[Pagpapatuloy...]
"Okay. Thank you sa gift mo, ha? Gusto mo ba akong samahang magbukas ng mga regalo?" wika ni Eunice tumayo na rin.
"Don’t you think its too early for that?" tugon ni Jonas na muling natanawan ang batang babaeng tumakbo kanina. Naroon na ito nakaupo sa isang sulok ng hardin.
Napatingin din doon si Eunice. "Si Jackie ‘yon. Huwag kang maging close sa kaniya. May pagka-weirdo ang isang ‘yon," pahayag nito.
"Eunice," saway ng batang lalaki na si Gian. Abala ito sa pagkain kanina, ngunit ngayon ay natigila at nakatuon na ang tuon sa kanila.
Hindi naman natinag ang maarteng bata. "Narinig ko sa dad ko na 'di sila naniniwalang anak 'yan ni Tita Bella. Hindi rin naman niya kamukha, eh."
"Do you think I care?" pagsusungit ni Jonas.
Napanganga tuloy si Eunice. Hindi na ito inintindi ni Jonas at tumakbo palayo.
Nilapitan ni Jonas ang batang nasa dulo ng hardin, saka naman tumambad sa mga mata nito kung anong ginagawa ni Jackie.
Hayun at naghuhukay ito sa lupa hawak ang isang shovel.
"What are you doing?" tanong ni Jonas na napakunot ang noo.
Gulat na napatingala ang bata at saglit na napahinto sa ginagawa. Ngunit mayamaya ay ibinalik din nito ang pansin sa pinagkakaabalahan. Nang makita ni Jonas ang nasa tabi ng batang babae, nanlaki ang mata nito at saka napaatras.
"Nakita ko siya kaninang umaga sa paligid ng mansyon na nanghihina. Ibon siya, ngunit 'di niya magawang makalipad. Kanina ko pa siya binabantayan, pero heto, patay na siya." Inilabas ni Jackie ang panyo mula sa bulsa nito. Ibinalot nitong maigi ang ibon doon saka nito inilagay sa butas na hinukay.
"Sabi ni papa, walang nilalang na namamatay hangga't hindi pinapahintulot ng Diyos. Ang kaso, naaawa pa rin ako para sa ibon na to," pahayag nito saka napapikit at tila nanalangin.
"It's just a bird, and its already dead!" bulalas ni Jonas.
Dumilat ang bata at gamit ang shovel ay tinabunan na nito ng lupa ang patay na ibon.
"Sabi ni Mama Bella, hindi na ako susunduin ng mama ko kasi patay na siya.” Mababakas sa tinig ng batang babae ang buong kalungkutan.
"What do you mean? That Bella is not your mother?" usisa ni Jonas.
"Sinabi ko ‘yon kay Lola Rosella, pero hindi siya naniniwala sa akin." Napatingala ito sa kaniya at kapansin-pansin ang pangingilid ng luha. Nagsimula na rin itong mapahagulgol.
Naalarma naman si Jonas na napatingin dahil sa paglingon sa kanila ng ibang bisita. "Oh…please don't cry?"
"Gusto ko nang umuwi," patuloy nito kasunod ng pag-agos ng mga luha.
Naghanap si Jonas ng panyo sa bulsa pero natuklasan nitong wala naman itong nadala.
"Please stop? People are looking at us," sabi nitong hinila ang kamay ng batang babae para ito'y makatayo. Laking pasasalamat na lang ng batang lalaki na malayo ang mesang kinaroroonan nina Abby. Malaking tulong din ang musikang nangingibabaw sa malawak na hardin.
Tumayo na si Jackie ito at kaagad pinunasan ang likido sa pisngi. "Tingin mo ba, patay na talaga ang mama ko?"
"How would I know that...?" tugon ni Jonas.
"Puwede mo ba akong samahan sa amin?" pakiusap nito gamit ang luhaang mata.
"Ha?"
"Gusto ko nang umuwi sa amin!” At muli itong umatungal nang iyak.
Napatingin si Jonas sa paligid para tingnana kung may tao bang nakamasid.
"Do you know where you live?"
Tumango-tango ang batang babae bilang tugon.
***
Palihim itong pinasakay ni Jonas sa likod ng sasakyan. Mabuti nga at nasa clubhouse ng mansyon ang drayber na pagkatapos kumain, naging abala na sa pakikipagkuwentuhan sa ibang tauhan.
Nagdahilan na lamang ang bata na nag-aya umuwi dahil sa pagsakit ng tiyan.
"Are you sure, hindi 'yan number two?" tanong ni Abby sa mapaghinalang tono.
Nakaupo na si Jonas sa loob at ginagalingan ang pag-arte. Nakahawak ito sa tiyan at kunwari'y namimilipit sa sakit.
"Nandito si Dr. Gomez, puwede natin siyang ipa-check up," pahayag ni Donya Rosella na nakasilip sa batang lalaki mula sa labas ng kotse.
Natigilan man, hindi nagpatinag ang bata at nagsimula sa paghiyaw sa sakit. "Ah!!!"
Mabilis nang sumakay si Abby sa kotse na mababanaag sa mukha ang labis na pag-aalala. "Sige po, Donya Rosella. Pasensiya na po, kailangan naming umuwi kaagad."
Dahan-dahang napailing ang matanda. "Kids...I know that feeling. Ganiyang-ganiyan kayong tatlo nina Bella at Enrique." Saka naman itong napahalakhak. "That's what you call karma dahil pinahirapan n'yo kami ni Francia habang lumalaki kayong pasaway."
Napangiti na lang si Abby sa sinabi nito. "At least po naging challenging ang motherhood ninyo dahil sa amin."
"Sige na, bago pa maging Best Actor 'tong anak mo. Ikumusta mo na lang ako kay Francia pag-uwi niya," paalam ng donya na kumaway na sa kanila.
Umarangkada na ang sasakyan. Panay naman ang kuwento ni Abby patungkol sa pagbiyahe ni Mama Francia sa Singapore para sa business nito. Hindi interesado si Jonas dahil nga sa batang babae na naroon sa likod ng sasakyan.
Mananagot kasi ito kapag nagsumbong si Abby kay Mama Francia. Ang matanda kasi ang batas sa pamilya nila.
Buong biyahe tuloy ay hindi ito mapalagay. Mabuti at 'di rin nagtagal ay nakalabas na sila sa subdibisyong pinanggalingan. Ang sabi kasi ni Jackie, alam na nito ang direksyon pauwi mula roon.
"Abby, I'm fine now. I think I'm just hungry," pahayag ni Jonas saka bumaling sa drayber, "Can you please stop the car in front of that convenience store?" Turo nito sa establisyementong nakita sa gilid.
Napasulyap ang drayber kay Abby bilang paghingi ng senyales. Walang magawang tumango-tango ang dalaga kaya marahang pumarada ang nagmamaneho sa tapat nito.
"Kagagaling lang natin sa party, hindi ka ba nabusog doon?"
"I didn’t eat much. Please buy for me," pakiusap ng bata.
"Oo nga pala. Hindi mo nga pala naubos ang pagkain mo kanina. Sige, bibili na lang ako," wika ni Abby na naalalang hubarin ang antigong kuwintas. "Hawakan mo nga muna ito, saglit lang, ha?" dagdag ng babae bago tuluyang lumabas.
Ibinulsa niya ang kuwintas saka kinausap ang drayber, "Mister, I wan't cotton candies."
"Cotton candies? Saan naman ako makakahanap ng cotton candies dito?” balik-tanong nito matapos lumingon.
Tumuro siya sa kabilang kalsada kung saan may nagtitinda ng hinahanap niya.
Napahalakhak ang manong na mukhang nasa edad kuwarenta. "Ikaw talaga, sa Australia ka lumaki, pero ang taste mo, Pinoy na Pinoy pa rin," sabi nitong may ibang itinuro. "May tinda rin silang siopao doon, 'yong gawa sa pusa, baka gusto mo rin?"