ANG MGA NANGYARI sa Region 2 ng Terra ay hindi isang basta-bastang bagay na maaring palampasin ng mga game developers na players din sa loob nito. Sila nga ay ang pinakamatataas na players, at sinasabing mga overpowered na manlalaro sa loob ng APWHAEM. Sila nga rin ang mga hinahanap ng matandang si Sora… ang mga nag-traydor sa kanya noon at kumuha sa kanya ng larong ito.
Ang Four Divine Gods.
Iilan lang sa mga players sa Tengoku Region ang nakakakita sa mga ito at maging si Napoleon na pinuno ng lahat ng mga manlalaro sa lugar na iyon ay hindi pa rin nakikita ang mga ito sa katawang players nila. Tanging boses at liwanag lang din ang madalas na nagpapakita sa mga players sa region ng Tengoku kapag may mahalagang pagpupulong. Madalas din nga ay ipinapasa na lamang ni Napoleon ang mensaheng nakuha niya mula sa mga iyon, patungo sa mga sumusunod sa kanya.
Ilang oras nga lang matapos ang pangyayari sa Domain City, agad nang nagpatawag ng isang biglaang pagpupulong ang Divine Gods. Dumalo rito at sampung high-ranking players ng Tengoku na pinangungunahan ni Napoleon na siyang pinuno ng mga ito. Sa pagpupulong na iyon, iisa lang ang layunin ng mga ito… at iyon ay ang pigilan ang plano ng isang player na bigla na lamang lumitaw sa Terra Region.
“Sa tagal na namin sa larong ito, ay mukhang ngayon pa lamang kami nakakita ng isang nagmula sa Region 1 ng Terra na makakarating sa Region 2. Isa pa, hindi na rin basta-bastang players ang pinabagsak niya…” wika ng isa sa apat na liwanag sa itaas. Holographic Light lang din ito kaya hindi nasisilaw ang mga naroon sa loob ng meeting hall ng main tower ng Tengoku’s God District.
“Nakuha na namin ang infos tungkol sa player na iyon, at base rito… Isa raw itong malakas na gamer sa real world…”
“Kung ganoon, paano po siya lumitaw sa Terra Region? Sa Region 1,” seryosong winika ni Napoleon na napakuyom bigla ng kamao nang makita ang information tungkol sa player na iyon.
“Marami na rin namang mga beta testers ang lumilitaw sa Non-gamers group na nagpapanggap lang pala… at mukhang hindi naging maingat ang mga facilitator sa labas, kaya siguro… na-leak sa mga participants ang information tungkol sa examination.”
Napatingin na nga lang si Napoleon sa sampu niyang commanders at wala siyang maisip na dahilan para matalo ang mga ito ng player na iyon. Napakalayo ng gap ng weapon levels nila sa Laxus Elrod na iyon… at kung kailangan nilang tapusin kaagad ito ay kayang-kaya nilang gawin ito nang mabilisan.
Kaso, hindi ito ang nature ng game na ito para sa kanila. Isa nga iyon sa mabilis na paraan… Pero, lalabagin nito ang isa sa mga batas ng game na ito. Pwede lang nilang labanan ang isang player sa Terra Region kung ang level gap ng mga weapons nila ay nasa 15 pababa. Isa rin ito sa rason kaya mas pinipili ng mga malalakas na players dito na manatili na lamang sa Tengoku. Ito ay sa kadahilanang, hindi naman sila pwedeng basta lumaban sa Terra Region. Madalas ang mga pumunta lang doon ay ang mga players naninirahan sa Sanctuary, o ang mga manlalaro ng game na ang level ng weapons ay nasa 50 pababa. Madalas ay dito kumakausap si Napoleon ng mga players na ipapadala sa Terra Region para sa mga game missions.
“Kung ganoon, alam ng Laxus Elrod na iyon ang mangyayaring selection ng Beta Testers nang araw na siya ay kukuha ng examination dito,” seryoso pang winika ni Napoleon sa sarili at pinilit na nga lang niyang pakalmahin ang kanyang sarili dahil nasa gitna sila ng pagpupulong ngayon. Kilala kasi niya ang player na iyon… Kilalang-kilala at hindi niya hahayaang mag-excel si Laxus sa game na kung saan ay siya ang pinakamalakas, maliban sa mga Divine Gods.
Natapos ang pagpupulong na iyon, at napagdesisyunan nilang kailangang mawala ang player na iyon sa Terra. Kaagad ngang nagtungo ang mga Commanders ni Napoleon sa Sanctuary upang doon humanap ng mga players na ipapadala sa Terra Region. May malaking gantimpala ang mission na ilalabas nila at isa na roon ay ang pagkakaroon ng karapatan na makapasok sa God District. Mabilis ngang kumalat ang balitang iyon sa Sanctuary at maraming mga players ang hindi maiwasang mapaseryoso lalo na’t nalaman nila na ang Gaming Genius pala na si Elrod ay nasa laro ring ito. Lahat ng isip nila ay iisa lang ang sinisigaw, at ito ay ang matalo ang lalaking iyon na naghari-harian sa mundo ng gaming sa real world kung saan sila nakatira.
