[Taong 2004]
Sa kabila ng naggagandahang punong matatanaw sa magkabilang gilid ng daan, kapansin-pansin sa sampung taong gulang na si Jonas ang pagsimangot. Nakatingin lamang ito sa labas ng bintana ng sasakyan at tinititigan isa-isa ang mga puting istatwa ng anghel na tila sumasalubong sa kanilang pagdaan.
Patungo ang mga ito sa mansyon ni Donya Rosella, ang matalik na kaibigan ng kinilala nitong ina, si Mama Francia. Hindi talaga nito gusto ang pupuntahan, pero 'di naman ito makatanggi.
Sa Australia lumaki si Jonas at isang linggo pa lang ito sa bansa kaya natural lang na wala pang nagiging kakilala o kaibigan. Labag sa kalooban nito ang pag-uwi, pero wala naman itong magawa. Napahalukipkip ito sa likod ng kotse, kasabay ng pagsulyap sa babaeng katabi, si Abby, ang kinamulatan nitong nakatatandang kapatid.
"Abby, do I really need to come with you?" tanong nito sa babaeng kaagad lumingon.
Ngumiti si Abby ng ubod nang tamis. "Oo naman. Kailangan mong makilala ang mga apo ni Donya Rosella, ‘yong beautiful old lady na bumisita sa atin the other night," tugon ng mala-diwatang dalaga na saglit sinuklay ang buhok ng bata.
Bahagyang nadismaya si Jonas dahil hanggang ngayon, para pa rin itong batang maliit kung tratuhin ni Abby. Kanina nga ay pinaliguan ito ng pulbos sa likod at dibdib. Ngayon ay muli nitong pinasadahan ng pabango ang kuwelyo ng puting longsleeve ng bata na may itim na bow tie. Nakasuot ang mga ito ng pormal para sa pagtitipon na dadaluhan.
Mas lalo pa tuloy nagngingitngit ang bata 'pagkat natitiyak na nitong mamamatay lang ito sa pagkainip mamaya.
Muling napatingin si Jonas sa babaeng nakasuot ng bestidang kulay rosas. Bumagay ‘yon sa mala-antigo nitong kuwintas na mas lalo pang nagpaangat ng taglay na ganda nito. Pinalaki ang bata sa pag-aakalang magkapatid ang mga ito at si Mama Francia ang ina nito.
Pero, buong buhay pala ni Jonas ay isang malaking kasinungalingan.
Noon pa man ay naririnig na nito ang usapan ng mga kasambahay, na itinatago lamang itong anak sapagkat maagang nabuntis si Abby sa edad na katorse. Kaya marahil hindi na nagulat ang bata nang sabihin ng mga nakatatanda ang totoo. Imposible rin naman kasing magkaanak si Mama Francia sampung taon na ang nakararaan, sapagkat ilang taon na rin itong biyuda.
Pagkahinto ng sasakyan sa tapat ng napakalaking mansiyon, bumaba ang drayber at ipinagbukas ang mga ito ng pinto. Naunang lumabas si Abby na nakaalalay sa may kahabaan nitong bestida.
Nang makababa si Jonas, kaagad itong niyakap ng ginang na matalik na kaibigan ni Mama Francia. Nanuot sa pang-amoy ng bata ang mamahalin nitong pabango na may esensiya ng iba’t ibang prutas at bulaklak.
Saka naman ito napatingala sa malaki at may apat na palapag na tahanan. Hindi maikakaila sa napakagarbong disenyo nito na ang mga nakatira ay 'di basta-bastang tao sa lipunan. Mahahalata rin sa puting-puti at bagong pinturang mga pader na palaging nire-renovate ang lugar.
Matatanaw sa paligid ang mga nakapalibot na iba't ibang puno at halaman na nakalagay sa naglalakihang paso. May pailan-ilan ding istatwa ang naroon sa gilid at puro nakatingin sa kawalan.
"I'm so glad na nandito na kayo pareho," pahayag ni Donya Rosella na nakasuot ng kulay lavender na gown at pinarisan ng makulay na shawl. "Napakaguwapong bata talaga nitong si Jonas. Well, kanino pa ba siya magmamana?" dagdag nitong 'di nawala sa mukha ang pagngiti.
Nalipat naman ang paningin ni Jonas sa tatlong batang nakapila sa hagdan ng mansyon. Nakabihis din ang mga ito ng naaangkop para sa pagtitipon.
"Oh, by the way, this is my grandchildren," pakilala ng Donya na itinuro ang mga ito. "This is Gian, Eunice, and this cute lady beside me is Jackie."
Nakangiti rin ang mga ito, maliban sa huling batang ipinakilala na nakatingin naman sa kung saan.
"Donya Rosella, siya po ba 'yong anak ni Ate Bella na kailan niya lang ipinakilala sa inyo?" bulong ni Abby na nasa mukha ang buong pagkamangha.
Ngiti lang ang isinagot ng matanda.
"Pumasok na tayo," paanyaya ni Donya Rosella na itinago sa mga ngiti ang pag-aalangan sa sitwasyon.
Humakbang na sila papasok sa loob ng mansyon. Tunay ngang malawak ito at napakaaliwalas maging sa loob. Sa bungad ay makikita ang napakalaking family portrait na naroon sa sentro ng pader. Nandoon ang Donya, nakaupo katabi ang matandang malapit nang maubos ang buhok, ngunit kapansin-pansin pa rin ang tikas sa suot nitong amerikana. Kasama marahil ng mga ito ay mga anak at apo.
Pero, wala sa larawang 'yon ang batang babaeng naglalakad hawak ang kamay ng Donya.
Maraming mamahalin at malalaking painting sa paligid, katulad ng nakahiligang kolektahin ni Mama Francia. Hindi rin nagtagal ay nakarating ang mga ito sa malaking pinto kung saan mayroong mga bintanang salamin. Mula roon ay natatanaw ang napakagandang hardin sa likod ng mansyon.
Nang makalabas sa pinto, may ibang bisita na ang naroon, nakasuot ng mamahaling suit at gown. Kumpol-kumpol na nakikipagkumustahan ang mga ito sa isa't isa sa saliw ng klasikong musika. Tinutugtog 'yon ng mga taong may hawak na iba't ibang istrumento, at nakapuwesto sa harap ng napakalaking fountain. May puti rin 'yong istatwa ng sirena sa gitna na naglalabas ng tubig mula sa dala nitong banga.
Sa kabilang bahagi makikita ang pahabang mesa kung saan nakalagay ang iba't ibang putahe ng nakatatakam na pagkain. Marami ring mga tagasilbing nakasuot ng uniporme, may bitbit na tray ng inumin at pakalat-kalat sa lugar.
Naupo sina Jonas at Abby sa tapat ng bilog na mesang may kulay puti at gintong tela. Kasama rin nila si Donya Rosella at ang tatlo nitong apo. Naririnig nga ng batang si Jonas na ang pagtitipon ay para sa isa sa mga apo nitong si Eunice.
Masarap naman ang pagkaing inihain, pero walang gana si Jonas kaya halos hindi nito inubos ang dinala ng tagasilbi. Pansin rin nitong hindi kumakain ang batang si Jackie na mayamaya naman ay tumayo at tumakbo sa kung saan.
Tumayo na rin si Jonas dahil sa pagkainip, tutal, abala namang mag-usap sina Abby at Donya Rosella.
"Saan ka pupunta?" usisa ni Eunice. "Susundan mo ba siya?"
"Of course not!" pagtanggi ni Jonas kahit ang totoo'y nakatingin ito sa direksyon na pinuntahan ng batang babae.