Bola 15

2828
NGUMITI pa sa harapan ng salamin si Reynan (Alfante) habang pinagmamasdan ang suot niyang jersey. Sandali rin siyang napatingin sa munting altar sa loob ng kanyang silid at napadasal nang kaunti.   Ito na ang araw ng opening ng CBL... Ang huling CBL niya dahil pagkatapos ng season na ito ay graduate na siya. Isa lang naman ang hinihiling niya, ang makapanalo ng kahit isang laro sa tournament na ito. Ilang taon na nga ba? Ito na ang ikaapat niyang season, at ni isang panalo sa nakaraang tatlo ay wala silang nakuha.   Ano pa nga ba ang aasahan niya mula sa paaralang laging nahuhuli sa tournament na ito?   Isang katok mula sa pinto ng kanyang silid ang nagpabalik sa kanya sa reyalidad.   "Anak, sumabay ka na sa amin ni Rommel papuntang CU," wika ng kanyang ama. Doon na nga kinuha ni Reynan ang kanyang varsity jacket at sinuot iyon. Nakalagay sa likod noon ang dalawang salita.   "Team Captain."   "Sasabay na ako papa," wika ni Reynan na nagsuklay sandali ng buhok at kinuha na ang kanyang bag at lumabas na ng silid.   Sandali silang nagsulyapan ng kanyang kapatid na suot na rin ang varsity jacket ng CU. Napakalamig ng tinginang iyon at lumabas na sila papunta sa kotse ng ama. Humalik pa sila sa kanilang ina na binigyan ang dalawa ng matamis na "Goodluck."   Alam ng mga magulang nila na hindi na close ang magkapatid magmula nang pumasok sa magkaibang eskwelahan ang dalawa. Ngunit sa kabila noon, alam nila na mahal pa rin ng mga ito ang isa't isa.   "Good luck Rommel..." mahinang sabi ni Reynan sa kapatid na nasa likuran.   Ngumisi naman si Rommel. Nakiramdam naman ang ama ng dalawa sa magkapatid.   "Salamat... Manalo ka na kaya kuya sa huli mong season?" tanong ni Rommel na may hindi kagandahang tono.   "Galingan ninyong dalawa..." bigla namang sabi ng kanilang ama upang putulin ang malamig na atmospera sa loob ng sasakyan.   "Mananalo na kami ngayon... kahit isa..." seryosong sinabi ni Reynan na nagpangisi sa kanyang kapatid. Pagkatapos noon ay wala ng kahit ano pang salita ang lumabas mula sa bibig ng dalawa hanggang sa makarating ang sasakyan sa CU.   Samantala, maaga namang dumating sa CU si Macky (Romero). Nakaupo siya sa loob ng gym ng school katabi ang isa pang player na nakasuot ng dilaw na may asul na varsity jacket.   Marami-rami na rin ang mga manonood sa loob. Marami na ang mga taga-CU at may ilan na ring mga taga-ibang paaralan.   Nang mga oras na iyon, may mangilan-ngilang mga babaeng nag-aabang ng opening ang nakatingin sa kanila na tila kinikilig. Kahit galing sa ibang school ay sikat talaga ang player na ito. Hindi si Romero ang tinitingnan ng mga iyon, kundi ang katabi nitong si Reynold Martinez mula sa St. Anthony College.   "Reynold! Pa-picture!" bulalas ng isang grupo na unang naglakas ng loob na lumapit sa kanila. Hindi naman nga madamot si Reynold at pinagbigyan ang mga ito. Ganoon nga rin ang iba pang mga humabol.   Napangisi na nga lang si Macky. Tuwing kasama niya ang kaibigang ito ay tila hindi na siya nakikilala ng mga manonood. Pero sanay na si Macky sa ganitong sitwasyon dahil hindi naman niya gustong sumikat tulad ng katabi niyang ito.   "Mukhang wala pa si Ricky..." bulalas ni Reynold sa kaibigan. Si Macky naman ay tila nabibingi na dahil kagabi pa bukang-bibig ng kaibigan ang teamate niyang iyon.   "Mukhang may gugulatin kayo Bro ngayon ah..."   "Baguhan lang si Mendez, ni hindi nga ito maaasahan sa pag-score," tugon naman ni Macky.   "Kaya nga team sports ang basketball... ano’ng ginagawa mo bro?" pabiro pero may laman namang sagot ni Reynold.   Napangisi na lang si Macky. Nakuha niya ang pinupunto ng kaibigan, ang hindi lang niya maisip ay kung bakit ang dalawa sa magaling na player ng CBL ay pinahanga ng baguhang si Ricky.   "May kakaiba ba kay Mendez at pati ikaw ay parang galing na galing sa kanya?"   Napangiti si Reynold at tinapik nito ang balikat ng kaibigan.   "Panoorin mo Bro ang paglalaro niya at malalaman mo kung bakit." Tumayo na si Reynold nang makitang dumating na ang mga ka-teamate niya.   "Una na ako Bro... Goodluck!"   "Tss. Goodluck din sa laban ninyo sa CU! Ililibre mo ako kapag natalo kayo," nakangising wika ni Macky at natawa si Reynold.   "Sure! At treat mo kapag tinalo namin ang CU!"   Nagngisian pa ang dalawang magkaibigan at pagkatapos ay lumakad na si Reynold palayo.   "Macky Romero! Pa-picture!" Nabigla na lang si Macky nang may lalaking naka-lipstick ang nagsalita sa tabi niya. Napangiti na nga lang siya ng pilit habang kinukuhanan sila ng mga kaibigan pa nitong mga binabae.   "Ang tagal ninyo Reynan..." nasabi na lang ni Macky sa sarili habang ngumingiti ng peke katabi ang isang fan niya na binabae.   Nang mga oras na iyon, si Kier (Cunanan) naman ay naisipang puntahan ang kanyang mga naging kaklase rito nang nasa CU pa siya. Alam niya ang tambayan ng kanyang mga tropa. Sa rooftop ng isa sa mga school buildings sa CU.   Tila excited pa siya na umaakyat hanggang sa pagdating niya sa may pinto ay may narinig siyang tawanan.   "Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa isip ni Kier at sa bulok na team pa siya lumipat. Hindi na lang siya lumipat sa St. Anthony. O kaya sa FAST o sa SA..."   "Sa CISA pa talaga? Tsk... Sayang ang talent ng taong iyon..."   May isang tawanan uli siyang narinig.   "Masyadong dinamdam ang pagpapaalis sa kanya nina Ibañez..."   "Kawawa naman... mabuti na lang at wala na siya rito... Masyado kasing pasikat... Biruin mo, puro practice para mapansin..."   "E bangko lang naman..."   Napangisi na lang si Kier nang silipin kung sino ang mga iyon.   Ang kanyang mga kaklase dati sa CU. Mga katropa niya na madalas magpalibre sa kanya. Napakuyom na nga lang ng kamao si Kier at bumaba na lang uli.   Bumaba naman mula sa tricycle si Ricky. Naninibago siya dahil isa na nga talaga siyang varsity player. Napansin kaagad niya ang paligid. Ang dami ng mga naka-park na sasakyan sa parking space ng university at ang dami na ring pumapasok sa loob ng paaralan.   Bakit nga ba hindi sila sama-sama na pumunta ng CU? Iyon ay dahil ang inarkila nilang jeep ay nasiraan. Dahil doon, ay napagdesisyunan nila na magkanya-kanya na lang ng pagpunta sa CU.   "Nasaan na kaya ang mga iyon?" tanong ni Ricky na pumasok na sa loob ng school. Alam niya kung nasaan ang school gym. Hindi na rin siya maliligaw dahil ilang beses na rin siyang nakarating dito, lalo na noong high school siya.   Napupunta siya rito dahil sa mga academic competitions, ngunit sa pagkakataong ito... hindi na.   Habang naglalakad si Ricky ay may napansin siyang isang babae na naka-sibilyan ng suot at may ID lace ng CU. Hindi na nga siya nagdalawang-isip na tawagin ito.   Tila matagal na yata nang huli niya itong nakita.   "A-andrea!"   Napahinto sa paglakad ang babae at napatingin sa tumawag sa pangalan nito.   "Ri-ricky?" Bahagyang nagulat ang dalaga nang makita ang nakangiting si Ricky.   "Sina Andrei? Nandito na ba?" tanong ng binata na mabilis na nilapitan ang dalagang nakasuot ng simpleng black shirt at maong pants.   "A-ah... H-hindi ko alam. Maaga kasi ako... A-alam mo na..."   "Member ng school paper!" nakangiting wika ng dalaga na tila may kaunting hiya kay Ricky na 'di napapansin ng binata.   "Papunta ka na sa gym? Sabay na tayo! Nakaka-OP rito..." pabirong sabi ni Ricky.   "S-sige!" tugon ni Andrea na napangiti nang magsabay silang dalawa. Huminga pa ito ng malalim na tila humugot ng lakas ng loob.   "May kasalanan ka sa akin..." wika ng dalaga at doon ay natingin si Ricky sa kanya.   "A-ako? A-ano iyon?" Tila kinabahan si Ricky. Inisip niya kaagad kung ano iyon.   Napatawa si Andrea sa itsura ni Ricky at pasimpleng sinuntok ito sa bisig na tila wala lang.   "Sira! Hindi naman siya gaanong ka-important."   "Tamad ka sigurong mag-open ng Facebook."   "A-ano'ng problema sa f*******:?" Hindi pa rin maisip ni Ricky kung ano iyon.   "Wala!" Napatawa na lang si Andrea.   "Ini-add kita. Hindi mo naman ako in-accept. Famous ba you?!" Napatawa pa uli ang dalaga. Si Ricky ay agad namang napakuha sa kanyang cellphone na nasa kanyang bag.   Doon ay napatawa na lang nga ang binata. Nakita nga niya ang friend request ng dalaga at agad in-accept iyon.   "Sorry... Ngayon ko lang nakita..." Napangiting nahihiya tuloy si Ricky. Doon na nga rin nag-pop ang message ng dalaga sa kanya.   "Uy! May message ka!"   Doon na biglang pinamulahan si Andrea.   "H-huwag mo munang basahin!" bulalas ng dalaga pero huli na.   "Salamat... Gagalingan ko bukas. Tatandaan ko ang turo mo... Depensa! Depensa!" nakangiting wika ni Ricky na biglang nagpangiti at nagpabawas ng hiya ni Andrea.   "Good luck! Manonood ako ng game ninyo! Hapon pa naman iyon. Maabutan ko pa ang game!" wika ni Andrea habang nakatingin sa mata ng binata.   "Mananalo kami bukas! Manood ka lang!" Biglang nagyabang si Ricky at napatawa si Andrea.   "Sus! Let's see... Sure ka?"   "A-ahmmm. Oo! Mananalo kami!" wika ni Ricky na hindi maisip kung saan nakuha ang lakas ng loob sa paniniguradong iyon.   "Hmmm. Sige. If mananalo kayo... Treat kita! Game?" alok ni Andrea.   "If hindi naman... ako ang ililibre mo..."   Napatigil sa pagyayabang si Ricky. Napalunok siya ng laway at napatingin sa dalaga.   "S-sige..." Nangingiti na lang si Ricky habang iniisip ang kanyang nakatagong pera.   Maya-maya pa'y narating na nila ang gym. Doon na nga nagpaalam si Andrea habang si Ricky naman ay nakita na ang kanyang mga kasamahan at siya na lang pala ang hinihintay.   "Pre! Nandito kami!" sigaw ng isang lalaki kay Ricky. Si Roland iyon, kasama sina Andrei at Mike. Kasama rin nito ang ilang taga-CISA na karamihan ay mga fans ni Romero.   Nang lalapit na si Ricky sa kanyang mga kasamahan ay napansin niya ang mga babaeng nakasuot ng pang-cheerer na kasuotan. Pula at itim ang kulay noon. Napatitig nga si Ricky sa nasa unahan.   Si Mika.   Bumalik sa alaala niya ang pagtanggi nito sa alok niyang pamamasyal. Dahil tuloy doon ay tila nahiya na siyang tawagin ito. Naglakad na lang siya patungo sa mga kasama.   "Ricky!"   Napatingin si Ricky sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa kanyang pangalan. Papalapit ito sa kanya at napalunok siya ng laway. Doon na nga rin siya kinabahan.   "Ricky! Goodluck! Galingan mo bukas."   "Sorry if hindi kita ma-reply-an kaagad. Busy e. Practice!" ngiting-ngiting wika ng dalaga na tila malamig at magandang musika sa tainga ni Ricky.   "Nga pala... pwedeng next Sunday?"   "A-alin?" naitanong ni Ricky.   "'Di ba niyaya mo ako? Busy kasi ako kahapon... And maybe next Sunday ay available ako... Like mo?"   Tila nagliwanag ang madilim na kalangitan nang marinig iyon ni Ricky. Kasunod noon ay tila nagyelo ang binata sa narinig.   Panaginip ba ito?   "Sure! Sige! Next Sunday!"   May kalakasan iyon dahilan upang mapatingin ang mga kasamahan niya sa CISA at asarin sila.   "Nagliligawan pa kayo diyan! Pwesto na at magsisimula na ang ceremony," wika ng isa sa kakampi ni Ricky.   "Friends lang kami ni Ricky!" wika naman ni Mika.   "Oo nga, kaibagan ko lang siya..." dagdag ni Ricky at tinawanan siya ng mga kasama.   "Asus... Crush din namin si Mika pero hindi kami ganyang mag-usap."   "Sana all!" biro pa ng isa at natawa na lang ang lahat. Si Ricky, nahihiya na nga lang na pumwesto sa pila. Pasimple pa siyang sumulyap sa dalaga at ramdam niya ang labis na saya matapos ang pag-uusap na iyon.   "Hindi pala ako rejected! Yes!"   NAGSIMULA na ang opening ceremony ng CBL. Maraming estudyante mula sa iba't ibang schools ang nasa CU para panoorin ito. Lahat sila ay pumunta para magbigay ng suporta. Pumarada saglit ang lahat ng team kasama ang cheerers nila. Pagkatapos ay ipinakilala ang bawat koponan at ang lahat ng team captains ay nilagyan ng apoy ang torch ng tournament.   Nagbigay rin ng mensahe ang mayor ng lungsod at pagkatapos ay pormal na ngang magsisimula ang CBL! Nagsipalakpakan ang lahat. Kasabay rin niyon ay ang kanya-kanyang cheer ng mga manonood.   "Ganito pala ang pakiramdam sa CBL. Ang daming manonood!" sambit ni Ricky sa sarili na ang lakas ng kabog ng dibdib. Pagkatapos ay nagsialisan na ang lahat sa loob ng court at ang dalawang team na lang na maglalaban ang natira.   Ang CU Ballers at ang SA Thunder! Calapan University laban sa St. Anthony College! Ang dalawang pinakamalakas na team!   Dumadagundong na nga ang malalaking tambol na gamit ng mga manonood na sumusuporta sa dalawang team. Palakasan sila ng sigaw at suporta. Parehong ngang ayaw magpatalo. Maging ang mga cheerers ay ganoon din na pagalingan din sa pagsayaw sa gilid ng court na naging dahilan para maghiyawan lalo ang audience.   Nakaupo sa harapan ng mga taga-suporta ng CISA sina Ricky. Napagpasyahan nila na manood ng game. Tanging sina Kier at Macky lang ang nagsabing aalis na para mag-practice. Tila hindi interesado ang dalawa sa magiging laban. Isang laban na inaabangan naman ng marami!   Napahiyaw ang mga taga-SA nang hawakan na ni Reynold Martinez ang bola. Simpleng dribbling lang sabay tira at pumasok iyon. Sinambot naman iyon ng kanilang Center na si Lester Ocampo. Isang 6'11 ito. Doon ay ipinasa nito ang bola sa kanilang Small Forward na si Mike Coloma (6'0). Pagkatapos ay nagpakita ito ng mabilis na dribbling at dinepensahan ng isa sa mga kakampi.   Tumakbo ito pakaliwa. Pinatalbog nito ang bola nang mabilis. Sinundan naman siya ng bumabantay sa kanya. Doon ay nagngisian ang dalawa. Gumalaw pakanan ang katawan ni Coloma, ngunit bigla itong pumihit pakaliwa na nagpa-wow sa mga manonood. Kasabay niyon ay pinadaan nito ang dribbling sa kanyang likuran.   Ang bilis noon! Hindi iyon nasundan ng defender at pagkatapos ay isang magandang lay-up ang kanyang binitawan.   Ang tatlong ito! Sila ang tinaguriang Big 3 ng SA Thunder!   Sa kabilang team naman na CU. Tila wala lang sa kanila ang mga nangyayari sa kabilang koponan. Isa lang naman kasi ang hinihintay nila. Iyon ay ang pagsisimula ng laban.   Sa pagtunog ng buzzer ay siyang pagpwesto ng magkabilang grupo sa gitna. Doon ay nagkamayan ang lahat pati ang mga coaches. Pinangako nilang magiging malinis ang laban.   Doon ay pumwesto na nga ang dalawang sentro ng magkalabang team. Si Arjay McHenry ang sa CU, isang half-Filipino, half American at may taas na 6'10.   "Goodluck bro..." bati pa nito sa katapat na si Lester Ocampo.   "Tss. Thank You..." tugon ni Ocampo.   Doon na nga tumunog ang silbato ng referee. Ibinato nito paitaas ang bola at hudyat iyon na magsisimula na ang game.   Sabay na tumalon ang dalawa. Pareho silang mataas tumalon ngunit namayani ang foreign legs ng taga-CU at tinapik nito ang bola patungo sa kakampi.   Doon ay nasambot iyon ni Rommel Alfante (6'2). Binatayan kaagad ito ni Martinez (6'4).   Kalmado lang ang atmospera sa loob ng court nang biglang ibato ni Alfante ang bola pataas. Papunta iyon sa basket nila.   Doon na nga napakalampag ang mga taga-CU. Nakita ng lahat ang tumakbong si Ibañez (6'7). Mabilis na bumaba ang mga taga-SA ngunit huli na sila.   Habang nasa ere pa ang bola ay doon na nga tumalon nang mataas si Ibañez. Isang perpektong pasa iyon mula kay Alfante at eksaktong-eksakto sa talon ni Ibañez.   Napatayo ang mga manonood nang makita ang tila lumipad na si Ibañez. Pagkasambot nito sa bola ay buong lakas niya iyong hinawakan at pagkatapos... Isang tira ang kanyang ginawa na nagpahiyaw sa kanilang mga taga-suporta.   Isang slam-dunk! Isang alley-hoop dunk mula sa kanilang Point Guard na nasa kabila pang side ng court.   Nayanig ang buong basket at board sa ginawang iyon ni Ibañez. Bumitin pa ito sa basket bago bumaba sa court. Doon na nga rin dumagundong ang malalakas ba tunog ng tambol ng CU.   Ang mga taga-SA ay napangisi na lang. Simula pa lang, pero ipinakita kaagad ni Ibañez kung bakit siya ang pinakamagaling sa CBL.   2-0.   Pagkatapos noon ay naglakad si Ibañez papunta sa direksyon nina Ricky. Doon ay biglang huminto ito, sa harapan ng isa sa mga cheerer ng CISA na nanonood.   "Para sa iyo ang dunk na iyon Mika!"   Napangiti na lang ang dalaga at ang buong taga-CU ay napahiyaw sa tuwa. Suportado nila ang kanilang star player sa gagawin nito. Lalo na nga sa panliligaw nito kay Mika Mendoza na ilang linggo pa lang nitong sinisimulan.   "Nililigawan na nga pala ni Ibañez si Mika..." sabi ng isa sa mga kasama ni Ricky. Kasunod noon ay napatingin ang mga ito sa binata.   "Mabigat ang karibal mo pre," wika naman ni Mike sa likod ng kaibigan.   Doon ay napatayo na lang si Ricky at napakuyom ng kanyang kamao.   "Uuna na ako..."   "Coach... babalik na po ako ng school para mag-practice..."   Hindi maintindihan ni Ricky, pero nang sandaling iyon. Tila sasabog siya. Wala siyang maisip na paraan para matalo ang kanyang bagong nakilalang karibal.   "Ano'ng laban ko sa Ibañez na iyon?"   Kung pagdating sa basketball, alam ni Ricky na talong-talo siya. Paano pa kaya kay Mika na alam niyang fan ng larong ito? Napasakay na nga lang siya ng tricycle na tila bumagsak ang kompyansa.   Bumagsak nang malamang ang karibal niya ay ang pinakamagaling player sa CBL.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작