Matapos ang paglalabas ng announcement na iyon… Ang unang grupo nga na sasabak sa mission na iyon ay agad nang ipinadala sa Terra Region.
REGION 2, Terra Region.
Isang araw matapos ang pagbagsak ng Domain City, makikita nga sa Gladius Village ang maraming bilang ng mga players at kahit hindi taga-Axis ay narito para sumama raw sa plano ng pinuno na si Cruxade na pumunta sa Region 3 ng Terra. Matapos kasi ang pagkatalo ng Council ay maraming mga players ang nagdiwang, sapagkat natapos na raw ang grupo ng mga mapagmataas na players sa region na ito. Nalaman nga rin ito ng mga nasa Region 1 at bali-balita nga rin, na mula sa bagong guild na Terra Force ay nagpaplano na ring pumunta ang mga ito sa Region 2, lalo na nga nang makabalik doon sina Gira at Nel. Lahat ng kaganapan sa ginawa ni Laxus ay ikinwento niya kina Grey.
Manghang-mangha ang mga nakaalam noon, at iyon din ang unti-unting nagpamulat sa kanila na hindi masamang umusad sa larong ito. Doon nga ay nagpasya ang dating 1st team leader ng Terra Force Guild na maghanap ng mga players na sasama sa kanila sa pagpunta sa Region 2. Sisimulan na rin nila ang pagpapalakas ng kanilang mga items para makahabol daw sila sa grupo nina Laxus. Sa pagkakataong iyon nga ay tuluyan nang nabuo sa isip ni Grey na magpatuloy sa paglalaro nito… hindi lang sa Region 1, kundi sa iba pang mga area sa game na ito.
Samantala, habang abala naman ang mga member ng Axis sa Gladius Village, sa loob naman ng isang VIP room ay makikitang nakaupo nang paikot sina Wind, Herald, Sora at Modosu. Habang ang mga kasamahan naman nilang nailigtas nila mula sa Domain City na kasama na nila mula Region 1 ay nagsimula na kaagad ng pagpapalakas ng mga weapons nila kasama ang malalakas na players ng Axis, upang maging gabay ng mga iyon.
Isang araw na ang nagdaan, pero hindi pa rin nakakausap ng alinman sa apat na ito si Laxus na nasa bubong lang ng bahay na kanilang tinutuluyan. Nakahiga lang ito roon magmula nang bumalik sila rito mula sa Domain City. Ni hindi nga nila nakitang kumain ito at mukhang ang pagtulog na lang ang tanging bagay na ginagawa nito upang ang energy level nito ay magkalaman. Alam na rin naman nila ang dahilan noon, pero ang hindi lang nila magawa ay ang kausapin ito para sabihing handa silang tumulong sa binata sa paghahanap kay Lisa.
Wala si Lisa sa mga nailigtas nilang Slave sa Domain City, at ito ang dahilan kaya tila lumayo si Laxus sa kanilang apat. Tila ba wala itong gana kung papakiramdaman nila.
“Lolo Sora, kayo na lang ang pumunta sa kanya, tutal… kayo po ang matanda rito,” nangingiting wika nga ni Herald na tinawanan naman nang bahagya ni Modosu.
“Oo nga Sora, ikaw ang pinakamatanda rito,” pabirong wika naman ng matandang panday. Hindi naman ito pinatulan ni Sora, na mas pinili na lang na bumuntong-hininga. Naninibago kasi siya sa binatang si Laxus. Mukhang nalungkot daw ito dahil wala ang dalagang si Lisa sa mga nailigtas nila.
“Ang dami niyang tinalo, at pinagdaanan, pero iyong pinaka-importante niyang ililigtas ay wala sa Domain City. Hindi ko alam kung makakausap ko siya nang maayos, o kung magsasalita ba siya… Pero sinubukan ko na rin naman siyang kausapin kanina. Kaso, wala ring nangyari,” sabi na nga lang ni Sora sa mga kasama niya.
“Kaso, gusto ring malaman ni Cruxade kung ano ang plano nito. Nahihiya rin ang pinuno ng Axis na i-approach si Boss Laxus, kasi nga parang iba raw ang dating nito ngayon. Para raw, ayaw raw muna ni Boss ng kausap,” seryoso namang wika ni Wind na nakakaramdam din ng lungkot sa nangyari sa iba pa nilang kasamahan, lalo na nga kay Lisa, na alam niyang importante sa kanilang Boss Laxus.
“Ibig-sabihin… Hihintayin na lang nating magkusa si Laxus na sabihin ang sunod na gagawin. Kaso, ang hindi natin alam ay kung hanggang kailan siya ganito. Lumilipas ang araw at malakas ang kutob ko na nagbaba na ng mission ang Tengoku Region para sa mga nangyayari rito,” seryoso namang winika ni Modosu na ikinaseryoso rin ni Sora.
Alam nilang dalawa na ang pagbabago sa Terra Region ay magsisilbing panganib para sa lahat ng kasama ni Laxus Elrod. Wala pang gumagawa nito, at kung may nagmula man sa region na ito ang magnanais na tapusin ang game na ito… Pipigilan ito sigurado ng nasa Tengoku sapagkat isa itong malinaw na pagsisimula ng digmaan sa pagitan ng dalawang region sa larong ito.
Ang pagpapabagsak sa Tengoku Region ang magtatapos ng larong ito, at normal na reaksyon nila sa bagay na iyon ay ang pagpigil sa sinumang magnanais nito.
“Mas magiging seryoso na ang mga susunod na paglalakbay natin sa game na ito, Wind at Herald… Nasisiguro ko na ang ikatlong guild na narito ang unang pipigil sa atin at malakas ang kutob ko na may tutulong sa kanilang mga nagmula sa Tengoku. Kaya mas lalo ninyong ihanda ang mga sarili ninyo, dahil anumang oras ay pwedeng may mangyaring hindi natin inaasahan… Lalo na’t pinabagsak natin ang Council,” wika pa ni Sora at doon na nga bahagyang nagdilim ang paningin nina Herald at Wind na sabay na napangisi.
“Kung ganoon Lolo Sora… Ito na ba ang simula ng totoong gaming sa larong ito?” wika ng dalawa at napakuyom sila ng kamao nang maalala ang huli nilang pakikipaglaban sa Domain City.
“Ayaw ko nang mangyari pa iyon… Kailangan ko pang maging mas malakas, kailangang humabol ako kay Boss Laxus para hindi na maulit pa iyon!” wika na nga lang nina Herald at Wind sa isip nila nang marinig nila ang sinabi ni Sora. Natural lang din na reaksyon ito ng mga taga-Tengoku, dahil tulad nila… mga gamers din ang naroon.
Mula naman sa bubong ng bahay na tinutuluyan nila, makikita nga ang isang binata na may dilaw na buhok na kasalukuyang nakahiga roon. Ang dalawa niyang pinagbukas na palad ang nagsisilbi niyang unan at ngayon ay tahimik lang niyang pinagmamasdan ang mga dumaraan na ulap at ang asul na langit sa itaas.
Pakiramdam niya ay nawalan siya ng kasama, dahil hindi niya nailigtas si Lisa. Pakiramdam niya ay may kulang sa kanya matapos iyon at naiinis siya sa kanyang sarili dahil dito.
Sumasagi kasi sa isip niya ang mga araw na kasama niya si Lisa sa paglalaro nito… at mas naaalala rin niya ang mga nakaraan niya na kasama ito noong bata pa sila noon.
“Kailangan mong iligtas si Lisa… Ikaw ang Gaming Genius, hindi ba?”
“Kaya bakit ka panghihinaan ng loob, kung pwede mo pa rin naman siyang mailigtas?”
Kinakausap lang niya ang kanyang sarili magmula nang makabalik sila sa village na ito… at para raw siyang nasisiraan ng ulo sa ginagawa niya. Habang nakatingin nga siya sa asul na langit at sa dumaraang ulap ay bigla na nga lang dumaan sa paningin niya ang isang dragon. Hindi ito basta-basta makikita, pero dahil nakapokus ang paningin niya roon ay batid niya kung ano talaga iyon.
Katulad din iyon ng nakita niya noon sa pagsisimula ng game na ito, nang minsang humiga rin siya at tumingin sa langit.
“Dragon AI?” sambit niya at sumagi rin bigla sa isip niya ang tawa ni Lisa tuwing pinagti-trip-an siya. Napa-iling na nga lang siya at marahang bumangon.
“Tama na Laxus… Hindi pa tapos ang game, kaya hindi pa tapos ang lahat…”
“Sigurado rin ako… Hinihintay na ako ni Black para sa rematch namin sa game na ito… Tss. Alam na alam kong kating-kati na iyong bumawi sa akin…”
Tumayo na ngang muli ang binata at kalmadong bumaba mula roon sa pamamagitan ng pagtalon pababa.
Isang perpektong paglapag sa lupa ang kanyang ginawa at kasunod nga noon ay ang paghinga niya nang malalim. Humawak din siya saglit sa hawakan ng kanyang Black Sword. Sandali nga ring umihip ang hangin at ang dilaw niyang buhok ay pinasayaw nito. Sa pagtingin niya sa kawalan ay doon na nga unti-unting bumalik ang mata nito na tila walang emosyon na sinamahan pa ng mala-demonyong pagngisi.
“Game na uli,” wika ni Laxus at kasunod noon ay ang paglakad na niya papunta sa main building ng Axis. Kakausapin na nga niya si Cruxade upang ilahad ang mga naiisip niyang plano, bago sila magpunta sa Region 3 ng Terra. Makikita nga rin sa likuran niya ang apat na mga kasamahan niyang sina Wind, Herald, Modosu, at Sora.
“Welcom back, boss Laxus…” wika nga ni Herald at napa-ismid naman si Laxus.
“Anong welcome back? Hindi naman ako nawala. Tss…”