LIVE 02

1128 Words
KAGAYA ng inaasahan ni Amara ay nanalo si Luna sa pageant na sinalihan nito sa school. Kasabay ng magandang nangyari sa kapatid niya ay ang magandang balita na hatid niya rin sa kanyang mga magulang. Siya kasi ang nangunguna sa klase nila. First honor siya sa buong section nila sa taong ito. Pauwi na siya ng araw na iyon at kasabay niya si Luna sa paglalakad. Bitbit niya ang malaking bag na naglalaman ng mga ginamit nito sa pageant. Paniguradong matutuwa ang nanay at tatay niya sa magandang balita na sasabihin nila ni Luna. Hindi pa rin niya sinasabi kay Luna ang pangunguna niya sa klase dahil sa nais niya rin itong masorpresa. "Sana may premyong pera iyong pageant, 'no? Para makakabili na ako ng cellphone." Napatingin si Amara sa kapatid. "Hayaan mo na. Dagdag points din naman iyon sa grades mo." "Kahit na, ate. Ikaw ba, gusto mo rin magkaroon ng cellphone?" "Gusto. Kasi lahat ng classmates ko meron na. Ako na lang yata ang wala. Pero, tanggap ko naman na sa ngayon ay hindi pa ako magkakaroon. Kapag siguro nagkatrabaho na ako." "Bakit kasi ipinanganak pa tayong mahirap... Sana katulad na lang ako nina Cheska at Violet na nabibili ng magulang nila ang mga gusto nila." Sa kanilang paglalakad ay isang lalaki ang humahangos na tumawag kay Luna. Sandali silang tumigil upang hintayin ito dahil ang sabi ni Luna ay kilala niya ito. Matangkad ang lalaki at sa palagay niya ay kaklase ito ng kapatid niya. Gwapo at maputi. Mukhang mayaman. "Edward? Bakit?" tanong ni Luna. "May ibibigay sana ako sa'yo..." sabay abot nito ng maliit na kahon na nahihiyang kinuha naman ni Luna. "Congrats nga pala. Alam ko na ikaw ang mananalo dahil ikaw ang pinaka maganda sa lahat ng kasali." Nakita ni Amara ang pamumula ng mukha ni Luna. "Binobola mo na naman ako..." ani ng kapatid niya. "Hindi, a. Nagsasabi lang ako ng totoo." "Sige na. Kailangan na naming umuwi ng kapatid ko kasi excited na kaming ibalita kina nanay at tatay na nanalo ako. Salamat nga pala dito sa regalo mo." "You're welcome. Okay. Ingat kayo!" Nakangiting kumaway si Edward at umalis na ito. Sinundan nila ito ng tingin. Sumakay ito sa nakahintog kotse sa hindi kalayuan. Doon ay nahinuha ni Amara na mayaman nga ang Edward na iyon. Iilan lang kasi ang may kotse na nag-aaral sa school nila. At kapag may naghahatid at sundo sa iyong kotse, isa lang ang ibig sabihin niyon. Mayaman ka. "Nanliligaw ba sa'yo 'yon?" tanong ni Amara habang naglalakad na ulit sila. "Si Edward? Oo, ate. Pero, please lang. 'Wag mo munang sasabihin kina nanay at tatay, ha. Alam mo naman na bawal pa akong magpaligaw at makipag-boyfriend. Please, ate..." Ipinagsalikop pa ni Luna ang dalawang kamay habang nakikiusap na tumingin sa kanya. Naiiling na sumagot si Amara. "Pasaway ka talaga, Luna! Yari ka kapag nalaman iyan nina nanay at tatay!" "Pero hindi mo naman ako isusumbong, 'di ba?" "Gusto mo ba si Edward?" Nahihiyang tumango si Luna sa kanya habang kagat ang pang-ibabang labi. "Sabi ko na nga ba. Iba ang tingin mo sa kanya kanina." "Please, ate. 'Wag mo akong isumbong!" "Oo na! Ang lakas mo yata sa akin." "Salamat, ate! Kaya mahal na mahal kita, e!" Isang mabilis na halik sa pisngi ang iginawad ni Luna sa kanya. Naglalambing na naman ito. "Ikaw ba, ate, may nanliligaw na ba sa iyo?" Bahagyang nalungkot si Amara sa tanong na iyon. Ang totoo kasi niyan, kahit isa ay wala pang nagtangka na manligaw sa kanya. Aminado naman siya na hindi siya maganda katulad ng kapatid niya. Umiling siya. "Wala. Sino ba naman ang magkakamaling manligaw sa mukhang ito!" Pabiro pa niyang itinuro ang sariling mukha. "Bakit? Maganda ka naman, a. Magkamukha nga tayo, e!" "Sus! Alam ko ang totoo, Luna. Hindi ako maganda kaya malabong may lalaking magkagusto sa akin, 'no." "Sinong may sabing hindi ka maganda, ate? Uupakan ko talaga!" Iwinasiwas pa nito ang buong kamao sa hangin. "Ikaw yata ang pinaka magandang ate sa buong mundo! At pinaka mabait pa!" "Hay naku! Tama na, Luna. Nagbobolahan na tayo dito. Porket alam mong hindi kita isusumbong kaya binobola mo ako!" "Hindi, a. Totoo ang sinabi ko, ate!" Inakbayan pa siya ni Luna hanggang sa makarating na sila sa bahay nila. -----***----- "TALAGA? Ikaw ang nanalo, Luna?! Ang galing naman talaga ng anak ko!" Ganoon na lamang ang tuwa ng nanay at tatay ni Luna nang pagdating ng mga ito mula sa pagtitinda ay sabihin niya na siya ang nanalo sa pageant sa school. Kasalukuyan na silang kumakain ng hapunan. "Hindi naman nakakapagtaka dahil maganda ang Luna natin!" Pinisil pa ng tatay niya ang baba niya. "Kung hindi rin po dahil kay Ate Amara, hindi ako mananalo. Tinuruan po niya ako ng sayaw at sa mga posibleng itanong sa question and answer. Kung hindi po ako tinulungan ng ate, baka natalo ako..." Masuyong tiningnan ni Luna si Amara. Maswerte talaga si Luna na may kapatid siyang katulad ni Amara. Palagi itong nasa likod niya at nakasuporta sa lahat ng gagawin niya. Kung sa iba siguro iyon ay baka maiinggit lang sa kanya pero iba si Amara. Napakabait nito at alam niyang mahal na mahal siya nito gaya ng pagmamahal sa kanya ng nanay at tatay niya. Nginitian siya ni Amara. "Wala iyon. Bilang ate mo ay tungkulin kong suportahan ka, Luna." "'Yan. Ganiyan dapat kayong dalawa. Magtulungan kayo palagi. Lalo ka na, Amara. Panganay ka kaya ikaw ang dapat maging gabay ng kapatid mo kapag wala kami," bilin ng tatay niya. "Bukas ay magluluto ako ng pancit para sa pagkapanalo mo, anak!" ani ng nanay nila. "Talaga po, 'nay? Sige po, aayain ko dito ang mga kaibigan ko, ha. Para matikman nila ang pinaka masarap na pancit sa buong mundo!" Masayang sabi ni Luna. Maya maya ay ipinagpatuloy na nila ang pagkain. Nang malapit na silang matapos ay biglang nagsalita si Amara. "Oo nga po pala. First honor po ako ngayon. Sasabitan po ako ng medalya sa Sabado." "Ang tatay mo na lang ang magsasabit sa iyo, Amara. Hindi ako pwede sa Sabado at magtitinda ako sa labas ng school niyo. Alam niyo naman na kapag Recognition Day ay maraming tao. Sayang naman ang kikitain natin sa araw na ganoon." "Titingnan ko," tugon ng tatay niya. "Baka kasi pumunta ako sa birthday ng ninong ni Luna. Basta, pipilitin ko." "S-sige po. Salamat po..." Napansin ni Luna ang lungkot na bumalot sa kapatid niya kaya naman bigla siyang tumayo at niyakap ito mula sa likuran. "Congrats, ate! Ang galing mo talaga! Proud ako na ikaw ang ate ko!" At mas hinigpitan niya ang yakap dito. Umangat ang isang kamay ni Amara para haplusin ang braso niya na nakayapak dito. "Salamat, Luna..." Matipid na turan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD