Chapter 6

1058
"May gasgas po 'yong kotse," pahayag ni Sasha at itinuro ang gilid ng kotse, kung saan kitang-kita ang pahabang marka sa gilid. "Anong nangyari?" bulalas niya saka napansin ang pinagkasyang sulat kamay sa isang business card. Pasensya na po, nasanggi namin ang kotse n'yo. Wala naman kayong number dito, kaya ako na ang nagbigay ng number. Paki-contact na lang 'to. PS: Huwag kayong mag-alala, hindi namin kayo tatakasan, kung gusto n'yo bilhin na namin 'tong bulok n'yong kotse. Halos umusok ang kaniyang tainga dahil sa nabasa. Ito na nga ang nakasanggi, nakuha pang insultuhin ang sasakyan ng papa niya? "Ayos din, ah?" bulalas niyang napabuga ng hangin. Nalipat naman ang kaniyang atensyon sa sobreng kasama ng business card. "Hope Lending Services?" pagbasa niya at nangunot ang kaniyang noo nang makita ang pangalan ng ama. Ano 'to? Nangutang si Papa? "Ano po 'yan, Mama?" tanong ng batang nakatingala sa kaniya. "Hindi ko rin alam, eh. Tara na," tugon niya at inakay na ito pasakay ng kotse. *** Habang nagmamaneho, pakanta-kanta ang kaniyang anak-anakan sa likod ng kotse. Mahahalata sa mukha nito ang kasiyahan para sa birthday party nito mamaya. Siyempre, sinasabayan niya rin itong kumanta ng paborito nitong nursery rhyme. Ang mga ganitong sandali nila ni Sasha ang maituturing niyang magical para sa kaniya. Napakasuwerte niya kahit maagang namayapa ang nakatatandang kapatid, sapagkat may naiwan itong parte nito na talaga namang lubos niyang iingatan at pakamamahalin. "Mama, pupunta po ba si Heidi sa bahay mamaya?" tanong nito matapos huminto sa pagkanta. Ang tinutukoy nito ay isa sa mga kaklase at kapitbahay nila. "Oo naman. Bakit hindi? Palagay ko nga, nauna pa 'yon sa 'yo roon, eh." Muli siyang napangiti nang maalala ang mga text sa kaniya ni Candy patungkol sa ina ng bata. Kanina pa raw kasi pinakikilamanan ng babae ang paghahanda ng mga ito. "Kasi po, baka galit pa rin siya sa akin. Naglaro kasi kami ni Allen kahapon," pagsusumbong nito at nakita niyang napanguso na ang bata mula sa rearview mirror. "Bakit naman siya magagalit sa ‘yo kung naglalaro kayo ni Allen?" usisa niyang saglit lang itong sinulyapan, pero nakapokus pa rin siya sa pagmamaneho. "Nagseselos kasi siya." Halos matigilan naman siya. Limang taong gulang pa lang ang mga ito, nagkakaselosan na? Paano pa kaya paglaki ng mga ito? "Sabi kasi niya, gusto raw niyang pakasalan si Allen," dagdag ni Sasha na napatingin sa ibaba. Alanganin naman siyang napangiti. "Hindi ba, masyado pa kayong mga bata para pag-usapan 'yan?" wika niya. "Hayaan mo na lang siya. Malalaman din niyang wala ka pang interes sa mga bagay na ‘yon." "Pero gusto ko rin pong pakasalan si Allen." Bigla na lamang siyang may narinig na pagtunog ng kampana. At nang muling mapatingin sa rearview mirror, nakita niya si Sasha na nakasuot ng wedding gown with matching white veil sa ulo nito. Ang lawak ng nilakbay ng kaniyang imahinasyon. Dagli siyang napailing para burahin 'yon sa isipan. "Hindi, anak, bata ka pa," pahayag niyang napuno ng pag-aalala. "Alam ko po. Hindi naman po ngayon. Paglaki na po namin." "Sino ba 'yang Allen na 'yan? Guwapo ba 'yan, para pag-agawan n'yo?" "Mabait po siya," tugon nitong muling lumawak ang ngiti. Napakunot-noo siya. Bakit parang nakakapagduda yata ang isinagot