakyan at hinanap ang tinutukoy nito. "Nasaan na siya?" "Pinaalis ko na," tugon nitong napangiti. "Marunong ka namang mag-drive, eh. Gagastos pa ba ako ng dagdag na oras sa kaniya, kung narito ka na?" "Baliw ka talaga!" bulalas niyang kaagad nang sumakay dahil nagsimula nang bumusina ang kasunod nilang sasakyan. Kahit medyo nahihilo pa dahil halos walang tulog sanhi ng party kagabi, wala siyang ibang mapagpilian kung 'di ang magmaneho. Mabilis na niyang pinaarangkada ang luxury car na kareregalo lang sa kaniya ni Mama Francia noong nakaraang buwan. Napakagaan ng makina nito kaya't pakiramdam niya ay lumilipad lang sila sa gitna ng highway. Mabuti nga at hindi trapik ngayon at napakaluwang ng kalsada. Hindi niya lang alam kung bakit biglang kumabog nang malakas ang kaniyang dibdib nang dumaan sila sa isang napakahabang tulay. Napahawak siya sa sintido dahil sa saglit na pagkirot nito. "Nathan, okay ka lang?" usisa ni Noel nang siya'y mapansin. Nagpilit lang siya ng ngiti at ipinokus ang atensyon sa pagmamaneho. Nagkakaganito siya palagi sa tuwing may madaraanan siyang tulay. Dahil siguro sa kaniyang panaginip na madalas bumagabag sa kaniya. Ang malamig na pakiramdam sa gitna ng dilim. Ang malakas na pagtibok ng kaniyang puso sanhi ng matinding takot na 'di pamilyar sa kaniya. At ang mainit na kamay na hawak niya habang nakatayo sa barrier ng tulay. Pero, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya masiguro kung totoong nangyari ang panaginip na 'yon. Hanggang ngayon, bilanggo pa rin siya ng bangungot na 'yon. Nang may makita siyang establisyemento, saglit niyang inihinto ang kotse sa tabi. "Ibili mo nga ako ng coffee—" Natigilan na siya sa pagsasalita nang kaniyang marinig ang malakas na kalabog. "Oh no!" bulalas niyang dagling bumaba ng kotse para silipin ang hinala. "Anak naman ng penguin!" pahayag ni Noel. "Ngayon ka na nga lang nagmaneho, nakasanggi ka pa?" "Ako pa ngayon? Ikaw nga ang nag-iinarte riyan na mag-drive!" sagot niyang sinipat ang disgrasyang 'di sinasadyang kaniyang naidulot. Hayun at may gasgas lang naman ang gilid ng maroon vintage car na kaniyang nasanggi. Bumaba na rin si Noel. "Grabe, Nathan, lagot tayo niyan," wika nito. "Bakit naman tayo mananagot? Hindi naman natin 'yan tatakbuhan? Saka sa itsura nito, mukhang inabandona na 'to ng may-ari, eh." Tiningnan niya ang windshield kung may numero bang puwedeng tawagan doon, pero wala siyang makita. Marami pa namang hilera ng tindahan doon kaya 'di nila masisiguro kung saan posibleng naroon ang nagmamay-ari. "Loko-loko ka talaga! Anong gagawin natin dito?" tanong ni Noel na mukhang mas namumrublema pa kaysa sa kaniya. "Ano bang tanong 'yan?" bulalas ni Nathan. "Mukhang wala naman 'yong may-ari. Mag-iiwan na lang ako ng note at business card. At kung dumating siya, eh 'di mas maganda. Bayaran mo kaagad." Kinuha niya ang wallet mula sa side pocket ng suot, at mula roon ay naglabas siya ng business card na sinulatan niya ng maikling mensahe patungkol sa insidente. Napalingon siya sa kaniyang manager dahil hindi pa rin ito kumikilos. "Ano pang hinihintay mo? Iced Americano sa akin." Naiinis lang siyang tinitigan ng batang manager na kulang na lang ay maglabas ng pangil. Pero wala naman itong magawa kung 'di ang sumunod sa kaniya. Muli siyang sumakay ng kotse at tiningnan ang mga messages sa kaniyang phone. Ilang beses pala siyang pinadalhan ng mensahe ni Gian? May bago itong project na inaalok sa kaniya. Isa kasing direktor ang panganay na apo ni Donya Rosella. Panigurado indie film na naman 'yon. Kailan man ay hindi siya pumayag sa mga ganoong klaseng proyekto. Unang-una sa lahat ay dahil wala naman siyang oras para doon. Isa pa, gusto niyang umiwas kay Eunice na naging karelasyon niya limang taon na ang nakararaan. At hanggang ngayon, 'di pa rin niya alam kung bakit sila naghiwalay. Hindi rin nagtagal ay bumalik na sa kotse si Noel. "Ito na, oh." Nakasimangot pa ito at mukhang masama ang loob nang sumakay. "Anong problema mo?" tanong niya pagkakuha ng Ice Americano. Sa unang paghigop pa lang niya, alam niyang 'di 'yon ang kaniyang pina-order. Tiningnan niya nang masama ang kaniyang manager na alanganing napangiti.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작