CHAPTER 1

2042 Words
Audrey  MASAYANG-MASAYA ako nang marating ko ang home base. Panalo na kasi ang aming koponan. Samantalang hindi naman magkamayaw ang mga cheerers ng aming koponan. Lamang kasi kami ng tatlong puntos kung kaya’t kami na ang idineklarang panalo. Kami ang manlalaro ng softball team ng mga kababaihan ng junior high school. “Congratulations! Manlibre naman kayo!” kantyaw ng mga cheerers na kaklase namin. Nasa fourth year high school na ako at ito na ang huling sali ko sa laro. Nangako ako sa aking sarili na kapag nasa kolehiyo na ako ay titigil na ako sa paglalaro at aatupagin na lamang ang aking pag-aaral. Hindi na kasi ako makapag-concentrate sa mga academic subjects ko dahil sa sport na kinabibilangan ko. Biglang nagningning ang mga mata ko at parang tinambol ang aking dibdib nang makita ko ang isang binata na nakaupo malapit sa stage. Napakaguwapo niya kahit sa malayuan. Nakapuwesto ito sa isang komportableng upuan at pinapayungan pa ng isang lalaking kasama nito na nakasuot ng puting polo. “Si KJ!” wala sa loob na bulalas ko. Nagtinginan tuloy sa akin ang mga kasama ko sabay tumingin din sa direksyong tinatanaw ko. Nagtilian ang mga kababaihan. Kaya pala kanina pa ay tila nagkukumpulan ang mga tao sa bandang iyon na kinaroroonan ni KJ. “Nanood ba siya ng laro natin?” tanong ko sa teammate kong si Chona. Si Chona ay parang isang tomboy ngunit nang makita nito si KJ ay tila tinablan na rin ng kilig. “Siguro. ‘Di ko rin napansin dahil abala tayo kanina. Mabuti na lang good shot ako kay Papa KJ,” pagbibiro ko pa. Mayamaya ay nakita kong tumayo si KJ sa kinauupuan nito. “Ay, aalis na siya agad?” narinig kong sambit ni Chona. “Hindi pa, tingnan mo papunta yata sa canteen. Tara, punta rin tayo!” yaya ko sa kanila. “Oo nga. Teka, coach, ‘di niyo po ba kami ililibre?” hirit ni Chona. Nagsegundahan naman ang mga kasama ko. “Oo nga, coach,” ang sabi ko naman. “O siya sige, tara na sa canteen,” yaya sa’min ni coach. “’Yan, taralets!” nagmamadaling nauna ako sa kanila. Ang totoo hindi naman ang panlilibre ni coach ang habol ko kundi ang maabutan si KJ sa canteen at makita ito ng malapitan. Tila nagsiksikan ang mga estudyante sa canteen. Hindi na halos kami makapasok dahil sa dami ng gustong makakita kay KJ sa malapitan. Para itong artista na pinagkakaguluhan. Totoo namang parang artista talaga ito sa taglay nitong kaguwapuhan. “Softball team, pasok na raw kayo!” Laking tuwa namin ng tawagin kami ng guard na nagbabantay sa canteen. Nagtaka ako dahil biglang nagkaroon ng guard sa canteen naisip ko na baka dahil nandoon si KJ kaya siguridad nito ang isinaalang-alang. Lumabas na ang ilan na nakatapos nang kumain at pinapasok naman ang aming team. “Team, manlilibre daw si Sir KJ,” ani coach na lumapit sa’min. Nang makapasok na kami ay kanya-kanyang upo sa bakanteng mesa. Samantalang ako ay nakatayo lamang at parang natulala nang makita ko sa malapitan si KJ. Nang mapatingin ako sa mga kasama ko ay wala na akong maupuan kung kaya’t nanatili na lamang akong nakatayo sa isang sulok. Mayamaya ay nakita kong binulungan ni KJ ang kasama nitong nagpayong sa kanya kanina, pagkatapos ay lumapit ito sa akin. “Miss, sabi ni Sir KJ doon ka na raw umupo sa mesa niya.” Nagulat ako at tila hindi makapaniwala sa narinig. “A-ako po?” “Oo, ikaw nga.” Napangiti ako ng alangan at kinakabahan na lumapit sa mesa ni KJ. Napatingin ito sa akin. Kapansin-pansin ang makinis niyang kutis. Ang magaganda niyang pilik mata at makakapal na kilay hanggang sa bumaba ang aking tingin sa kanyang mga labing mapupula na tila kulay rosas. Lihim akong napahanga dahil tila walang kapintasan ang kanyang hitsura. “Maupo ka,” sabi nito. Hindi siya ngumingiti pero napakaguwapo niya dahil sa taglay nitong maamong mukha. Tumingin ako sa paligid at sa mga teammates ko. Bagama’t tuwang-tuwa sila ay nababakas ko sa kanilang mga mukha ang pagkainggit dahil ako ang kasama ni KJ sa mesa. Napahawak tuloy ako sa aking pisngi dahil pakiramdam ko ay nag-iinit iyon at namumula sa sobrang hiya. 