Apoy 1

1306
FLAME ON THE HEART (KOKORO NO HONOO) By TaongSorbetes Genre: Fantasy, Adventure, Romance, Action MATAGAL ko nang itinatanong sa aking sarili kung saan ko ba nakuha ang apoy na marka sa kanan kong palad. Madalas ko itong itinatanong sa aking Ina, subalit ang tangi niyang tugon sa akin ay, "Pagkapanganak mo pa lang ay nand'yan na 'yan." May pagkakataon nga na pinapagalitan ako sa school ng dahil dito. Bawal daw ang may ganito, ito palagi ang sinasabi ng adviser at principal ko sa akin. Nagpapaliwanag at dinidepensahan ko naman ang aking sarili ngunit, kahit isa sa kanila'y hindi ako pinaniwalaan. Nang dahil sa tattoo na ito kaya maraming 'di magagadang bagay ang nasasabi nila sa akin. Isa pa, mukha raw akong adik dahil medyo namumula ang kulay ng aking mga mata. Pero 'di ko naman kasalanan na maging ganito ang kulay nito. Basagulero raw ako! Ang 'di nila alam, kaya lang naman ako napapaaway ay dahil ipinagtatanggol ko lang naman ang aking sarili at kasama na rin ang pagtuturo ng leksyon sa mga taong mahilig mam-bully ng mga mahihina at inosenteng estudyante dito sa school. Tamad daw akong mag-aral! Halos gabi-gabi ko ngang binabasa ang mga notes ko sa school kaso talagang hirap lang akong maka-absorb ng lessons. Sa madaling-salita, bobo ako. "Hoy! Mars," biglang may tumawag sa 'king pangalan habang ako'y nakatitig sa ulap nang mga oras na iyon. "Bumaba ka nga d'yan. Kanina pa kitang hinahanap, nand'yan ka lang pala... May dala akong snacks, oh." Nandito na pala si Venus, ang kaklase ko na may kakayahang komontrol ng tubig. May marka siya sa likod niya na kahugis ng patak ng tubig. Noong una'y akala ko'y kathang-isip lang ito, pero 'di pala, dahil sa 'kin niya mismo ito ipinakita at talagang parang ayaw kong paniwalaan. S'yempre, sekreto lang naming dalawa ito at 'di namin ito pwedeng ipagsabi sa iba. Sabi nga rin niya sa 'kin na baka may kapangyarihan din ako tulad niya. Hugis-apoy ang marka sa palad ko kaya may chance na may kapangyarihan ako ng apoy subalit, ilang beses ko na itong sinubukan pero wala namang lumalabas. "Hoy! Ano? Ba-baba ka ba o baka gusto mo pang masaktan?" pananakot nito sa akin. Madalas, ganyan ang pakikipag-usap niya sa akin. "Ayaw mo talaga?" Isang bolang-tubig ang humulma sa kanyang palad. "Oo na! 'Eto na nga," sabi ko kaagad dahil natakot din naman ako. Kaya nga nagmadali agad akong bumaba mula sa sanga ng puno na aking kinauupuan. "Subukan mo na patamain sa 'kin 'yan, 'di na talaga kita papansinin kahit kailan," winika ko pa bago ako tuluyang bumaba mula roon. Unti-unting naglaho ang tubig sa palad niya at tinaasan ako ng kilay, "Madali ka naman palang kausap." "Bakit ka nga pala absent sa una nating subject?" nakapamewang niyang tanong habang ako'y nagpapagpag naman ng narumihan kong pantalon. "Late na kasi ako...Kilala mo naman ang teacher natin sa Economics. Raratratin ako n'on ng mura." Napatawa pa ako ng bahagya nang maalala ko ang huling beses na ako'y nahuli sa subject na iyon. "Tinopak ka na naman siguro?" aniya. "O baka tinamad ka lang talaga?" Seryoso kong tiningnan si Venus na animo'y nakikipagusap gamit ang isip. "Hinarang kasi ako ng grupo nina Jupiter sa isa kong dinadaanan sa likod ng school," pag-amin ko. "Mayayabang kasi sila, ayun...Tinuruan ko na rin ng leksyon. Mga maangas pero wala namang ibubuga." Sinundan ko pa ng isang mala-demonyong pagtawa. Ipinagmalaki ko sa kanya kung gaano ako kalakas. "Sira ka talaga!" sabi niya at pagkatapos ay binatukan niya ako. "Pasalamat ka! Pa'no kung ikaw ang naturuan nila ng leksyon?" Binatukan na naman niya ako na siya nang ikinainis ko." Ano ba!" pagalit kong sabi. "Kailangan ba na babatukan mo ako tuwing pagsasabihan mo ako?" Tinitigan ko rin siya ng masama pero 'di siya nagpatalo. "Bakit? May angal ka? Dapat nga'y matuwa ka sapagkat may babae na sumasama sa 'yo," aniya. "Baka nakakalimutan mo, 'pag ikaw ay nalalagay sa gipit na sitwasyon, sino ang tumutulong sa 'yo? 'Di ba, ako?" Ibinalik ko ang sandwich na bigay niya at agad tumayo matapos kong marinig iyon, "Sinabi ko ba na tulungan mo ako? Hiniling ko ba? 