CHAPTER 2

1077 Words
IMINULAT NI Jhunnica ang isang mata nang kalampagin siya ng ingay ng kanyang alarm clock.  Kalagitnaan na ng buwan ng Nobyembre, napakalamig na ng klima at hindi pa rin sumisikat ang araw kahit na nga ala sais na ng umaga.  Namaluktot lang siya sa kama at ibinalot nang husto sa kanyang katawan ang kumot. “Five minutes…” bulong niya saka muling ipinikit ang kanyang mga mata. Lunes na naman kasi. Oras na naman ng trabaho. And she really hated Mondays.  Kung hindi nga lang siya nanghihinayang sa suweldo niya, hinding-hindi na talaga siya papasok.  Kung bakit naman kasi kailangan pa ng mga tao na magtrabaho?  Minsan tuloy, naisip niyang sana ay bumalik na lang siya sa pag-aaral gaya noon.  Nang wala siyang pinoproblema kundi assignments, projects at reports.  Pensiyonada siya, kumbaga.  Noon, lagi niyang ipinagdarasal na sana ay maka-graduate na siya para makapagtrabaho na siya.  Ngayong natupad na ang mga pangarap niya, gusto na niyang magreklamo.  Ang kaso, walang graduation kapag nagtrabaho na.  Tapos na nga naman kasi ang obligasyon sa kanya ng mga magulang niya na pag-aralin siya.  Ngayon siya naman ang kailangang magpakahirap para alagaan at bigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Hay, ang buhay nga naman. “Ate Jhun!  Gumising ka na raw sabi ni Nanay!  Tanghali na daw!  Hoy!” Mabilis siyang napaupo sa pagkagulantang.  Nang makita ang teenager na kapatid na si Jonard na binubutingting ang mga nasa ibabaw ng nightstand niya, binato niya ito ng unan at saka muling humiga. “Lumabas ka ng kuwarto ko, bata.  Kung ayaw mong masaktan.” “Ang sabi ni Nanay, huwag daw akong aalis dito hangga’t hindi ka bumabangon.” “Bumangon na ako.” “E, bakit nakahiga ka pa rin diyan?” “Ito ang version ko ng pagbangon, ‘no?”  Muli niyang ibinalot sa kumot ang sarili.  “Lumabas ka kundi mamasamain ka talaga sa akin.” “Bad trip talaga kayo ni Nanay, Ate.  Lagi na lang ninyo akong iniipit.” “Isa…” “Ang hirap mo talagang gisingin.  Bahala ka na nga diyan.  Ikaw naman ang mali-late sa trabaho mo at hindi ako.  Oo nga pala, ‘Te.  Kailangan ko ng five hundred next week.” Doon na siya tuluyang bumangon.  “At anong gagawin mo sa five hundred?” “Allowance ko.  Tumaas na ang gasolina ngayon at—“ “At ano ang ginagawa ng mga pedicab drivers sa gasolina?  Iniinom?”  Pedicab lang kasi ang sinasakyan nito patungong paaralan na malapit lang din naman sa kanila.  Naghikab siya at muli itong binato ng unan.  “Lumabas ka na at gising na ako.” “’Yung five hundred ko—“ “Oo na, oo na.” Paglabas ng kapatid ay muli siyang bumalik sa kanyang kama.  “Five more min—“ “Ate!” “Oo na sabi, eh!  Gising na ako!” “Puro ka five more minutes.  Gusto mo na ba talagang ma-late nang tuluyan?” “Huwag mo akong sermunan diyan dahil kahit kailan ay hindi pa ako na-late sa trabaho ko.  At mas matanda ako sa iyo kaya huwag mo akong hihiritan ng ganyan.” “Ang kulit mo kasi—“ “Oo na po.  Lumabas ka na po.” Sa kabila ng nag-aagiw pa niyang utak, pinilit na rin ni Jhun ang kanyang sarili na kumilos.  Bitbit ang tuwalya ay nagtungo siya sa banyo.  Naupo siya sa toilet bowl habang hinihintay na mapuno ng tubig ang balde.  Nangalumbaba siya at ipinikit ang kanyang mga mata. “Five minutes—ah, letse!”  Sumandok siya ng tubig gamit ang tabo at ibinuhos iyon sa kanyang mukha.  “Ah!  Letse talaga!” Halos mawalan siya ng ulirat sa sobrang lamig ng tubig.  Anak ng teteng!  Dahil sa antok ay nakalimutan niyang magpainit ng tubig para mapatay sana ang lamig ng tubig.  Ginagawa niya iyon mula nang mag-umpisa ng lumamig ang panahon.  Pero hindi na bale, nakatulong naman sa kanya nang husto ang malamig na tubig para tuluyang magising ang kanyang diwa. Sinunod-sunod na niya ang pagbubuhos ng tubig na halos hindi na siya humihinga pa para lang matapos na ang kalbaryo niyang iyon sa tubig.  Nataranta pa siya nang dumulas ang bote ng shampoo nang damputin niya iyon. “Hoy, Stallion, halika dito!”  Stallion ang bagong brand ng shampoo niya ngayon.  Maganda kasi ang napunuod niyang commercial nito sa tv kaya sinubukan niya.  Nainggit kasi siya sa magandang buhok ng model niyon kaya nag-iilusyon din siya ngayon na magkaroon ng ganong buhok.   Lagpas anim na minuto lang ang inabot ng paliligo niya.  “Hola!” hiyaw niya paglabas na paglabas ng banyo. Mabilis siyang nagbihis upang maibsan na ang pangangatog ng kanyang katawan.  Salamat sa lamig ng tubig, buhay na buhay na ang lahat ng himaymay niya sa katawan. Handang-handa na siya sa lahat ng pagsubok sa buhay ngayong araw. Naks. Drama. “O, mabuti naman at natapos ka na rin sa five-minutes ritual mo.”  Inilapag ng kanyang ina ang isang bandehado ng mainit na kanin sa mesa.  “Bilisan mo na ang pagkain at nang hindi ka magahol sa oras ng biyahe. Baka mamaya kung ano na ang masabi sa iyo ng supervisor mo.  Kabago-bago mo pa lang e nali-late ka na” “Hindi na ako bago dun, ‘Nay. Tatlong buwan na kaya ako sa kanila.”  Sumandok siya ng kanin sa kanyang plato, dalawang hotdog, pritong itlog at dalawang piraso ng malalaking pandesal.   “Bago pa rin iyon dahil wala ka pa ni isang taon.”   Napansin ni Jhun na huminto ang ina sa pagkilos at kunot-noo lang itong nakatingin sa plato niya ng pagkain. “Bakit, ‘Nay?” “Mauubos mo ang mga iyan?” “Kulang pa nga ‘yan, Nay,” sagot ni Jonard. “Ang lakas kaya kumain ni Ate.” “Siyempre, gutom ako. Tsaka, masarap magluto ng sinangag si Nanay, eh.” Nakangisi pa niyang binalingan ang ina. “Hindi ka kaya tumaba nyan? Mas mahihirapan ka trabaho mo kapag mabigat ang pakiramdam mo.” “Malakas ang metabolism ng katawan ko, ‘Nay.  At tsaka, matatagtag naman sa trabaho ko mamaya ang lahat ng kakainin ko ngayon.  Kaya okay lang iyan. Don’t worry, inay.” “Kunsabagay.  Pero konting hinay pa rin sa pagkain at baka hindi ka naman matunawan agad nyan.” “Yes, mother.” “O, siya.  Basta bilisan mo na riyan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD