Bola 2

1676
KINABUKASAN, hawak-hawak ni Ricky ang isang papel na xerox ang sulat. Nakalagay roon na sa darating na linggo ay may try-out na magaganap sa school para humanap ng mga players na idaragdag sa kulang na team ng basketbol team ng paaralan. Apat na araw pa bago iyon mangyari at kahapon lang siya nagdesisyon na sasali siya rito.   Si Ricky na ni minsan, simula pa noong elementary ito ay wala pang sports na nasalihan.   "Seryoso ka Ricky!?" tanong ni Andrei sa kaibigan. Hindi kasi sila makapaniwala sa narinig nila mula rito. Natatawa pa nga niyang hinipo ang noo ng kaibigan gamit ang kanang palad.   "May sakit ka ba?" Natatawa pa ito matapos idugtong iyon sa nauna niyang tanong.   Tumingin naman sa kawalan si Ricky. Naalala niya na lang bigla ang sinabi ni Mika kahapon sa may gilid ng school court.   "Gustong-gusto ko talagang manood ng basketball... dati pa. Okay na okay kung isang varsity player ang magiging boyfriend ko kasi, pareho kami ng gustong sports..."   Ibig-sabihin daw niyon, kapag naging player siya ng varsity ay may chance na magkakilala sila ni Mika at baka magustuhan pa siya nito. Kapag nangyari raw iyon... Posibleng si Mika ay maging girlfriend niya kasi, mahilig din siyang maglaro ng basketbol.   "Hoy!" panggugulat naman ni Mike kay Ricky dahilan upang tila bumalik ito sa reyalidad.   "Magta-try-out ka? E imposibleng mapili ka. Ano'ng alam mo sa basketbol?" dagdag pa ni Mike at napatawa pa ito.   "Kaya nga mamaya ay turuan ninyo akong mag-basketbol," seryosong sabi ni Ricky na makikita sa mga mata na desidido nga talaga ito sa binabalak.   "Kailangan kong mapili..."   "Para mapansin... hindi... para makilala ako ni Mika." Napangiti pa si Ricky na lumabas pa sa imaginations niya ang mukha ng dalaga. Siya rin namang pagtawa sa kanya ng tatlong kaibigan.   "Walang 'ya ka pare," wika ni Roland.   "Si Mika na naman? Ano'ng kinalaman niya sa pagta-tryout mo?" dagdag pa nito.   Ngumiti si Ricky.   "Dahil mahilig siyang manood ng basketbol. At sinabi pa niya na gusto raw niyang maging boyfriend ay basketbol player!" masiglang kwento ni Ricky na nagpailing na nga lamang sa mga kaibigan niya.   "Posibleng makilala na niya ako sa wakas!"   Napakamot na lamang sa ulo ang tatlo nang marinig iyon. Ramdam nila ang fighting spirit ng kaibigan... kahit ang totoo'y hindi nila maisip kung paano ito mapipili sa try-outS.   "Ano? Tutulungan ba ninyo ako? Dribbling at shooting lang naman iyon... Kayang-kaya ko iyon,"  dagdag pa ni Ricky at napa-oo na lamang ang mga kaibigan niya.   "Oo na! Mamaya, tara sa bahay. Tuturuan ka namin," wika ni Andrei. Sa magkakaibigan ay ito ang pinaka-may kaya. May kalakihan ang bahay nito at may halfcourt na mapaglalaruan ng basketbol sa mga ito.   KINAHAPUNAN, pagkatapos ng klase ay diretso kaagad sila sa bahay ni Andrei. Sakay sila sa kotse na service nito kapag pumapasok. Tuwang-tuwa nga sina Ricky dahil nakasakay na uli sila sa four-wheels. Isa pa, aircon doon kumpara sa tricycle at jip na nasasakyan nila kapag bumabyahe.   Nasa isip din nila na siguradong may meryendang masarap na ihahanda ang kaibigang si Andrei pagdating sa bahay ng mga ito.   Mga ilang minutong byahe pa ang nagdaan hanggang sa huminto matapos lumiko ng sasakyan sa isang kanto. Nasa harapan na nila ang isang pulang gate. Bumusina ang driver hanggang sa bumukas na nga ang gate makalipas ang ilang segundo.   "P're, huwag mong kakalimutan ang meryenda ah," wika ni Roland na tinapik pa sa balikat si Andrei.   "Oo, kaninang tanghali ko pa t-in-ext si Yaya. Sinabi kong may bisita ako ngayong hapon," wika ni Andrei at pagkatapos ay nagsibabaan na sila mula sa loob ng sasakyan.   Isang bahay na bato na napipinturahan ng itim at pula ang dingding ang makikita. Sa harapan noon ay may isang hindi kalawakang bermuda. Hindi naman iyon ang unang beses na nakarating sila sa bahay ni Andrei at sa totoo’y may mga araw na dito sila tumatambay. Pagpasok nga nila sa loob ay tumambad na naman sa kanila ang makintab na sahig na tiles ng bahay ng kanilang kaibigan.   "P're, wait lang. Magtatanggal lang ako ng shoes ko," wika ni Roland na mabilis na yumuko para tanggalin ang sapatos mula sa paa.   "Ako rin..." wika rin naman nina Ricky at Mike.   "H'wag na! Para kayong others. Mga gago!" sinabi ni Andrei pero, naghubad pa rin ng sapatos ang tatlo sa pagtapak sa makintab na sahig.   "Sige na nga... doon muna kayo sa salas. Magpapalit lang ako." Umakyat na si Andrei papunta sa kwarto nito na nasa second floor ng bahay nila.   Narinig nina Ricky na bukas ang malapad at malaking flat screen TV ng kaibigan. Pagdating nila sa salas ay napatigil sila nang makitang may nanonood pala. Naroon pala ang ate ni Andrei na nakaupo habang kumakain ng tsitsirya. Nanonood ito ng K-drama na hindi naman nila trip.   "A-ate... H-hi! H-hello!" nauutal na pagbati nina Roland at Mike. Crush kasi ng dalawa ang ate ni Andrei. Kaya nga medyo nahiya sila nang makita ito.   Nginitian naman ni Ricky ang dalaga matapos magkatinginan nang sandali ang dalawa.   "Upo kayo! 'Wag kayong mahiya," wika ni Andrea bago isubo ang potato chips na nasa kamay. Tutok na tutok nga rin ito sa panonood ng TV habang sinasabi iyon.   "T-thanks a-ate..." sabay na sabi nina Roland at Mike. May kalokohan pa nga ang dalawa na pasimpleng sumulyap sa maputing legs ni Andrea na sinundan ng kaunting pagsagi sa isa't isa. Napansin ni Ricky ang ginawa ng dalawa at natawa na lang ito sa isip.   "A-ano'ng meron?" biglang tanong ni Andrea sa tatlo pero nakatitig pa rin ito sa pinapanood.   "A-ano kasi ate. T-tuturuan lang namin si Ricky na mag-basketbol. Magta-tryout daw siya sa varsity ng CISA sa Sunday," nangingiting sagot ni Roland.   Doon ay biglang nabaling ang atensyon si Andrea kay Ricky. Kilala na niya ang mga kaibigan ng kapatid. Alam din niya na maloko ang mga ito, maliban kay Ricky. Alam niyang ito ang pinakamatalino sa magkakaibigan. Pero ang pagsali sa varsity team ay ni minsan ay hindi niya maisip na gagawin nito.   "S-seryoso ka?" tanong ni Andrea kay Ricky habang nakatingin sa mga mata nito.   "O-opo 'te..." tugon ni Ricky na napapangiti na lamang dahil nahihiya siya sa tanong ng kapatid ng kanyang kaibigan.   "Hmmm... 'Di ma-absorb ng utak ko na susubukan mo iyan. Kung mapipili ka. May chance na mapanood kita," wika ni Andrea.   Ang ate ni Andrei ay sa Calapan University nag-aaral. Isang 3rd year student at isa ring sports writer ng school publication doon. Madalas ay palagi siyang nasa laro ng CBL sa loob ng 3 years. Isa rin siyang malaking fan ng larong ito. Isa pa, naglalaro rin siya ng basketbol.   "Gusto ko talaga a-ateng makapasok..." natatawang tugon ni Ricky.   "So... Goodluck sa iyo Ricky Mendez. Pero gaya ng palaging nangyayari, kami pa rin ang laging champion!" wika ni Andrea na may kaunting pagmamalaki.   Wala naman sa isip ni Ricky ang mag-champion. Ang dahilan lang niya sa pagsali ay para mapansin ni Mika. Pero bigla siyang napaisip.   Ano kaya ang pakiramdam ng maging champion?   Maya-maya pa'y dumating na nga ang meryenda ng tatlo. Dala-dala iyon ng yaya nina Andrei. May isang pitsel ng malamig na orange juice na may kasamang isang bowl ng fries at loaf bread na pinalamanan ng chocolate spread iyon.   "Sarap nito!" isip-isip ng tatlo na nagutom kaagad nang makita iyon.   Pagkatapos nilang magmeryenda at kaunting kwentuhan ng mga magkakaibigan ay nagpunta na sila sa court sa likod ng bahay. May dalang shorts si Ricky kaya agad nga siyang nagpalit. Hinubad na lang din niya ang kanyang polo at itinira ang puting sando niyang pang-ilalim. Nanghiram na lang din siya ng tsinelas kay Andrei dahil hindi pwede ang leather shoes niya.   Kinuha na nga ni Andrei ang bola. Pinatalbog niya iyon at pagkatapos ay nagyabang ito ng mga magagandang galawan sa harapan ni Roland.   Si Roland naman ay agad dumipensa at seryosong binantayan si Andrei. Sinubukan pa nga nitong agawin ang bola sa pamamagitan ng mga biglaang pagsundot dito. Pero mautak si Andrei. Mabilis nitong iniiba ang direksyon ng kanyang dribbling.   Pinatalbog ni Andrei ang bola sa pagitan ng kanyang hita. Sabay, sinundan niya iyon nang isang mabilis na pag-atras. Dahilan iyon upang maiwanan ang depensa ni Roland. Nakatalon pa nga ito para gumawa ng block. Pero huli na rin iyon at isang jumpshot ang binitawan ni Andrei. Nakataas pa ang kamay nito pagkatapos dahil kampante itong papasok ang tirang iyon.   Napatawa sila, maging si Andrea na nasa isang tabi ay ganoon din. Nakatayo ito roon at pasimpleng nanonood sa apat.   Hindi umabot sa ring ang jumpshot ni Andrei. Kinapos iyon.   "Ang bano mo Andriano!" sigaw ng ate sa kapatid na may halo pang tawa sa kapatid.   "Ang yabang mo ate!" sigaw naman ni Andrei at mabilis na kinuha ang tumatalbog na bola. Sabay, sinundan niya iyon ng malakas na pagpasa sa kanyang ate.   Walang kahirap-hirap na sinambot naman iyon ni Andrea. Seryoso niyang pinagmasdan ang ring matapos iyon. Tila sinipat at sinukat niya ang layo niya mula roon. Pagkatapos ay sinundan niya iyon ng pagtalon sa ere. Nang maramdaman niyang nasa taas na siya ay siyang pagbitaw niya sa bola. Binitawan niya ang isang hindi kalayuang jumpshot.   Umarko ang bola pataas at bumagsak ito sa gitna ng ring. Pumasok iyon na ikinabigla ng apat.   "Wow! Ang galing!" bulalas ng magkakaibigan maliban kay Andrei.   "Shooter si ate..." dagdag pa ni Mike.   Si Andrei naman ay kinuha kaagad ang bola at ipinasa kay Ricky na muntik pang sa mukha tumama kung nagkamali sa pagsalo ito.   "P're itira mo na!" wika ni Andrei.   Sinipat din nga ni Ricky ang ring. Katulad ito ng ginawa ng ate ni Andrei. Pagkatapos noon ay tumalon na rin siya paitaas. Binitawan niya ang bola sa ere at umarko iyon sa hangin.   "Ito ang basketbol... na gusto mong mapanood, Mika."   Nakaabang naman ang tatlo niyang mga kaibigan para sa rebound. Nasa ilalim lang sila ng basket matapos ang jumpshot ni Ricky. Tila papasok ang bolang binitawan ni Ricky kung pagmamasdan... Pero sa mukha iyon ni Roland dumiretso, dahilan para magtawanan sila, kasama na si Andrea.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작