'Di ba hindi? D'yan ka na nga! 'Di ko naman kailangan ng kaibigan, sanay na 'kong mag-isa!" prangka kong tugon at iniwanan ko siya nang 'di man lang nakapagsalita. Hindi ko na rin siya pinansin ng araw na 'yon. Akala niya yata ay kung sino siya, 'di ko ginusto na maging kaibigan niya ako...Siya lang ang masyadong mapilit. Ang pinakaayaw ko pa naman sa lahat ay 'yong mga taong tutulungan ako ng 'di ko hinihiling tapos sa huli...Ipapamukha nila sa 'kin na utang na loob ko ang pagtulong nila. ***** KINAGABIHAN, isang asul na liwanag ang kumuha sa atensyon ko habang ako'y nakatingin sa labas ng bintana. Nagmumula ito sa lugar na kinatatayuan ng aming paaralan at sigurado ako roon. 'Di rin naman kasi ito kalayuan mula sa bahay. Nagtaka ako kung ano ang nangyayari, kaya nagpaalam muna ako kay Nanay para ito'y matingnan. Hindi ko nga maintindihan, pero habang palapit ako nang palapit sa lugar ay bumibilis ang t***k ng puso ko. Nakaramdam ako ng kaba na 'di ko maipaliwanag. "Ano 'to?" Nagulat ako nang bumungad sa akin ang mga nakahintong tao, sasakyan at mga hayop sa paligid. Mismong ang pagpatak ng tubig at ang paglaglag ng dahon ay gan'on din. Para bang tumigil ang oras sa lugar na ito, pero pa'no? Bakit ako'y hindi? Napahinto na lang ako nang bigla akong makarinig ng isang pagsabog. Nagmula ito sa tapat ng school, sa mismong ceremonial ground nito. Sinundan pa ito ng sunod-sunod na pagkidlat. Tinakbo ko na ito upang malaman ang mga nangyayari... "A-ano-..." Bumungad nga sa harapan ko ang tatlong nakaitim na lalaki at isang matanda na napapalibutan ng kidlat. Pero ang mas gumulantang sa akin ay ang babaeng nakaluhod at mukhang hinang-hina. Napapalibutan ang katawan niya ng isang Water Shield pero ito'y naglalaho nang paunti-unti. Hindi nga ako pwedeng magkamali, si Venus iyon! "Itigil n'yo 'yan!" buong-tapang kong isinigaw kahit hindi ko alam ang gagawin. Pero 'di man lang sila natinag, at isang napakalaking kuryente ang lumabas mula sa matandang iyon. Balak na niya yatang tapusin si Venus. "Katapusan mo na! Water Princess..." Buong lakas nitong ibinato ang kapangyarihang iyon papunta kay Venus na 'di na makagalaw dahil sa pinsala nitong natanggap. Hindi ito pwede, si Venus na kaibigan ko? Ang tanging tao na nakipagkilala at kinausap ako ng seryoso. Napakababaw ko kanina, 'di ko man lang naisip na concern lang siya sa 'kin. At heto siya ngayon, nalalagay sa panganib dahil sa mga kakaibang nilalang na hindi ko alam kung saan galing... Kailangang may magawa ako, ililigtas ko ang kaibigan ko. ISANG napakalaking apoy ang sumalag sa kapangyarihang kidlat na ibinato ng matanda. Isang Apoy na Phoenix ang lumitaw at sinugod ang apat na nilalang doon. Walang nagawa ang mga ito kundi tanggapin ang nagliliyab na bagay na bigla na lang lumabas sa kamay ko. Bago pa man matamaan si Venus ay bigla itong lumabas sa palad ko nang hindi ko inaasahan...Hindi ko nga alam kung paano pero sadyang nakakagulat ang mga nangyari. Nawala ang apoy kong kapangyarihan at naglaho naman na parang bula ang matanda at ang mga kasamahan nito. Agad kong nilapitan si Venus at niyakap, 'di ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyaring masama sa kanya. "Venus, gising!" wika ko. Niyugyog ko pa ang katawan niya tapos ay bigla na lang na naghilom ang mga sugat niya. Nagtaasan ang butil-butil na tubig mula sa lupa at pumasok sa kanyang katawan. Parang walang nangyari, bumalik na siya sa dati... "M-mars?" Pilit niya akong inaaninag. "Anong ginagawa mo rito? T-teka...Sina Zeus?" pagtataka niya. Kaso, isang ilaw ang gumulat sa amin. "Hoy! Anong ginagawa ninyo rito? Ginawa n'yo ng Motel ang paaralan. Mag-siuwi na nga kayo...Ang babata n'yo pa!" Nakita pala kami ng guard ng school. Agad bumitaw si Venus sa 'kin at dali-daling umalis na parang namumula ang mukha. "Manong Guard! Wala akong alam sa sinasabi n'yo! Ihh... Ang OA ninyo!" Hiyang-hiya siya nang oras na 'yon habang ako nama'y napakamot na lang sa ulo. Genre: Fantasy - Adventure
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작