nito? *** "Happy birthday, Sasha!" Iyon ang sumalubong sa kanila pagkapasok nila sa gate ng kanilang tahanan. Kasunod niyon ang pagsisimula ng awiting 'Happy Birthday', habang unti-unting inilalapit ni Mervin ang hawak nitong cake na ang papa niya mismo ang nag-bake. Kulay asul 'yon na may tema ng Frozen, ang paboritong animated movie ng lahat yata ng bata sa mundo. Iyon din ang pinaka-theme ng party, kaya nga ang mga nakadisenyo sa harap ng bahay ay puro may mukha nina Elsa at Anna. At makikita rin 'yon sa bawat mesang naroon. May nakahanda ring asul na gown na ipinatahi pa ni Candy para mag-ala Elsa ang inaanak nito. Langhap na langhap na nga niya ang iba't ibang lutuing naroon sa mesa sa sulok, maging ang malaking tarpaulin na may mukha ni Sasha at nakasulat ang masayang pagbati. Kasabay ng awitin ay isa-isa niyang tinitigan ang kanilang mga bisita. Kung noon, labis-labis ang kaniyang pagkatakot kapag ginagawa ito, iba na ngayon. Marunong na kasi siyang kumilatis ng pagkakaiba ng mga tao. Ang pangangatawan, buhok, pananamit, kilos, lahat ng 'yon ay 'di magkakapareho. Ngunit ang pinakamadaling paraan para makilala ang iba ay sa pamamagitan ng kanilang boses at pagsasalita. Ilang buwan din siyang nalugmok matapos mangyari ang trahedyang naging dahilan para mawala ang kaniyang kakayahang makakilala ng mukha. At si Sasha lamang ang tanging nagbigay ng pag-asa sa kaniya. Matapos ang awitin ay binuhat ng kaniyang ama ang apo para matulungang hipan ang kandila. Masigabong palakpakan ang sumunod at ang pag-announce ni Candy ng munting programa. "Magsiupo muna ang lahat at hintayin nating makapagbihis ang ating birthday celebrant," dagdag ng kaniyang bestfriend magmula pa noong highschool. Saka nito inakay ang bata papasok sa loob ng bahay. "Papa, bakit parang ang dami n'yo yatang iniluto? May pa-chocolate fountain pa kayo?" pansin niya sa nakapatong sa pinakagitna ng mesa. "At may iba pa palang cake ang naroon? Three-layered pa? Saan galing 'yong pera? Sa inutang n'yo?" Napatingin naman ang kaniyang ama sa paligid bago tumugon. Napakamot pa nga ito sa namumuti nitong buhok. "Hindi, ah. Nagpadala ang kuya mo, ano ka ba? Mahahayaan ba niyang walang handa ang birthday ng pamangkin niya? Anong utang ang sinasabi mo riyan?" "May sulat akong natanggap na nakapangalan sa inyo," Napamewang na siya habang pilit na binabasa ang ama. "Huwag n'yong sabihing 'di 'yon sa inyo?" "Baka naman na-wrong sent lang," sagot nitong di naman makatingin nang diretso. "Maiwan na kita, magbibihis lang ako." "Sandali lang, Papa? Naka-lipstick ba kayo?" Hinaltak niya ang damit nito nang kaniyang mapansin ang namumulang bibig ng ama. Napahalakhak ito. "Oo, anak. May surprise kasi ako para kay Sasha, hindi yata nabura, eh." At mabilis na itong nawala sa paningin niya. "Surprise?" Medyo nag-aalala naman siya. Ano kayang surprise 'yon? Maglaladlad na ba ito, kagaya ng kuya niyang silahis na mayroong Japanese na boyfriend? Hindi rin nagtagal ay lumabas na si Sasha na nagmukhang kagalang-galang na prinsesa sa suot nitong asul na bestida, habang may nakaputong pa itong korona. Kasunod nito si Candy na may hawak-hawak namang kamera. 'Di niya alam kung bakit nangilid ang kaniyang luha habang humahakbang ang bata palapit sa kaniya.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작