Bola 6

3134
HINDI makapaniwala si Ricky nang mabasa niya ang kanyang pangalan sa bulletin board ng school nang ito ay kanyang puntahan. Ang inakala niyang imposible, ay nangyari na nga. Siya na wala talagang experience sa paglalaro nito ay isa na ngang varsity player ng kanilang paaralan at sa darating na CBL ay kasama siya.   "Congrats p're! Lupet mo!" winika ni Andrei na kasama siya nang oras na iyon.   "Tapos, nakipagkilala pa siya kay Mika... Ayiehhh..." wika naman ni Mike sa kaibigan na binunggo-bunggo pa ito gamit ang balikat. Nagtawanan tuloy ang tatlong kaibigan ni Ricky dahil doon.   "So, pare, mukhang pupunta ka mamaya sa court after ng classes natin?" wika naman ni Roland.   "Ganoon na nga... Hindi ako makapaniwala mga pare! Nakapasok nga ako! Yes!" Tila nang sandaling iyon lamang na-absorb ni Ricky na siya talaga ay napili.   "So paano ba iyan? Ililibre mo kami?" natatawang tanong ng tatlo.   Napangiting-ewan naman si Ricky. Gaya ng dati, nagtitipid ang binata.   "Bibili ako ng sapatos sa linggo. Sapatos na panlaro!" wika ni Ricky sa mga kaibigan niya.   "Uy! Pasama kami!" bulalas ng tatlo, kaso, tila sinadya ng pagkakataon... naalala ng mga ito na may mga kanya-kanyang lakad sila nang araw na iyon.   "Saturday p're?" tanong ni Andrei na kung sa ganoong araw ay masasamahan niya ang kaibigan.   "Parang hindi pwede, alam ko, may practice ang team every Saturday. Iyon ang narinig ko dati..." sagot naman ni Ricky na hindi sigurado pero pakiramdam niya ay tama.   "Ay oo nga! Halos sa ibang schools din... nasabi dati ni ate," iyon naman ang naisagot ni Andrei nang mga sandaling iyon.   "Kaya ko na naman p're. Hindi naman ako mapili sa sapatos," natatawang sagot ni Ricky. Kaso, duda ang tatlo kasi, ni minsan naman ay hindi maka-sports ang binata.   PAGKATAPOS ng huling klase noong hapon ay diretso kaagad si Ricky sa court ng school. Malayo pa lamang siya ay naririnig na kaagad niya ang talbog ng bola. May mangilan-ngilan ding nanonood doon. May ilang naka-uniform pa nga ang nasa kabilang side at nag-aagawan ng bola, pagkatapos ay titira mula sa malayo. Minsan ay nagkakayabangan din sila pa sasalaksak sa ilalim.   Nang makarating si Ricky sa court ay tila may kung ano naman ang nagaganap sa kabilang side, sa mga players ng varsity. Kilala niya ang may hawak ng bola, si Kier iyon. Ang kasama niyang try-outees na nakapasok din tulad niya. Syempre, inaasahan na rin naman niya iyon dahil maganda ang ipinakita nito.   "Macky Romero! Hinahamon kita ng one-on-one!" bulalas ni Kier at narinig iyon ng halos lahat dahilan upang mapatingin sila rito. Wala pa noon si Reynan na captain ng team at si Coach Erik. Hindi pa rin sila kompleto noon at ang ilan sa mga varsity players ay inudyukan pa si Romero.   "Pare! Subukan mo nga... alam ko, back-up iyan sa dating school niya... at alam kong malakas ang isang iyan. Galing siyang CU. Napanood ko rin iyan nang try-out," wika ng player na iyon.   "Ganoon ba? Sige, go ako!" kalmadong sagot ni Romero na nakuha pang tingnan si Kier Cunanan. Syempre, kilala niya naman talaga kung sino ito dahil nakalaban na nila ito.   "Kapag natalo kita Romero... Gusto kong ako ang maging starting SG sa ating dalawa. Okay ba sa iyo iyon?" nakangising tanong ni Cunanan na kompyansang matatalo niya ito.   "Tss... Sige ba..." pagkasagot ni Romero ay seryoso niyang pinagmasdan ang humahamon sa kanya.   Ang mga nasa court ay napalabas na rin mula sa loob. Seryoso na nilang hinintay ang mangyayaring laban.   "Go Bebe Romero!" bulalas ng isang maliit na grupo ng pinaghalong babae at binabae. Sila ang hindi nawawala sa bawat practice at game ni Macky Romero.   "Unang maka-score ng 11?" sambit ni Cunanan at pagngisi naman ang isinagot ni Romero. Narinig na nga sa buong court ang pagtalbog ng bola.   Dumipensa kaagad si Romero habang si Cunanan ay binabaan ang dribbling. Pinatalbog niya ito nang mabilis at pagkatapos ay pinadaan sa pagitan ng dalawa niyang binti.   Iniiba ni Cunanan ang direksyon ng talbog ng bola upang hindi ito mabasa ni Romero.   Ngumisi na nga si Cunanan. Kasunod noon ay tumakbo siya sa kaliwa ng kanyang defender. Sumunod si Romero sa kanya. Alalay lang naman iti sa pagdepensa dahil baka biglang mag-crossover ang binabantayan niya.   Isang biglang tingin ang ginawa ni Cunanan sa bumabantay sa kanya. Pinatalbog nga niya pakaliwa ang bola at sumunod naman si Romero sa kanya.   "Huli ka..." sambit ni Cunanan at kasunod noon ay mabilis siyang nag-drive ng bola sa kanang bahagi ng defender niya.   Nakalusot si Cunanan dahil sa semi-fake dribbling na ginawa niya. Nilampasan na niya si Romero. Kampante siya sa ginawang iyon, ngunit nang pinatalbog niya ang bola ay hangin na lang ang kanyang nahawakan.   Napalingon siya sa likuran nang makarinig ng pagtalbog ng bola. Hindi niya napansin ang mabilis na kamay ni Romero na biglang sinundot pabalik ang bola bago pa man ito tumama sa kanyang kamay.   Steal!   "Ako naman..." sambit ni Romero at nagtilian ang mga fans nito dahil sa steal na ginawa niya.   Tumakbo si Romero pakaliwa at sumunod kaagad ang bahagyang nainis na si Cunanan. Kasunod noon ay hinila ni Romero ang dribbling pakaliwa.   "Alam ko na 'yan..." nakangising sambit ni Cunanan. Alam niyang ko-cross-over ito kaya iniharang niya ang kanyang katawan pakanan.   Ang huling nakita na nga lang ni Cunanan ay ang kaunting pagngisi sa kanya ni Romero. Dire-diretso lang ito patungo sa ring. Walang cross-over na naganap nang oras na iyon. Pinagmukha lang ni Romero na siya ay ko-crossover para linlangin ang kalaban.   Isang magandang tunog ng nahalit na net ang narinig ng lahat dahil sa paglampas ng bola rito matapos ang libreng lay-up na ginawa ni Romero. Awtomatiko ring nag-tilian ang mga fans niya dahil doon.   "One... Zero..." wika ni Romero at inihanda na niya kaagad ang sarili para sa depensa.   "Hindi mo na ako maiisahan..." sambit ni Cunanan at isang mabilis na jumpshot ang biglang binitawan niya.   Isang napakagandang tunog ng net na nahalit ang narinig din sa buong court matapos pumasok iyon. Ngumisi pa si Cunanan sa kalaban pagkatapos noon.   "Hindi na masama..." sambit ni Romero at nasa kanya na muli ang bola. Pinatalbog niya ito nang mabilis. Katulad ng ginawa ni Cunanan, isang mabilis na jumpshot ang kanya ring ginawa.   "Hindi mo ako maiisahan..." sambit ni Cunanan na tumalon para i-block ang tira. Pero nagulat siya dahil hindi pa pala umaangat ang paa ni Romero.   Nginisian siya ni Romero nang makita ang pagkagat niya roon. Doon ay tumalon ito at bumangga ang katawan kay Cunanan na nasa ere.   Kung may foul ay matatawagan sana si Cunanan. Bumagsak nga sa sahig sa Kier at pinagmasdan siya ng nakatayong si Romero kasunod ng pagpasok ng tira nito.   "Pinagbigyan lang kita..." kampanteng sambit ni Romero na bahagyang ikinainis ni Cunanan.   Nagpatuloy ang laro hanggang sa 10-5 na ang score. Tuwang-tuwa ang mga fans ni Romero dahil isang shoot na lang at panalo na ito. Si Kier naman ay tagaktak na ang pawis at hinihingal dahil sa pagod. Isa pa, na kay Romero pa ang bola nang oras na iyon.   "Tatapusin ko na ito..." sambit ni Romero. Doon ay sumugod siya sa basket. Sinabayan siya ni Cunanan at sabay silang tumalon sa ere.   "Hin...di ka makakalusot!" sambit ni Cunanan. Iniharang agad niya ang kanyang kamay sa bolang nasa kanang kamay ni Romero.   Kampate namang ngumisi si Romero. Doon ay mabilis niyang iginalaw ang kanyang kanang kamay habang nasa ere at inilipat sa kaliwang kamay ang bola.   Napa-wow ang mga manonood nang makita iyon. Maging si Cunanan ay nabigla rin, at huli na nga dahil gamit ang kaliwang kamay ay ipinasok ni Romero ang bola sa basket.   Bumagsak si Cunanan at si Romero ay nakatayo naman matapos iyon. Ilang segundo nitong pinagmasdan ang natalong kalaban at pagkatapos naglakad na siya papunta sa kanyang gamit upang uminom at punasan ang pawis sa katawan.   "Lupit talaga ni Romero."   "Ang star player ng team."   Si Ricky naman ay natulala na lang sa napanood. Siya na walang kaalam-alam kundi dribbling ay magiging kakampi ang magaling na players na sina Romero at Cunanan.   "Siguradong bangko ako sa team," natatawa na lang siya sa sarili. Doon ay napatingin siya kay Kier na halatang pagod na pagod sa nangyari dahil hindi pa ito tumatayo mula sa pagkakaupo sa sahig ng court.   Nilapitan kaagad ni Ricky ang binata.   "P're! A-ang galing ninyo... Talented talaga kayo," wika ni Ricky sa binata. Alam niya ang kaibahan niya sa mga ito. Ang kaibahan ng magaling maglaro, sa tulad niyang sumubok lang.   "Tss..." Tumayo na si Kier at tinalikuran si Ricky. Dumiretso na rin ito sa kanyang gamit para uminom ng tubig at para punasan ang katawan niyang pawisan.   Ito ang unang araw ng practice ni Ricky. Ipinakilala siya sa mga players at mukhang kay Kier lang interesado ang mga kasama niya. Hindi rin siya pinasali ng coach sa laro sa loob ng court, bagkus ay nasa tabi lang siya habang nagdi-dribble ng bola.   "Pasensya ka na Ricky, dahil sinabi mong ngayon ka lang nakaranas ng tunay na paglalaro. Basics ka muna," sabi sa kanya ni Coach Erik at alam ni Ricky na mabait ito.   Napatango na lamang nga siya habang nasa tabi ng court.   "Para kay Mika!" Ito na lang ang nasabi niya sa sarili para lumakas ang loob. Napansin nga niyang may ilang mga nanonood na pinagtatawanan siya kaya parang nahiya siya sa ginagawa nang sandaling iyon.   Ang araw ay lumipas at dumating na nga ang araw ng Linggo.   