Bola 13

3174
LINGGO, isang araw ang lumipas matapos ang practice game. Alas-onse ng umaga na ang oras nang sandaling iyon.   Pagkamulat ni Ricky ng kanyang mga mata ay naramdaman niya kaagad ang p*******t ng kanyang katawan at dahil din sa ilang sugat na nakuha niya mula sa nangyaring practice game kahapon. Gusto nga niyang bumangon mula sa pagkakahiga pero pakiramdam niya ay hindi niya pa kaya. Napalingon na lang siya sa kanyang kaliwa at hinanap niya ang kanyang cellphone. Iginala niya ang kanyang dalawa kamay upang kapain kung saan ito napunta. Nang may maramdaman siyang kung ano sa may tagiliran niya ay kanyang kinuha agad iyon.   "11 na pala," wika na lang niya sa sarili matapos tingnan ang oras. Doon ay pinilit na niyang makabangon dahil masyado na raw tanghali para humiga pa siya. Lumabas siya ng kwarto at dumiretso sa CR para maghilamos. Iika-ika pa nga siya sa kanyang paglalakad patungo rito.   "O? Ano okay ka lang?" Napansin siya ng kanyang nanay sa kanyang pagdaan sa harapan nito.   "O-okay lang po. Nanibago lang po ako sa paglalaro ng basketbol," nangingiting sagot naman ni Ricky at pagkatapos ay pumasok na siya sa CR. Napatingin naman siya sa salamin pagkatapos maghilamos. Napansin niya ang sugat sa mukha, sa kanyang kanang pisngi. May gasgas dito dahil sa laro kahapon.   "Napansin mo kaya ako Mika?" wika niya sa sarili habang dinadama ang sugat na iyon.   LUNES.   Normal na araw na naman ito para kay Ricky. Dire-diretso agad siya sa kanyang unang klase gaya ng kanyang ginagawa.   "P're! Wait!" Narinig iyon ni Ricky habang siya ay naglalakad at kilala na rin niya kung sino iyon.   "Pare! Pasabay na!" wika pa ng isa at ang mga kaibigan niya itong sina Roland.   "Ang galing mo p're, biruin mo, inalok kang sumali sa CU team ni Ibañez?" nasabi naman ni Andrei na nasa kaliwa ni Ricky.   "Oo nga, inalok ka! Ibig-sabihin, magaling ka," dagdag naman ni Roland na nasa kanan nito.   Napangiting-pilit na lang si Ricky.   "Wala namang magaling sa ginawa ko. Zero points nga," wika ni Ricky na may kaunting pagtawa.   "Alam mo kasi pare, hindi kasi sa pag-score ang nakita nila siguro," ani naman ni Mike na nasa kanan ni Roland.   "Ang depensa! Ang lupit mo pare! Biruin mo, nagawa mong depensahan ang isang Rio Umali?" wika ni Roland na may kasama pang pag-akbay sa kaibigan.   "Kahit na, baka, nagbibiro lang ang mga taga-CU na iyon," ani naman ni Ricky na hindi maniwala sa papuri ng mga kaibigan.   "Uy! Si Mika!" bulalas bigla ni Mike. Si Ricky tuloy ay nabigla at napatingin sa paligid.   Napatawa ang tatlong kaibigan ni Ricky nang makita ang reaksyon niya. Ang totoo'y wala naman talaga si Mika.   "Hanep kayo! Kinabahan ako..." natatawa na lang si Ricky matapos sabihin iyon. Pero, biglang may tumawag sa kanyang pangalan mula sa kanilang likuran nang mga sandaling iyon. Boses ito ng isang babae.   "Ricky!"   Tila may tumamang kidlat sa puso ni Ricky nang marinig iyon. Kilalang-kilala niya ang pinagmulan ng malumanay at magandang boses na iyon. Kinabahan tuloy siya at tila 'di makagalaw kaagad.   "Good morning!" nakangiting bati ni Mika sa apat habang nakatingin kay Ricky.   "Goodmorning Mika!" wika naman ng tatlong kaibigan ni Ricky na parang nakakita ng anghel nang mga oras na iyon.   "Pareng Ricky. Uuna na nga pala kami!" wika bigla ni Mike sabay tingin kina Roland at Andrei. Tila nagkaintindihan ang mga ito at nagmadaling umalis. Pipigilan pa nga sana ito ni Ricky, kaso huli na ang lahat at sila na lang ni Mika ang naiwan sa daanan.   Sa pakiramdam ni Ricky nang oras na iyon ay ang mga estudyanteng naglalakad sa paligid ay wala. Sa kanyang mga mata ay tanging sila lang ni Mika ang nakatayo rito. Sa paningin din niya, ang paligid ay napapaligiran ng mapupulang rosas at may mga nagliliparan pang mga magagandang paru-paro.   "G-goodmorning--"   "M-mika."   Huminga pa si Ricky nang malalim para ikalma ang sarili. Kaharap na naman niya ang dalaga. Isang ngiti rin ang kanyang ibinigay rito.   "Ang galing mo Ricky noong Saturday!"   "Hustle kung hustle! Bulagta kung bulagta!"   "Ang galing ng depensa mo sa star player nila!"   "Nakakatuwa kang panoorin... Hindi ka takot dumipensa. Hindi ka sumusuko sa paghabol sa bola."   Ang mga papuring iyon ay tila naging musika sa pandinig ni Ricky. Si Mika, ang babaeng gusto niya ay pinupuri siya. Ibig-sabihin, effective talaga ang naging pagsali niya sa team dahil napapansin na siya sa wakas ng dalagang matagal na niyang gusto.   Natawa na lang si Ricky at hindi makatingin sa dalaga.   "S-salamat. Kaso, zero points naman ako--"   "Mas gagalingan ko na lang sa sunod... susubukan kong makapuntos!" ani Ricky na parang nahiya sa dalaga dahil wala siyang ambag sa score.   "Sana makakuha ako ng points sa iyo Mika." Nasa isip din iyon ni Ricky nang mga oras na iyon.   "Ano ka ba? Ang trabaho mo ay depensahan si Umali... at you did it great!" puri ni Mika sa kanya.   "S-salamat. S-seryoso ka?" Hindi na malaman ni Ricky ang kanyang sasabihin at bilog na bilog na ang kanyang ulo nang marinig iyon.   "Oo! Mukha ba akong nagbibiro? Ikaw talaga!"   "Bye na muna! Baka ma-late ako sa first subject ko." Nagpaalam na si Mika at ngumiti pa ito sa kanya. Isang mahinang tapik din sa bisig ang ginawa ng dalaga kay Ricky.   Natameme naman si Ricky. Nilampasan na siya ni Mika pero bago pa man tuluyang makalayo ang dalaga ay tinawag niya pa ito.   "Mika!"   Kaya mo iyan Ricky! Huwag kang mahiya!   "Yes?" Nilingon siya ng dalaga habang nakangiti.   "Pwede ba kitang maging friend sa sss?" lakas-loob na itinanong ni Ricky sa dalaga.   Binalot ng kaba ang katawan ni Ricky dahil baka raw tumanggi ang dalaga. Baka ayaw raw nito. Baka may magalit or baka ayaw nito ng may kung sino na ia-add siya. Napakaraming pangamba ang bumalot sa isip ni Ricky ngunit...   "Oh sure!"   Sa sinabing iyon ni Mika ay naglaho ang lahat ng pangamba ni Ricky. Doon ay inilabas na ni Mika ang kanyang cellphone mula sa bulsa.   "R-ricky... Mendez..."   "Ikaw ba itong ang profile pic ay iyong jersey ng CISA?" tanong ni Mika na ipinakita pa kay Ricky ang kanyang phone.   Tumango na lang ang binata.   "Ako na ang mag-a-add sa iyo... Bye na muna!" Kinawayan pa siya ni Mika at nagmadali nang umalis.   Tila hindi naman makapaniwala si Ricky. Mabilis niyang kinuha ang kanyang cellphone sa bulsa na muntik pang mahulog dahil sa pagmamadali. Binuksan niya ang kanyang data at agad nag-open ng sss.   Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi sa nakita.   "Mika Mendoza..." wika niya sa sarili matapos i-accept ang friend request na iyon. Pagka-accept ay isang mabilisang pag-stalk ang agad na ginawa ng binata. Tila nagliwanag ang kanyang mga mata habang iniisa-isa ang mga uploaded pictures ng dalaga. May ilan pa nga rito ang i-s-in-ave niya sa kanyang phone.   Ngiting-ngiti si Ricky na tila tumama sa lotto. Ang buong araw niya nga ay naging masigla lalo dahil doon.   Ang kanyang pagsali sa varsity team ng CISA ay unti-unti na ngang nagbubunga. Ang kanyang dahilan sa pagsali rito ay tila nagkakatotoo na. Dahil kay Mika. Para mapansin ni Mika!   Naglakad na si Ricky para pumunta sa una niyang subject. Isinara na rin niya ang kanyang phone. Dahil sa friend request ni Mika ay may isang friend request siyang hindi napansin nang mga sandaling iyon.   *****   ANG araw ng pagsisimula ng CBL ay unti-unti nang lumalapit. May natitira na lamang na isang linggo bago ito opisyal na simulan. Gaya nga ng ginagawang routine ni Ricky tuwing umaga, nagja-jogging siya at nagpupush-ups ng 100 kada umaga. Tila hindi basketball ang kanyang pinapraktis. Gaya ng pinapagawa ng kanilang coach, nanatiling hindi siya natuturuan kung paano ang shooting at magandang dribbling. Pero ayos lang iyon para sa kanya dahil nakikita niya ang ginagawa ng kanyang mga kasama. Sa mga araw nga na lumilipas, kahit na lagi na siyang kasama sa team ay tila mag-isa pa rin siya. Hindi niya alam kung bakit wala pa siyang nagiging kaibigan sa team. Isa pa, madalas ay normal na usapan lang ang nangyayari sa kanya at sa ilang member nito.   Pero magkaganoon man, ayos lang iyon. Hindi niya masyadong kailangan na may makausap sa team dahil ang totoong dahilan lang naman niya sa pagsali ay para mapansin ni Mika. Isa pa, palagi ng may ngiti si Ricky sa kanyang labi tuwing papasok. Bakit?   "Magka-chat kami ni Mika," pagbubunyag ni Ricky sa kanyang mga kaibigan nang tanungin siya ng mga ito kung bakit parang ang saya nito palagi.   "Kaya naman pala! Ayos iyan pare! Yayain mong mamasyal. Ano... sa linggo! Bago mag-opening ang CBL sa Monday!"   "Oo nga! Yayain mo! Mukhang malalim mga usapan ninyo palagi ah... kaya pala madalas mo ng hawak ang cellphone mo."   Tuwang-tuwa sina Andrei sa mga sinasabi ni Ricky. Dahil sa wakas, dumada-moves na ang torpe nilang tropa.   "Puro about lang sa basketball. Sa mga paborito niyang players sa PBA at NBA ang topics namin..." ani Ricky na inamin ding wala siyang magawa kundi mag-research sa mga pangalang binabanggit ni Mika tuwing ka-chat niya ito.   "S-in-earch ko pa nga kung sino si Kobe Bryant, Michael Jordan, Lebron. Pati sina Jason Castro, Romeo, at kung sino-sino pa para may masabi ako." Napatawa na lang nga ang apat matapos iyon. Tila may mundong iba sila habang kumakain sa cafetiria ng school nang mga sandaling iyon.   "Sige... ita-try kong yayain si Mika sa Sunday..."   "Sana pumayag siya."   "Sana nga pare. Oo nga pala, busy rin iyon dahil siya ang cheerleader ng CISA. May practice." Biglang naalala ni Roland.   "Okay lang iyan. Diyan natin malalaman kung interesado rin siya sa iyo... kapag pumayag siya," ani Mike na uminom pa ng softdrinks pagkatapos.   Kinagabihan nga, mabilis na nag-online si Ricky. Doon na nga niya ch-in-at si Mika kung pwede silang mamasyal sa bayan sa darating na linggo.   "Sori Ricky, may prkts kz kami for Monday. Opening na ng CBL." At ito ang nakuhang sagot ni Ricky dahilan upang ma-down siya nang gabing iyon.   "Ok. Thanks. Goodluck. :))" Iyon naman ang reply ni Ricky sa dalaga at hindi na nagka-chat pa uli ang dalawa ng oras na iyon.   Naalala bigla ni Ricky ang sinabi ni Mike.   "Kung ganoon? Hindi siya interesado sa akin?" tanong ni Ricky sa sarili habang nakatingin sa bubong ng kanyang kwarto. Napatalukbong na nga lang siya ng kumot at natulog na tila na-basted kahit hindi naman.   KINABUKASAN, pagkatapos ng klase ay diretso kaagad si Ricky sa covered court ng school. Dali-dali rin siyang nagpalit ng pam-practice na damit.   Mahahalata sa itsura ni Ricky ang tamlay na hindi niya ipinahalata sa mga kaibigan. Hindi rin niya binanggit ang nangyari sa pagyaya niya kay Mika.   "Magandang hapon team! Siguro naman ay excited na kayo sa pagsisimula ng CBL sa Monday," wika ni Coach Erik sa mga players niya.   Nagbulungan nga ang kanyang mga players na nasa harapan niya. Si Romero ay napahigpit naman sa pagkakadakma sa bola. Habang si Alfante ay napatingin sandali sa kawalan, umaasa pa rin siya na bago siya gr-um-aduate ay makaranas siya ng kahit isang panalo.   Si Cunanan naman ay mas naging seryoso, ito na kasi ang kanyang hinihintay... Ang muling makapaglaro sa CBL. Isa pa, siguradong may playing time na siyang makukuha sa bago niyang team.   "Ipapakita ko sa inyo na mas gumaling pa ako!" sabi ni Cunanan sa sarili.   "Ricky? Okay ka lang?" tanong ni Coach Erik nang mapansing nakatulala ang binata.   "Hoy! Tinatanong ka ni Coach!" panggulat ni Cortez sa binata.   "Sorry Coach! Copy po!" mabilis na sagot ni Ricky dahilan upang mapatawa ang ilan sa mga kasama.   "Ihanda mo ang sarili mo Ricky. Ikaw ang papadepensahin ko sa star player ng una nating makakalaban sa Martes. Ipakita mo sa kanila ang ginawa mo kay Rio..."   "Sa pagkakataong ito, ilalagay kita sa Starting Five!"   Nabigla ang buong team nang marinig iyon. Si Ricky Mendez na isang baguhan ay maglalaro kaagad sa umpisa ng laro.   "Ikaw ang babantay sa star player ng unang team nating makakalaban, ang CLCC Dreamers!"   Nang marinig iyon ni Cunanan ay tila napahinga siya nang maluwag.   "Easy win... last year, isa lang ang naipanalo nila," kampanteng winika ni Cunanan.   "At CISA ang natalo nila," biglang sabi naman ni Alfante.   Doon ay naalala na lang ni Cunanan na nasa CISA nga pala siya, ang winless team ng CBL.   "Ano pa ang dapat ninyong ipangamba? Ngayong nandito na ako, makakaranas na ang school na ito ng pagkapanalo sa CBL!" pagyayabang ni Cunanan at mabilis nitong inagaw mula kay Romero ang bola. Pagkatapos makuha ay mula sa pwesto niya ay kanyang itinira ito papunta sa basket.   Swishhh!   Pasok na pasok ang tirang iyon ni Cunanan na sinabayan din ng tingin ng pang-aasar kay Romero pagkatapos.   "Mayabang..." sambit na lang ni Romero.   "Tama na iyan. Team tayo rito..." saway naman ng kanilang coach at agad nag-sorry ang dalawa rito.   "Isa lang ang lamang nila nang huli namin silang nakalaban, muntik na sana tayong manalo kung hindi lang naipasok ng Castillo na iyon ang three-point shot na iyon," wika ni Alfante na tila nainis nang maalala iyon. Iyon na sana ang pinakaaasam niyang panalo, kaso, nawala pa.   "Xander Castillo... kilala ko iyan," biglang sinabi ni Cunanan.   "Kakampi ko iyan sa inter-sitio sa barangay namin..."   "Mayabang din ang isang iyan... pero matinik sa court," dagdag pa nito na tila kilalang-kilala ang star player ng CLCC.   "Kaya Ricky, ang trabaho mo sa laban natin, depensahan mo si Castillo," seryosong winika ni Coach Erik na tila malaki ang tiwala sa baguhang si Ricky.   Napatingin na nga lang si Cunanan kay Ricky. Alam niyang magaling si Ricky sa pagdepensa, nakita niya iyon. Pero pagdating kay Castillo, tila iba ang pakiramdam niya sa planong ito ni coach.   "Coach, sa tingin ko, hindi kakayanin ni Mendez si Castillo..."   "Iba ang galawan ni Castillo. Si Rio, malaki. Pero si Castillo, halos kasing-tangkad lang siya ni Mendez-- at isa iyon sa dahilan kung bakit mahihirapan si Mendez."   "Isa si Xander Castillo sa mga mabibilis at magagaling na ball-handler sa CBL. Kaya 50-50 tayo kung ang tulad ni Mendez ang babantay rito..." wika ni Cunanan pero napangiti na lang si Coach Erik at tiningnan si Ricky.   "May tiwala ako kay Ricky."   "Hindi ba Ricky, gusto mong manalo? Doon mo iyon gawin. Pigilan mo ang opensa ni Xander Castillo!" seryosong sinabi ni Coach Erik habang nakatingin sa mga mata ng baguhang binatang si Mendez.   Gusto kong manalo dahil kay Mika. Gusto kong maglaro dahil kay Mika. Gusto kong mapansin niya ako kaya ako sumali rito!   Kaso.   Nasa isip pa rin ni Ricky ang pagtanggi ni Mika sa kanyang alok. Nasa isip pa rin niya ang sinabi ni Mike. Nawawalan tuloy siya ng gana at rason para maglaro dahil doon. Ilang araw na lang at magsisimula na ang CBL, tapos naging ganito pa siya.   Bago pa man si Ricky lamunin ng iniisip niyang iyon, bigla na lang may bolang tumama sa kanyang mukha. Dahilan nga iyon upang magising siya sa reyalidad.   Napatawa ang ilang member ng varsity nang batuhin ni Alfante ng bola si Ricky. Doon ay nilapitan nito ang binata at inakbayan.   "Gusto mong manalo?"   "Gusto ko rin..." idinagdag ni Alfante sa nauna niyang sinabi.   "Gusto kong bago ako grumaduate ay makaranas ako ng panalo habang nasa CISA pa ako."   "Maiipangako mo ba sa akin Ricky Mendez na dedepensahan mo ng mabuti si Castillo?"   "Kung ikaw ang magiging dahilan ng kauna-unahan kong panalo sa team na ito... Wala akong ibang gagawin kundi pagkatiwalaan ang isang tulad mo Mendez..."   Seryosong bumalik si Alfante sa pwesto nito at huminga nang malalim.   "Kayo ba mga kasama, gusto ba ninyong hindi tayo manalo? Gusto ba ninyong lagi tayong pinagtatawanan ng mga taga-ibang school?"   Napakuyom ng kamao si Alfante.   "Pwes ako hindi! Ito na ang huling taon ko rito. Aminado ako, hindi naging maganda ang game ko noong laban natin sa SW. Pero, ayaw ko ng maulit iyon--"   "Gusto kong manalo! Gusto kong manalo!"   