'Ni hindi nga ako makatingin sa mukha ni KJ kapag nakatingin siya sa akin. Idagdag pa na galing ako sa initan, pihadong amoy pawis na rin ako. Samantalang itong si KJ ay ang bango-bango. Naamoy ko ang pabango niya kahit medyo malayo siya sa akin. “What’s your name?” tanong niya sa akin. “Ah, A-audrey po,” utal na sagot ko. Mayamaya ay inilapag na ng service crew ang tray sa aming mesa. Maraming pagkain ang nakalagay roon. Napansin ko rin ang dalawang juice. Napaisip tuloy ako kung para sa akin ba iyon. Pero sinabi naman kanina ni coach na manlilibre itong si KJ. Naghintay lang ako ng ilang sandali para sabihin niyang kumain na ako. Sa totoo lang ay kanina pa ako nauuhaw. Gustong-gusto ko na inumin ang malamig na orange juice sa harapan ko. Dati-rati ay wala naman masyadong tinda sa canteen maliban sa mga kakanin, lugaw at mga simpleng meryenda lamang. Samantala ngayon ay tila espesyal, palibhasa alam siguro nila na pupunta sina KJ. Natakam ako sa pasta na hindi ko malaman kung ano ang tawag. Mayroon ding salad at iba pang pagkain. Napatingin lang ako at napalunok. “Kain na,” sabi ni KJ. “Ha?” tulala lamang ako. “Kakain ka ba o hindi? Akala ko gutom ka,” sabi nito. “S-sige.” Maingat na naglagay ako sa aking plato ng pasta kasunod noon ay nilagay ko naman ang sauce. Uminom na muna ako ng juice dahil tila nanunuyo na ang aking lalamunan. “Congratulations, Audrey! Ang galing mo kanina,” sabi niya. Tila pumalakpak ang aking tainga sa narinig. Ibig sabihin ay pinanood niya ako habang naglalaro. Parang lulundag na ang puso ko sa tuwa. “Ah, hindi naman masyado konti lang. Nanood po kayo?” nahihiyang tanong ko sabay sabit ng hibla ng buhok ko sa likod ng aking tainga. “Drop the po, hindi pa ako matanda,” sabi niya. “Ay, sorry po,” paumanhin ko. Tumingin na naman siya sa akin na tila gusto na niya akong pandilatan nang marinig nito ang pagkakasabi ko ng ‘po’. “Sorry,” alanganing napangiti ako. Nahihiya na talaga ako dahil hindi man lang ito ngumingiti sa kabila ng pagngiti ko sa kanya. “Hindi ba siya kakain?” Nilinga ko ang kanyang bodyguard na nakatayo lang mga dalawang metro ang layo sa amin. “Hindi.” “Teka, matanong ko lang, bakit madalas ka pumunta rito? Gusto mo bang mag-aral dito?” usisa ko. “No, sinama lang ako ni Dad. Nasa Principal’s office siya at hinihintay ko lang.” Sersoyo pa rin ang mukha ni KJ habang kumakain ng pasta. “Ah! Ganun ba? Matanong ko lang, anong sadya niyo rito?” ulit kong tanong. Natutop ko ang aking bibig nang hindi ito sumagot saakin sa halip ay ipinagpatuloy ang pagkain nito. Napakadaldal ko naman kasi. Mayamaya ay lumapit sa amin si Liam. Isa rin itong sikat na manlalaro ng baseball team ng aming batch. Kagaya ni KJ nakabuntot din palagi ang bodyguard nito. Kapag nasa klase ito ay nasa labas lang ng classroom o kaya nasa paligid lang ang bodyguard nito. Naisip ko siguro dahil anak siya ni Mayor at sinisiguro lang ang kaligtasan nito palagi. “Hey, Cuz! Hinihintay ka na ni Tito sa Principal’s Office,” sabi nito kay KJ. Tinawag nitong Tito ang daddy ni KJ. Ibig sabihin ay kamag-anak ni Liam sina KJ? Mga katanungan na gusto kong itanong kay KJ pero hindi ko na nagawang itanong dahil tapos na itong kumain. Nagmadali na rin ako na tapusin ang aking pagkain. “It’s okay, no need to hurry, uminom lang ako ng tubig,” sabi ni KJ sa akin nang mapansin na tila nagmadali ako. Binaling muli nito ang tingin kay Liam na nakatayo pa rin sa aming harapan. “Sige, pupunta na lang ako pagkatapos naming kumain.” Walang pasabi na tumalikod si Liam at umalis sa