Ramdam pa ni Ricky ang p*******t ng kanyang katawan dahil sa tuwing hapon na praktis. Minsan nga ay pinapatakbo lang siya ng kanilang coach. Minsan naman ay dribbling. Tuwing umaga nga ay gumigising din siya nang maaga para mag-jogging.   "Palakasin mo ang stamina mo," wika ni Coach sa kanya. Naisip niya namang tama iyon, kasi, hindi naman talaga siya sanay maglaro nang matagal. Medyo dumami na rin ang kanyang kain sa bahay dahil sa pagod pagkauwi sa hapon. Ni hindi pa nga alam ng magulang niya na isa siyang varsity player sa school.   Ang kabilib-bilib pa kay Ricky, hindi niya pinapabayaan ang kanyang pag-aaral. Nananatili pa rin siyang nangunguna sa klase sa mga exams at quizzes.   "Okay na siguro ito," wika ni Ricky matapos isuot ang medyo may kalakihan sa kanyang blue tshirt na may malaking designs sa likod at harap. Nakasuot din siya ng pantalon na maong at lumang sapatos. Doon ay isinuot na rin niya ang sumbrero niyang itim na may disenyo ng kung ano sa harap.   Kung titingnan ay parang bata ang estilo ng pananamit ni Ricky para sa edad niya, pero hindi naman siya mahilig pumili ng damit na susuotin kaya wala siyang pakialam dito.   Nag-spray siya ng pabango sa katawan at doon ay lumabas na ng kwarto. Nagpaalam siya na may bibilhin lang sa bayan. Dala niya ang isang-libong piso na matagal ng nakatago sa kanyang damitan. Iyon ay matagal na niyang ipon. Kinukuha lang niya iyon kapag may gusto siyang bilihin.   Sumakay siya ng tricycle at bumyahe ng halos kalahating oras bago makarating sa bayan. Bumaba siya sa harapan ng isang malaking tindahang asul. Unitop ang pangalan noon. Alam niya kasing mga mura ang sapatos doon.   Pagkapasok ay diretso agad siya sa bilihan ng sapatos. Iba't iba ang kulay at designs ang naroon, may mga pang-porma, mayroon ding gawa sa balat at may mga panglaro.   Hindi nga lang siya makapili nang oras na iyon. Iniisa-isa nga niya ang bawat sapatos na makikita at madaraanan. Hinawakan niya, at pagkatapos ay itatapat sa paa. Napakamot na nga lang siya ng bahagya sa ulo dahil hindi niya alam kung ano ang okay.   "Ricky?"   Kaso, nabigla na lang ang binata nang may nagsalita sa kanyang tabi. Boses ng babae iyon. Paglingon niya, ay nakita niya ang isang naka-dress ng black na babae. Ang ganda ng ngiti nito sa kanya. Hindi ito isang anghel dahil ate ito ni Andrei.   "A-ate, A-andrea?" Muntik ng matameme si Ricky at bahagyang nahiya dahil nagandahan siya sa nasa harapan niya nang oras na iyon.   "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ng dalaga.   "Nga pala! Congrats! Napili ka raw sabi ni Andriano," dagdag pa nito na nakangiti pa rin sa binata. Parang nahihiya naman si Ricky dahil doon. May mga kalalakihan din kasing nagtitingin din ng mga paninda ang napapatingin sa kanilang dalawa nang oras na iyon.   "Salamat nga pala ate. A-ah, ano... humahanap ako ng sapatos na magagamit ko sa laro," wika ni Ricky na napapayuko na lang sa hiya.   Napatingin si Andrea sa mga sapatos sa paligid. Pagkatapos ay tiningnan niya si Ricky.   "Pangit dito. May alam akong mura pero magaganda at matibay. Malalambot kasi ang swelas kapag dito?" winika ng dalaga.   "Wanna try?" dagdag pa nitong tanong habang nakatingin sa kaibigan ng kanyang kapatid.   Nahihiya talaga si Ricky sa dalaga, pero naisip niyang mabuti na rin siguro ito dahil may makakapili ng sapatos para sa kanya.   "Si...ge ate." Sumang-ayon si Ricky at naglakad na sila palabas.   "Nga pala. Ricky, pwede favor?" biglang sinabi ng dalaga habang sila ay nasa may entrance na.   "A-ano 'yon ate?" tanong ni Ricky.   "Stop calling me ate. Nagmumukha akong matanda. Isang taon lang naman tanda ko sa inyo ni Andriano," natatawang sabi ni Andrea.   "S-sige ate..."   "Eh? Tinawag mo pa rin akong ate? Bastos ka!"   "Sorry, a...at--- Andrea..."   "Iyon! Nice! Kapag inate mo pa ako, 'wag na kayong pumunta sa bahay!" dagdag pa ng dalaga at natawa silang dalawa.   Dinala ni Andrea si Ricky sa ukayan ng mga sapatos. Napakaraming sapatos doon at lahat ay matitibay. Hindi man brand new, pero halos lahat ay branded sa tamang halaga.   "Ano'ng kulay ng uniform ninyo? ahmm... ito!" Kinuha ni Andrea ang isang branded na sapatos na red & black ang kulay. Ang tigas ng swelas nito at kakaunti lang ang gasgas.   "Okay nga iyan!" Kinuha ni Ricky at sinukat. Saktong-sakto! Komportable rin sa paa niya.   "Tingnan mo sa ilalim niyan, nandiyan ang price," wika ni Andrea. Tiningnan naman agad ni Ricky ang ilalim noon.   "1,200," wika ng binata.   "Kulang ang budget ko. 1k lang ang meron ako," dagdag pa ni Ricky.   Nginitian naman siya ni Andrea at kinuha ang sapatos.   "Ako ang bahala!" Pinuntahan ni Andrea ang tindero ng mga sapatos sa gilid.   "Manong! Good morning!" bati ni Andrea na nginitian pa ang lalaking may edad 40 pataas na.   "O? Suki! Ikaw pala iyan..."   Natawa na lang si Ricky nang marinig iyon. Dito pala bumibili ang dalaga madalas, tinawag kasing suki ito. Napangiti si Ricky na kahit may kaya sina Andrea ay hindi ito katulad ng iba. Simple pa rin ang mga ito kagaya ng kaibigan niyang si Andrei.   "Kuya! Lagi naman akong nabili rito. Pwede bang 600 na lang ito?" may halong lambing na tanong ni Andrea. Si manong naman ay natawa sa ikinilos ng dalaga.   "Huwag namang 50% off suki..." Napatawa tuloy ang ilang namimili nang marinig iyon.   "May gasgas na manong oh?" Sabay turo ng dalaga sa gilid na may mga kaunting scratches ngang makikita. Natawa tuloy lalo si Manong.   "700 manong. Para namang others pa ako niyan..." sabi pa ni Andrea habang nagpapakita sa tindero ng isang magandang ngiti.   "E para kanino ba iyan? Ngayon ka lang yata bumili ng sapatos na panlalaki dito ah?" tanong ni Manong. Si Ricky naman ay nagpatay-malisya pagkarinig noon.   "Para sa friend ko po... Varsity ng CISA!" wika ni Andrea na hawak-hawak pa rin ang sapatos.   "Friend? CISA? May school bang ganoon dito?" may halong biro na tanong ni Manong.   "Ricky! Pumunta ka rito!" tawag ng dalaga sa binata at pumunta nga ang nahihiyang si Ricky rito.   "Friends ba? Baka boyfriend?" biro pa ni Manong at napangiti pa nga ang ilang namimili.   "H-hindi po manong!" sagot agad ni Ricky at napatawa si Andrea.   "See! Friends lang kami manong! Ano manong? 700 na lang? Sa sunod, marami akong bibilhin sa inyo. Sige na manong!" wika pa ni Andrea na may halong pagpapa-cute sa tindero.   Napabuntong-hininga na lang si Manong sa kakulitan ni Andrea. Kaya napapayag siya nito. Si Ricky, hindi maiwasang mapangiti dahil parang ang mura noong sapatos. Kahit second-hand lang kasi ay halatang matibay talaga ito.   Nagbabayad na nga sina Ricky nang may narinig sila mula sa likod.   "Manong? Nasaan na iyong Black and Red na sapatos dito? Hindi ba sabi ko ay babalikan ko iyon ngayon?" Napalingon si Ricky doon. Nakita niya ang isang matangkad na binata. Nakasuot ito ng plain black shirt at mukhang bagong ligo dahil sa wet-look na buhok.   "Naku Rio! Hindi ko yata narinig kahapon... nabili na," wika ni Manong sa dumating.   "Nabili na nila..." Itinuro ni Manong sina Ricky at Andrea na tapos ng masuklian.   "M-manong naman!" Nilapitan ng lalaki si Ricky. Nagmukhang bansot si Ricky dahil sa 6-footer na binatang ito.   Napatingin ang lalaki sa kasama ni Ricky at nabigla ito.   "A-andrea?"   "Yes ako nga! Kami ang nakabili ng sapatos na trip mo!" wika ng dalaga at napahawak ito bigla sa balikat ni Ricky dahilan upang mabigla ang binata.   "I see..." nakangiting wika ng lalaking iyon. Pinagmasdan pa nito si Ricky at natawa.   "Okay! Nice taste, Andrea..."   Yuyuko sana si Ricky dahil parang nilait siya ng lalaking iyon... pero, naalala niya, malaki na ang naitulong ng dalaga sa kanya. Huminga siya ng malalim at lakas-loob na hinawakan ang kamay ng dalaga.   "Tayo na Andrea!" winika ni Ricky na ikinagulat ni Andrea. Si Manong ay napangiti na lamang at ang binatang naka-black ay natameme na lang sa nangyaring iyon.   Pagkalabas nila ng tindahan ay dali-dali silang lumakad at nang makitang malayo na ay binitawan kaagad ni Ricky ang kamay ng dalaga. Doon na nga siya tinamaan ng hiya.   "S-sorry! S-sorry!" nahihiyang winika ni Ricky.   "Nope! Okay lang iyon! Bakit ka nagso-sorry?" nakangiting winika ng dalaga kay Ricky.   "Ricky! Thank you!" nakangiting sinabi pa nga nito.   "H-huh? Para saan?" tanong ni Ricky habang naglalakad sila.   "Si Rio, siya ang first boyfriend ko noong first year ako sa CU. Matagal na kaming wala, kaso, nitong mga nakaraang months... nagpaparamdam na naman siya."   "I broke up with him kasi, hindi ko gusto ang attitude niya. Mayabang siya at babaero. Iyon pa naman ang ayaw ko sa lalaki. Noong nanliligaw lang siya mabait. Tumagal kami ng 6 months... at ayun... End!"   "Tsaka, kahit magparamdam siya... Wala na," paliwanag ni Andrea na seryoso namang pinakinggan ni Ricky.   "Okay lang iyan... gusto mong kumain? May tira pa akong 300? Ililibre kita dahil ang galing mong tumawad?" nakangiting alok ni Ricky. Hindi niya napansin, pero nang itanong niya iyon ay hindi siya nakaramdam ng hiya.   "Sige! Pero don't treat me! May pera ako!" Napatawa pa ang dalawa at humanap ang dalawa ng makakainan.   "Nga pala, inform lang kita Ricky. Si Rio ay varsity player ng Southwestern College. Iyon lang. I'm sure, magkikita kayo noon... So goodluck!"   Nang marinig iyon ni Ricky ay napalunok siya ng laway. Naalala niya ang sinabi ng kanilang coach kahapon.   "Next Saturday, magkakaroon tayo ng practice game, laban sa Southwestern College!"
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작