Sa totoo lang, emosyonal sa loob-loob si Alfante. Naalala niya kung paano siya tawanan ng kanyang kapatid tuwing uuwing talo sa CBL. Naaalala rin niya ang pangungutya ng ibang school sa kanilang team. Sa loob ng halos apat na taon niya sa CISA, aminado siyang nalulungkot din siya tuwing uuwing talo... Pinipilit lang niyang ngumiti kahit kulelat.   Pero nang makita niya kung paano naglaro si Ricky noong practice game. Tila nagkaroon siya ng pag-asa. Hindi niya alam kung bakit, pero nang makita niya kung paano handang magkagalos at sugat si ito para lang mabawi ang bola... naisip niya bigla ang kulang sa team nila.   Ang hustle!   "Simula ngayon, gagayahin ko ang ginagawa mo Ricky..."   Napatingin si Alfante kay Ricky.   "Ricky, huwag mong isipin na kakampi mo lang kami rito sa varsity..."   "Pasensya ka na kung hindi ka namin gaanong pinapansin... sa totoo lang..."   "Gusto kong malaman mo p're na pwede mo kaming maging katropa at kaibigan dito."   Napangisi na lang si Romero nang marinig iyon. Kilala na niya si Alfante, palakaibigan ito at hindi na siya nagulat na marami itong nasabi sa isa sa kakampi nila.   "Hindi ba team?" ani Reynan sa kanyang mga kasama.   "Pare, mukha lang bully at pinagtatawanan ka namin pero ang totoo, magaling kang player... napanood namin iyon."   "Lalo na rin nang alukin ka nina Ibañez! Mas lalo kong naisip na hindi ka pwedeng mawala sa team..."   "Depensahan mo si Castillo, at kami ang bahala sa ibang bagay..."   Nagpatuloy pa ang sinasabi ni Reynan dahilan upang mainis na si Kier Cunanan na malapit dito.   "Tss... ang korni ninyo!" bulalas bigla ni Cunanan na napalayo na lang sa mga kasama. Doon ay pinagtawanan naman siya ng mga kasamahan niya.   "Masanay ka na! Ganyan talaga ang captain natin dito!" Tumawa pa ang ilan nang sabihin iyon ni Ramil Reyes.   "Korni na team captain!" Nagtawanan pa ang lahat.   "Mga sira-ulo!" tugon naman ni Alfante sa mga kasama habang natatawa.   Si Ricky, tila nahiya sa kanilang team captain matapos marinig iyon.   "Sorry sa inyong lahat..." nasabi na lang ni Ricky na nahihiyang tingnan ang mga kasama.   Hindi akalain ni Ricky na magi-guilty siya dahil doon. Puro siya Mika! Puro para kay Mika!   Nahiya siya dahil doon. Nahiya rin siya sa mga sinabi ni Alfante dahil sumali lang siya para sa sariling interes.   "Sige, ako nang bahala sa kung sino man ang Castillo na iyon..." seryosong sinabi ni Ricky at natawa ang mga kasamahan niya.   "Sinasabi ko na nga ba at hindi mo rin kilala si Castillo. Iyong Big 3 nga ng CU hindi rin... taga-CLCC pa kaya?" ani Troy Martinez at natawa pa nga ang mga kasama nito.   Napangiti na lang si Ricky nang mga oras na iyon. Pansamantala ring nawala ang kung anong dinadamdam niya dahil sa mga kasamahan nang mga sandaling iyon.   "Salamat sa inyo!" nakangiting wika ni Ricky.   "Tss. Ang korni ninyo! Coach uuwi na ako! Ayaw kong mahawaan ng kakornihan diyan. Lalo na ng team captain ninyo!" malakas na sabi ni Cunanan na nagmadaling umalis na pinagtawanan naman ng mga kasamahan.   Ang mga bagay namang iyon para kay Kier Cunanan ay mga eksenang ni minsan ay hindi niya nakita nang nasa CU pa siya.   Ang mga biruan at tawanan... na parang magkakatropa lamang.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작