harapan namin. ANG baseball team naman nina Liam ang naglaro at kami naman ang cheerers. Tila nabibingi na ako sa tilian ng mga nasa likuran ko. Kanina pa sumasakit ang aking tainga sa tuwing si Liam ang batter. At ngayon ay hindi magkamayaw ang mga ito sa pagsigaw nang manalo ang koponan nina Liam. Hindi naman talaga matatawaran ang galing nito sa paglalaro idagdag pa ang kagandahang lalaki nito. Moreno, matangkad at may magagandang ngiti si Liam. Kaya naman kapag baseball na ang maglalaro ay talagang pinapanood ng karamihan, at isa na ako roon. “Galing mo, Liam!” sabi ko nang lumapit ito sa gawi namin at uminom sa tumbler nito na nakalagay malapit sa akin. “S’yempre, ako pa!” pagyayabang nito pagkuwa’y ngumiti. “Talagang normal na sa’yo ang mayabang, ano?” nakangiting sabi ko. Napangiti lang ito at kinindatan pa ako. Inirapan ko naman siya. Sanay na kasi ako sa mga pagpapa-cute nitong si Liam sa kahit kaninong babae. Sa totoo lang ay guwapo naman talaga siya kaya lang nayayabangan ako sa kanya. “Teka, hindi pa rin pala siya umuuwi? Close ba kayo?” pansin ko nang matanaw ko si KJ ‘di kalayuan na nakaupo sa bench. Akala ko kasi ay umuwi na ito kanina pa. Hindi ko rin naman napansin dahil nag-umpisa nang maglaro kanina ang koponan nina Liam. “Ah, Si KJ ba ang tinutukoy mo?” tanong niya. “Oo.” “Pinsan ko siya. Hindi mo ba alam? Sila ang may-ari ng eskwelahang ito,” walang ganang tugon niya. “Ha? Talaga?!” Hindi ako makapaniwala na anak siya ng may-ari at magpinsan pala ang dalawa. Kaya pala kanina ay tila normal lang sa kanila ang mag-usap na parang kilalang-kilala na nila ang sa isa’t-isa. “Oh! Napako na naman ang tingin mo sa pinsan ko. Naku! Audrey, hindi ka naman papansinin niyan. ‘Kita mo nga’t nanonood lang pero walang ka-rea-reaction ang mukha,” ang sabi nito na tila naiirita. “Inaano ka ba riyan? ‘Dami mo na agad sinabi. Insecure ka siguro dahil ‘di hamak na mas maputi siya sayo, ano?” balik ko sa kanya. “Ako, insecure?” tila mas lalo itong nairita, “Ang tunay na guwapo ay kayumanggi. ‘Tsaka, bakit naman ako mai-insecure sa kagaya niya?” Tumalikod na si Liam at sumama sa mga teammates nito. “Pikon,” usal ko habang napabuga ako ng hangin. Bakit parang hindi siya proud na guwapo ang kanyang pinsan? Dapat nga ikatuwa pa niya dahil may pinsan siya na kagaya ni KJ. Napabuntong-hininga na lang ako habang nakatanaw sa kinaroonan ni KJ. Nang makauwi ako ng bahay ay bigla kong naalala na may bibilhin pala akong mga gamit para sa gagawin naming experiment sa science kinabukasan. Agad na nagpaalam ako kay Tito Arman upang pumunta sa bayan. Kina Tito Arman na ako nakatira mula noong first year high school ako. Malayo kasi ang bahay namin sa paaralan at kung mag-uuwian ako araw-araw ay tiyak na mapapagod lang ako masyado dahil nasa liblib na lugar ang aming bahay. Sa katunayan ay hindi na nga kami inaabot ng kuryente. Pinakiusapan nina Nanay at Tatay si Tito Arman na pansamantalang makikituloy ako sa kanila. Mabait naman ang mga ito kaya agad namang pumayag. Tuwing weekend ay excited na akong umuwi sa aming baryo nami-miss ko kasi agad sina Nanay at Tatay pati mga kapatid ko. Panganay ako sa magkakapatid at may dalawa pang sumunod sa akin, sina Kian at ang bunso naming si Anna. Nag-aaral pa rin ang mga ito sa elementarya sa baba ng bundok na kinaroroonan ng aming bahay. As usual, kapag Sabado at Linggo ay abala kaming magkakapatid sa pangunguha ng panggatong na kahoy sa paligid. Pagpapastol naman ng kalabaw ang ginagawa ng sumunod sa akin na si Kian habang si Tatay ay nasa palayan at kung minsan ay nasa koprahan. Mahirap ang buhay namin sa bundok kaya naman nangangarap ako na balang araw ay matutulungan ko ang mga magulang ko at mga kapatid na maiahon sa hirap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD